Kodigo sa Exam
“Dessa, uwi na tayo. May exam nga pala tayo bukas. Kailangan nating mag-aral. Hindi ba sabi ng prof natin ang hindi makakapasa hindi makakagradweyt?” nag-aalalang wika ni Angel. Bakas sa kaniyang mukha ang kagustuhan nang umuwi.
“Naniwala ka naman? Tsaka ano ka ba? Bakit pa tayo magrereview, eh, pwede naman tayong mangopya o gumawa ng kodigo. Dito muna tayo. Minsan lang itong birthday ng crush ko!” sagot naman ni Dessa habang nagtatagay ng alak sa kaniyang baso. Napilitan namang manatili ang dalaga dahil sa kaibigan.
Matalik na magkaibigan ang dalawang dalaga. Bata pa lamang sila nang magsimulang mabuo ang kanilang pagsasamahan. Matalik rin kasing magkaibigan ang kanilang mga nanay kaya naman simula nung kinder hanggang sa pagtungtong nila sa kolehiyo ay ginagawa nila ang lahat ng paraan para lagi silang magkasama.
Ngunit sadyang may pagkapasaway ang dalagang si Dessa. Laki kasi siya sa layaw. Kahit anong gusto niya ay nakukuha niya. Mapa-bag man ito o sapatos, binibigay ito agad sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Habang ito namang si Angel na sobrang bait at mapagmahal ay kabaliktaran ng may pagkamaldita niyang kaibigan.
Kinabukasan ay maagang sinundo ni Angel ang kaniyang kaibigan sa bahay nito. Alam niyang hindi pa ito nagigising dahil sa kalasingan kagabi. Agad naman siyang pinapasok ng nanay nito sa kwarto upang gisingan na ang dalaga.
“Dessa, gising ka na. Isang oras na lang at exam na natin. Babiyahe pa tayo,” ika ni Angel habang bahagyang niyuyugyog ang dalaga. Agad naman itong nagising.
“Hindi na muna ako papasok. Sobrang sakit ng ulo ko. Pakiusapan mo na lang si prof kung pwedeng bukas na lang ako mag-exam. Sabihin mo may lagnat kasi ako.” antok na antok na sambit ni Dessa tsaka nagtakip ng unan sa mukha.
“Hindi ‘yon pwede, Dessa. Halika na. Dalian mo na. Pagtitimpla kita ng kape,” pagmamatigas naman ni Angel tsaka hinila patayo ang dalaga.
“Nakakainis ka naman, e!” sigaw ni Dessa tsaka padabog na pumunta sa banyo.
Nakarating naman sa takdang oras ng pagsusulit ang dalawa. Dahil nga hindi sila nakapag-aral ay agad na umupo si Dessa sa lugar ng mga kaklase nilang batikan sa kopyaan. Agad naman niyang hinila ang kaibigan na maupo sa tabi niya.
Mayamaya pa ay iniabot na ang kani-kanilang mga sagutang papel. Wala pang ilang minuto ay umikot na rin ang mga sagot ng isa nilang kaklase na nakadikit sa isang pambura kaya naman wala pang kalahating oras ay natapos na nilang lahat ang pagsusulit.
“Sabi sa’yo, Angel, eh. Hindi na natin kailangang mag-aral. Basta nakaupo tayo dito sa likuran dadaloy ang ginhawa!” ika ni Dessa habang tinatapik-tapik si Angel. Pansin ng babae na mukhang nangangamba ang kaniyang kaibigan.
Isang oras ang nakalipas at bigla na lamang pinatawag sa opisina ang ilan sa mga estudyante kabilang na ang dalawa.
“Iyong mga nakapwesto daw kanina sa likuran pumunta raw kayo sa office ni ma’am,” sambit ng isa nilang kamag-aral dahilan para kabahan silang lahat. Agad nilang tinanggal ang mga sagot sa pambura ng isa nilang kaklase tsaka nagtungo sa office ng kanilang prof.
Pagkapasok nila ay agad silang pinaupo ng kanilang prof tsaka itinapon sa kanilang harapan ang kanilang mga sagutang papel.
“Basahin niyo ngang maigi ‘yang mga tanong sa exam niyo. Tignan niyong mabuti. Magkakaparehas kasi ang mga sagot niyo, eh,” malumanay na sambit ng propesora. Agad naman nilang kinuha ang kani-kanilang mga papel tsaka tinignan kung magkakaparehas nga sila. Labis ang kanilang pagkagulat nang malamang magkakaiba pala sila ng mga katanungan.
“Ano? Bakit parang nakakita kayo ng multo sa mga test papers niyo?” tanong ng propesora. Nakatungo lamang ang mga estudyante sa kahihiyan.
“Sorry po,” bigla namang wika ni Angel kaya agad naman siyang siniko ng kaibigan.
“Alam niyo kahit saan niyo tignan mali itong ginawa niyo. Gusto niyong makakuha ng mataas na marka at makagradweyt pero hindi kayo gumagawa ng tamang paraan para maabot ito. Tandaan niyo mas mabuting makakuha ng mababang marka kaysa sa makakuha ng mataas na marka dahil nandaya ka. Kung dito pa lang sa paaralan nakakagawa na kayo ng anomalya malaki ang posibilidad na madala niyo ‘yan sa trabaho niyo pagka-gradweyt niyo. Maaaring mapasama pa kayo sa mga nangungurakot,” malumanay na sambit nito pero bakas sa kaniyang mukha ang pagkadismaya. Wala namang masabi ang mga estudyante.
“Ayokong lumabas kayo sa paaralan na ito na ganiyan kayo. Bibigyan ko kayo ng dalawang oras para mag-aral. Pagkatapos pakukuhanin ko kayo ulit ng exam,” dagdag pa nito dahilan para mabuhayan ang mga mag-aaral. “Ipangako niyo lamang sa’kin na hindi na ito mauulit. At tandaan niyo, hindi kayo mapagkakatiwalaan sa malaking bagay kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay,” sambit ng propesora tsaka nito pinalabas ang mga estudyante upang makapag-aral.
Wala namang sinayang na oras ang mga estudyante lalo na ang dalawang magkaibigan. Lumipas ang dalawang oras at kumuha muli sila ng exam. Sa kabutihang palad ay kasama sa mga nakapasa ang dalawang magkaibigan.
“Mas masarap sa pakiramdam na makakuha ng mataas na score kapag hindi galing sa iba ang sagot, ano?” ika ng kanilang propesora. Naghiyawan naman ang lahat.
Lumapit ang dalawang magkaibigan sa kanilang propesora upang humingi ng tawad. Labis na kahihiyan rin kasi ang kanilang naramdaman. Agad naman silang pinatawad nito dahilan para maging masaya ang dalawa.
“Sorry nga rin pala, Angel, ha. Dahil sa’kin nadamay ka pa. Pangako hindi na magiging matigas ang ulo ko,” ika ni Dessa sa kaibigan tsaka niya niyakap ito ng mahigpit.
Natuto na mula sa pangyayaring iyon ang magkaibigan. Ngayon ay ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makapasa sa kanilang mga exam.
Tama nga naman ang propesora ng dalawang dalaga, mas mabuti nang makakuha ng mababang marka kaysa sa mataas ang marka dahil sa pangongopya. Parang sa buhay ng tao, mas mabuti nang maghirap ka kaysa sa yumaman ka dahil sa pangungurakot.