Inday TrendingInday Trending
Nalaman ng Batang Ito na ang Kanyang Ama ay Nagsisinungaling Tungkol sa Kanyang Totoong Trabaho, Grabe Naman Pala ang Dahilan Kung Bakit

Nalaman ng Batang Ito na ang Kanyang Ama ay Nagsisinungaling Tungkol sa Kanyang Totoong Trabaho, Grabe Naman Pala ang Dahilan Kung Bakit

Wala nang mas pa-proud pa kay Michael kundi ang kanyang nag-iisang anak na si Jonas.

Galing sa mahirap na pamilya si Michael kaya naman pinangako niya sa kanyang sarili na kapag siya’y nagkaroon ng sariling pamilya ay hindi niya hahayaang maranasan ng kanyang asawa’t anak ang kahirapan.

Nang pinakasalan niya si Elizabeth ay yun din ang pinaka-masayang araw ng kanyang buhay.

Pangalawang pinaka-masayang araw niya ay noong ipanganak ang kanyang anak na si Jonas.

Ngunit ang kanilang kasiyahan ay hindi nagtagal nang pumanaw si Elizabeth dahil sa malubhang sakit na hindi nila agad nalaman.

“Anak, huwag kang mag-alala, ibibigay ko pa rin sa’yo ang mundong pinangako ko sa mama mo,” naiiyak na sambit ni Michael habang kanyang yakap-yakap ang tatlong taong gulang niyang anak na si Jonas.

Pero hindi naging madali ang buhay para sa mag-ama.

Dumating sa puntong nagtatanong si Jonas kung ano ba talaga ang trabaho ng kanyang ama dahil palagi itong gabing-gabi na nakakauwi.

“Tuwing umaga na lang kasi kita nakikita, pa. Saan po ba kasi yung trabaho mo?” aniya.

“Basta mahirap kasi ang trabaho ng papa eh, kaya pasensya na anak kung madalas ay ang tiyahin mo lang ang kasama mo sa hapon hanggang gabi,” sagot naman ng kanyang papa.

Palaging natutukso si Jonas ng kanyang mga kaklase dahil sa sira-sira niyang sapatos at maliit na uniporme. Ngunit hinahayaan niya lang ang mga ito.

Nadagdagan pa ang pang-aasar sa kanya ng mga kaklase nang makitang marumi ang itsura ng kanyang tatay.

“Kaya ka naman pala ganyan kasi ganyan din ang tatay mo!” sabay tawanan nilang magkakaklase.

“Mahirap ka lang pala eh! Dapat di ka dito nag-aaral!” dagdag pa ng isa sa kanila.

Ngunit hindi na lamang siya sumasagot sa pang-aasar ng kanyang mga kaklase. Pero hindi rin naman maiwasan ang makaramdam siya ng inis sa kanyang kaklase.

Unti-unti rin na naramdaman ni Jonas ang pagtatampo sa kanyang tatay.

“Sa totoo lang, tama naman ang mga kaklase ko, sobrang luma na ng mga gamit ko at damit ko,” naiiyak niyang bulong sa sarili.

Ngunit dahil alam niyang hindi niya ito masasabi sa tatay niyang nasa trabaho, sinulat na lamang niya ang kanyang sama ng loob sa isang pirasong papel.

Kinagabihan, sa pagbisita ng kanyang tatay sa kanyang kwarto, nakita niya ang papel na nasa ibabaw ng lamesa. Naiyak ang kanyang ama dahil muli niyang naisip ang pangako niya sa anak na bibigyan niya ito ng magandang buhay ngunit hindi niya ito matupad-tupad.

Kaya naman, kinabukasan, sabay silang kumain ng almusal ng kanyang anak, gaya ng dati. Ngunit, ngayon ay mayroon siyang hawak na maliit na kahon at nakabalot iyon na parang regalo.

“Anak, para sa iyo ‘to, suotin mo ngayon ha,” nakangiting sabi ng kanyang tatay habang inaabot ang regalo.

Nagliwanag ang mga mata ni Jonas at dali-daling binuksan ito.

Isang bagong pares ng sapatos ang laman!

“Pa, salamat po!” naiiyak na sabi ni Jonas at mabilisang sinuot ang bago niyang sapatos.

Napansin niya rin ang pagsuot ng kanyang tatay ng damit na amerikana at kurbata kaya nagtaka ang bata. “Pa, saan kayo pupunta?” tanong niya dito.

“Aba syempre sa trabaho, saan pa nga ba?” nakangiting sagot ng kanyang tatay.

“Ang ganda ng uniporme mo pa! Poging pogi ka tuloy!” ani ng bata.

Sobrang ganda ng araw ni Jonas lalo na’t punong puno ng puri ang bago niyang sapatos, maging ang mala negosyanteng porma ng kanyang tatay.

Mula noon ay naging sikat si Jonas sa kanyang mga kaklase dahil palagi siyang mayroong bagong gamit.

Isa-isang nabili ng kanyang tatay ang mga kailangan niya sa paaralan. Bagong uniporme, bagong bag, bagong mga libro, bagong notebook at bagong mga panulat.

Ngunit napansin niya na palagi ring pagod ang kanyang tatay. Ngunit ni minsan ay hindi na niya kinamusta pa ang lagay ng ama.

Isang araw ay umuwi ang tatay niyang pawis na pawis. Malinis naman ang kanyang uniporme ngunit napakadumi at punong-puno ng putik ang kanyang sapatos.

“Pa, saan po kayo galing?” nagtatakang tanong niya sa kanyang tatay.

“Sa opisina, anak, bakit?” mahinang sagot ng kanyang tatay.

“Maputik po ba sa opisina niyo?” aniya habang nakatingin sa sapatos ng kanyang ama.

“Ah hindi, anak, may nadaanan lang akong putikan dyan sa labas,” sagot naman ng kanyang tatay.

Hindi na sumagot pa si Jonas at tumango na lamang. Ngunit palagi na niyang napapansin ang maruming sapatos ng kanyang tatay tuwing siya’y uuwi.

Isang araw, habang siya’y naglalakad pauwi galing sa eskwelahan, nakasalubong niya ang isang lalaking may bitbit na mga sulat. Nakaputing t-shirt, pantalon na maong, at itim na sapatos na may putik.

Doon niya napagtantong tatay niya pala ang lalaking nakita niya.

Naawa siya sa itsura ng kanyang tatay na naglalakad sa arawan, walang payong, init na init at pawis na pawis.

Tumakbo siya pauwi at mabilis na hinanap ang kanyang tiyahin.

“Tita! Tita! Tapatin niyo po ako! Ano ba talagang trabaho ni papa?!” tanong niya habang punong-puno ng luha ang kanyang mga mata.

Inakbayan siya ng kanyang tiyahin at pinaupo sa upuan. Doon inamin ng kanyang tiya ang lahat.

Lungkot na lungkot ang kanyang tatay dahil hindi niya maibigay ang pangakong buhay sa kanyang anak. Kaya naman, nagdagdag siya ng dalawa pang trabaho araw-araw bukod sa pagko-construction. Namamasukan rin ang kanyang tatay bilang mensahero at kargador rin sa palengke.

At kaya nagsusuot ng magandang amerikana at kurbata ang kanyang tatay ay para hindi na tuksuhin pa si Jonas ng kanyang mga kaklase.

Grabe ang iyak ni Jonas nang malaman ang katotohanan.

Paguwi ng kanyang tatay ay agad niya siyang niyakap.

“Pa, sorry. Hindi ko alam. Hindi mo na kailangang magtrabaho ng marami. Ayaw kong napapagod ka. Hindi mo na kailangan pang itago,” wika ng bata.

At mula noon ay bumalik muli sila sa dati at naging mapagpasalamat ang bata sa kung ano man ang mayroon sila. Hindi na rin siya nagpaapekto sa mga pang-aasar ng kanyang kaklase dahil alam niyang ang tatay niya ay gagawin ang lahat para sa kanya.

Advertisement