Inday TrendingInday Trending
Lalaking Halos Perahan na ang Kanyang Mabait na Nobya, Nagsisi nang Siya’y Kalasan ng Babae

Lalaking Halos Perahan na ang Kanyang Mabait na Nobya, Nagsisi nang Siya’y Kalasan ng Babae

Si Ella ay lumaki sa maayos na pamilya. Bilang nag-iisang anak, lahat ay naibibigay sa kanya ng kanyang mga magulang. Ngunit hindi siya pinalaking isang spoiled na bata. Kaya naman, alam niya na lahat ng bagay na mayroon siya ay pinaghihirapan ng kanyang mga magulang.

Nang siya’y makatapos ng pag-aaral, naging madali sa kanya ang makahanap ng magandang trabaho na may malaking sweldo dahil sobrang talino rin niya. Masipag rin siyang mag-aral ng mga bagay na makakatulong sa kanyang trabaho bilang isang accountant kaya palagi siyang napapansin ng mga boss.

“Ella! Congratulations! You’re this month’s best employee!” wika ng isa sa kanyang mga boss.

“Thank you, boss!” nakangiti niyang sagot habang sila’y nagkakamayan.

“Buwan-buwan na ba ito?” nakangiting asar ng kanyang boss.

“Basta po gagawin ko lang ang trabaho ko, boss,” nakangiti niya ring sagot.

“Well done!” at siya’y tinapik ng kanyang boss sa kanyang likod habang nakangiti lamang.

Masaya na si Ella sa ganitong buhay. Hindi naman siya naghahanap pa ng karelasyon dahil gusto niyang nakakatulong siya sa kanyang mga magulang.

Ngunit isang araw ay nakilala niya ang isang lalakeng nagngangalang Joshua.

Nakakasabay niya palagi ang lalaking ito sa MRT na sinasakyan niya tuwing umaga. Isang araw, naglakas loob ang binata para kausapin ang dalaga.

“Good morning,” bati niya.

“Ay, good morning din,” sagot naman ng dalaga.

“Saan ka nagwo-work?” nakangiting tanong ng binata.

“Dyan lang sa Makati,” sagot namang muli ng dalaga.

At patuloy na silang nagkwentuhan. Nabanggit ng binata na siya’y isang manggagawa sa pabrika.

Mula noon, halos araw-araw na silang nagkakasabay pumasok, nagkapalitan ng cellphone number, at nagsimulang magkausap araw-araw.

“Pwede ba tayong lumabas mamaya? Pagkatapos ng trabaho?” paanyaya ng binata.

“Sure. Sige, wala namang pasok bukas eh,” sagot ng dalaga.

“Sige, sunduin na lang kita sa may opisina mo,” sagot naman ng binata.

Hindi rin maitanggi ang kilig ni Ella. Pakiramdam niya’y nanliligaw na si Joshua sa kanya ngunit hinihintay na lamang niya na sa binata mismo manggaling ang mga salita.

Kinahapunan ay sinundo na ng binata ang dalaga sa kanilang opisina at dumiretso sila sa pinakamalapit na mall. Napag-usapan nilang kakain lamang sila ng hapunan.

“Naku, ako na ang magbabayad ng sa akin!” ani ni Ella habang pinipigilan ang kamay ni Joshua sa pag-aabot ng bayad.

“Ano ka ba naman, ako na, ako naman nagyaya eh,” sagot ng binata.

“Naku, hindi pwede, ako na ang magbabayad,” at mabilisan niyang inabot ang kanyang bayad para hindi na makatanggi pa si Joshua.

Napadalas na rin ang kanilang paglabas. Kaya naman, hindi na naging imposible nang sila’y maging magkasintahan.

“Babe, anong oras ang out mo mamaya? Sunduin na kita,” sabi ni Joshua na nasa kabilang linya ng telepono.

“6pm babe, mag-o-overtime kasi ako,” malungkot namang sagot ni Ella.

“Sige hihintayin na lang rin kita,” sagot ng binata.

Naging sobrang malapit na rin ang dalawa. Ngunit umabot sa puntong naging sanay si Joshua sa kabaitan ng kanyang nobya.

“Babe, ikaw na muna magbayad ngayon, bawi ako next time,” sambit niya sa kanyang nobya habang tinutukoy ang napakaraming pagkain sa kanilang harapan.

“Okay, no problem,” nakangiti namang sagot ni Ella.

Kinabukasan…

“Babe, nagugutom ako, libre mo naman ako ng meryenda,” ani Joshua.

“Sige, saan ba?” sagot ng dalaga.

Mula noon, napadalas na ang pagpapalibre ni Joshua sa kanyang nobya. Hindi ito minamasama ni Ella dahil para sa kanya, sila naman ay magkasintahan.

Ngunit nagsimula na rin manghiram-hiram ng pera si Joshua sa kanyang nobya.

“Babe, kinulang kasi ako eh, hiram muna sana ako, bayaran ko sa sunod na sweldo,” anito.

At dumating pa sa puntong kapag hindi napapautang ni Ella ang nobyo ay galit na galit ang binata.

“Napakaramot mo naman babe! Ibabalik naman sayo eh!” singhal ni Joshua.

Totoo namang naibabalik ng binata ang pera, ang kaso nga lang ay ilang buwan pa ang inaabot. Madalas pa ay nanghihiram na siya agad muli ng pera bago pa niya maibalik ang inutang niya.

Hanggang sa dumating ang puntong napagod si Ella sa kanilang relasyon. Natatakot na rin siya tuwing nagagalit si Joshua sa kanya dahil minsan ay parang mananakit na ang binata.

At iyon ang iniwasan ni Ella na mangyari kaya naman habang maaga ay nakipaghiwalay siya sa binata.

Hindi ito natanggap ng binata kaya naman pinilit niyang makipagbalikan sa kanya si Ella.

Hanggang sa nalaman niya na si Ella ay may bago nang manliligaw.

“Kaya ba ayaw mo na sa akin ay dahil sa bago mong nobyo?!” galit pang pagkakatanong ni Joshua na kausap si Ella sa kabilang linya ng telepono.

“Pwede ba, Joshua? Hindi iyon ang dahilan. Hindi ko na maatim ang relasyon na mayroon tayo noon. Hindi ko deserve yun. Ginagawa mo akong matrona mo,” sagot ng dalaga.

Nakita nga ni Joshua kung paano alagaan ng bagong manliligaw si Ella. Palagi niyang hinahatid at sinusundo sa opisina ang dalaga. Tuwing lalabas ay madalas niya pang nililibre si Ella at sinusuportahan niya ang babae sa kung ano ang gusto niyang gawin.

Sising-sisi siya dahil hindi niya ito ginawa sa dating nobya. Imbes na tratuhing prinsesa ang dalaga ay kung anu-ano pa ang mga pabor na kaniyang hiningi.

Advertisement