Inday TrendingInday Trending

Lumilipad ang isipan ni Fred habang nakatanaw sa labas ng bintana ng kinalulunang ordinaryong bus. Pauwi na siya mula sa trabaho. Mukhang ito na ang huling pagkakataong uuwi siya mula sa naturang trabaho. Isa siya sa mga kinausap kanina ng branch manager nila na kailangan munang magpahinga. Cost-cutting daw muna ang kompanya dahil nalulugi na ito. Babayaran naman daw sila ng separation pay.

Hindi malaman ni Fred kung paano niya sasabihin sa kanyang asawang si Alma ang kalagayan nila ngayon. Kamakailan lamang ay kumuha sila ng hulugang refrigerator dahil nasira na ang luma nila. Pumapasok pa sa pribadong paaralan ang kanilang dalawang anak. Bukod dito, marami pa silang mga gastusin tulad ng upa sa bahay, internet, electric, at water bills, at syempre, pang-araw-araw nilang pagkain. Hindi naman madaling makahanap ng trabaho ngayon.

Kahit may ganitong isiping mahirap humanap ng trabaho ngayon, pursigido si Fred na galugarin ang buong Maynila upang makahanap ng panibagong trabaho. May ipon pa naman siya, subalit hindi iyon sasapat, at hangga’t maaari ay ayaw niyang masaid ang laman ng kanyang bank account.

Pagkababa sa bus, dumaan sa palengke si Fred. Ayaw niyang ipahalata sa kanyang pamilya ang suliraning kinakaharap niya. Ayaw niyang sabihin kay Alma na tinanggal siya sa trabaho. Nahihiya siya. Naisip niya, saka niya ipagtatapat sa kabiyak ang lahat kapag sigurado na siyang may bago na siyang papasukan. Hahayaan niyang isipin nitong pumapasok siya sa trabaho araw-araw, subalit ang toto, naghahanap na siya ng bago.

Matapos makapamili ng paboritong pansit canton ng kanyang mga anak, sasakay na sanang muli si Fred ng dyip pauwi, subalit nakatawag ng pansin sa kanya ang isang matandang lalaking umaawit sa kalsada. Napakaganda ng tinig nito. Isang lumang awitin ni Joey Ayala ang kinakanta nito, habang naggigitara. Nakangiti ito habang inaawitan ang publiko. May mga nasisiyahan naman sa paraan ng pagkanta ng matanda, at naglalagay ng barya sa nakataob nitong sumbrero.

Matapos umawit, nilapitan ni Fred ang matanda.

“Ang galing n’yo ho… puri ni Fred sa matanda.

“Naku, salamat. Hehehe. Talento ko talaga ang pag-awit,” nakangiting sabi ng matanda. Inalok ni Fred ang pansit sa matanda. Hindi naman ito tumanggi at kinain ang pansit. Binilhan pa ito ng tubig ni Fred. Napag-alaman niyang ang pangalan nito ay Lolo Pilo.

Matapos mapakain ang matanda, umupo sa kanyang tabi si Fred.

“Anong ginagawa n’yo ho rito sa lansangan, ‘tay? Dapat ho nagpapahinga na kayo.”

“Kailangan kong kumayod, hijo. Wala naman akong natapos. Wala akong alam na ibang gawain kundi ang pagkanta. Dati akong may banda. Subalit nagkawatak kami eh dahil sa hindi pagkakaunawaan. Masaya naman ako sa ginagawa ko,” sagot ni Lolo Pilo kay Fred.

“Hindi ba kayo nababahala sa mga susunod na araw? Paano ho kung walang magbigay sa pagkanta n’yo?” usisa ni Fred sa matanda.

“Natatakot. Pero ganoon talaga. May mga panahon namang malakas at may nagbibigay. May mga panahon ding wala. Iyan ang buhay ng tao eh. Pana-panahon lang. Kung nakaranas ka ng kalungkutan, makakaranas ka rin ng kaligayahan,” sagot ni Lolo Pilo.

Tumatak sa isip ni Fred ang mga sinabi ni Lolo Pilo. Hanggang sa siya’y makauwi, iniisip niyang wala siyang dapat na ikabahala sa buhay. Oo, nawalan siya ng trabaho, subalit may kakayahan naman siyang humanap ulit dahil may tinapos naman siya. Hindi niya kayang maglihim sa kanyang asawa, kaya ipinagtapat niya rito ang nangyari sa kanya. Naunawaan naman siya nito at sinabing susuportahan siya sa kanyang paghahanap ng trabaho.

Iginugol ni Fred ang kanyang isang linggo sa paghahanap ng bagong mapapasukan. Umaabot naman siya sa final interview, subalit hindi niya alam kung bakit hindi siya tinatanggap. Kapag pinanghihinaan siya ng loob, dumadaam siya sa palengke upang makita at marinig ang pag-awit ni Lolo Pilo. Nawawala ang kanyang alalahanin sa buhay. Hindi siya dapat mangamba, sapagkat kung tutuusin, mas mainam pa rin ang kanyang sitwasyon sa ibang tao.

Isang araw, natanggap na rin sa wakas si Fred. Pinapirma na siya ng kontrata, at pinasusunod na lamang ang mahahalagang mga requirements. Bago umuwi, dumaan muna sa palengke si Fred upang bumili ng pasalubong sa kanyang mag-anak, at upang ibalita kay Lolo Pilo ang magandang balita. Subalit wala si Lolo Pilo sa lugar kung saan ito kumakanta. Nagtanong si Fred sa tindera ng prutas na malapit sa pwesto ni Lolo Pilo.

“Nasaan ho yung matandang kumakanta rito?” Tanong ni Fred.

“Naku… si Pilo ba? Wala na siya. Nasaksak kaninang umaga. Pinagnakawan. Kawawa nga eh…”

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Fred. Sa tulong ng tindera, natunton niya ang tirahan nito upang madalaw ang burol kinabukasan. Sa kabaong nito, isang mapayapang mukha ang nakatunghay. Batay sa salaysay ng kanyang mga kakilala, isang mabuting tao si Lolo Pilo. Isang positibong tao.

Sumama si Fred sa paghahatid sa huling hantungan kay Lolo Pilo. Pinasalamatan niya ang matanda dahil sa inspirasyong ibinigay nito sa kanya, hindi man nito alam. Ipinangako ni Fred sa sarili na pagbubutihin niya ang gawain sa bagong trabaho at mananatili niyang tatanawin ang buhay nang positibo, katulad ni Lolo Pilo.

Advertisement