Huling Habilin Ni Papa
“Papa, pʼwede po ba akong manghingi sa inyo ng regalo para sa 18th birthday ko?” tanong ni Pauline noon sa kaniyang ama, habang naghuhubad ng sapatos.
“Siyempre naman, ʼNak! Ano ba ang gusto mo?” sagot naman nito nang nakangiti. Kagagaling lang ng kaniyang papa sa site, kung saan ito nagtatrabaho bilang isang construction worker.
“Gusto ko po sana ng gitara, Papa!” hiling ni Pauline.
Nang araw na iyon ay nangako ang kaniyang ama na ibibili siya ng gitara sa 18th birthday niya. Ngunit hindi iyon natupad..
“Pasensiya ka na, anak, hiniram kasi ng katrabaho ni Papa ang perang ibibili ko sana ng gitara mo. May sakit daw kasi ang anak niya, e, isinugod sa ospital,” paliwanag nito.
Ngunit agad na napasimangot si Pauline sa narinig. Hindi na sumagot ang dalaga at padabog lang itong pumasok sa kaniyang kwarto.
“Lagi na lang siyang ganoʼn!” hiyaw ng kaniyang isip.
Samantala, dinig niya mula sa kaniyang kinaroroonan ang pag-uumpisa ng impit na pagtatalo ng kaniyang mga magulang dahil sa nangyari. Simula noon ay halos araw-araw nang nagtatalo ang mga ito. Palagi silang nag-aaway at sinisisi ni Pauline ang kaniyang papa dahil doon.
Hanggang sa magpasya na ngang maghiwalay ang kaniyang mga magulang. Iniwan nila ng kaniyang ina ang papa niya, tutal ay mas malaki naman ang kinikita ng kaniyang mommy sa negosyo nitong pag-uukay-ukay. May-ari ito ng maliit na fashion botique sa bayan ng Santa Rosa City, sa may Laguna. Doon nila napagpasyahang manirahan na rin simula noon. Matagal na panahon din siyang walang naging balita sa kaniyang ama. Mukha namang hindi rin naman ito nag-abalang hanapin sila.
Isang araw ay nabalitaan na lang nilang naaksidente sa construction site ang kaniyang Papa at doon ay binawian ito ng buhay. Nalungkot si Pauline, ngunit mabilis niya iyong pinalis. Itinatak niya sa isip na hindi ito naging mabuting ama sa kaniya.
Makalipas ang limang taon
Nasapo ni Pauline ang kaniyang noo dahil sa pamomroblema. Napakatumal na naman ng benta nila ng mga damit. Katatapos niya lang kuwentahin ang kita nila ngayong linggo at lumalabas na luging-lugi na sila.
Simula nang itayo ang mall sa tabi ng kanilang maliit na fashion botique ay naging napakatumal na ng kanilang benta. Ang dati ngang lima hanggang walong tauhan nila ay dalawa na lang ngayon ang natitira!
Namana niya pa ang negosyong ito sa kaniyang mahal na ina, na pumanaw, dalawang taon pa lang ang nakalilipas. Saan siya ngayon pupulutin kung mawawala pa sa kaniya ito?
“Tao po?” Isang tawag ang nakapagpatigil kay Pauline sa pag-iisip. Nilingon niya ang entrance ng kanilang botique.
“Sino po ang hanap nila?” tanong niya sa lalaking iyon na nasa labas ng botique. Magara ang suot nito. Animo sobrang kagalang-galang.
Ano naman kaya ang kailangan nito sa akin? napatanong tuloy siya sa kaniyang sarili.
“Nandiyan po ba si Pauline Navarro?”
“Ako po iyon, bakit po?” bakas ang pagtataka sa mukha ng dalaga. Matagal na kasi niyang hindi ginagamit ang apelyidong iyon ng kaniyang ama.
“Ako si Attorney Manrique, maaari ba kitang makausap?” tanong nito. Agad namang sumang-ayon si Pauline.
“Tungkol ito sa last will and testament ng iyong amang si Flaurencio Navarro…”
Ikinagulat ni Pauline ang pagbanggit nito ng pangalan ng kaniyang ama.
“Last will and testament?” takang tanong niya.
“Oo. Malaki rin kasi ang nakuha ng iyong ama noong maaksidente siya sa site habang empleyado pa siya ng agency na kaniyang pinagtatrabahuan. Kaya lang, imbes na gamitin niya ang pera upang ipampagamot ay minabuti nitong iwan na lang sa iyo, bilang pamana ang naturang pera nito.”
“Matagal na kitang hinahanap, kaya lang ay pinalitan mo pala ang apelyidong ginagamit mo kaya medyo nahirapan ako…” Pagkatapos ay inilabas nito mula sa isang sobre ang isang kasulatan. Doon ay nakaimprenta ang mga salitang “Last Will and Testament” at iniabot iyon sa kaniya.
“Sa iyo iniwan ng iyong ama ang bahay at lupang naipundar niya noon para sa inyong pamilya. Pati na rin ang dalawang daang milyong pisong laman ng bank account na binuksan nito noon, kasama na ang interes. Kailangan mo lang pumirma rito, pagkatapos ay aasikasuhin na natin ang mga dapat asikasuhin,” dagdag pa ng abogado.
“P-pero attorney, papaano pong nakaipon ng ganoon kalaking halaga ang papa? Construction worker lang po siya, hindi ba?” kunot na kunot na ang noo ni Pauline.
“Ah, iyon ba? Kaibigan kasi ng iyong ama ang may-ari ng mall na katabi nitong fashion botique mo. Tinulungan siya nito, gaya ng pagtulong na ginawa ng iyong ama sa anak nito nang muntik na itong mam*tay dahil sa pulmonya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi ka naibili ng gitara ng papa mo noong 18th birthday mo,” sagot naman ni Attorney Manrique. “Labis ang pasasalamat ko sa iyong ama, dahil nadugtungan ang buhay ng aking kaisa-isang anak noong nagipit ako at kahit sarili kong pamilya ay hindi ako nagawang tulungan.”
Halos hindi na nakapagsalita pa si Pauline sa labis na pagkabigla hanggang sa magpaalam na ang abogado. Ibig sabihin ay ito pala ang kasamahang sinasabi ng ama niya noon at ito rin ang may-ari ng mall na katabi ng botique niya!
Inalok pa siya ng abogado ng partnership sa mall na pagmamay-ari din nito!
Sobra-sobrang pagsisisi ang naramdaman ni Pauline. Hindi siya naging mabuting anak sa kaniyang ama. Binalikan niya ang dati nilang tahanan. Dahil matagal nang naiwang nakatiwang-wang ay napakarumi na sa loob. Puno ng agiw at mga kalat.
Ngunit isang bagay ang siyang pumukaw sa kaniya. Iyon ay ang gitarang nakalagay pa sa telang kaha nito, habang nakaburda roon ang pangalang “Pauline”.
Wala nang nagawa pa ang dalaga kundi hunagulgol na lang ng iyak dahil sa labis na pagsisisi. Sana pala, hindi siya nag-aksaya ng panahon. Sanaʼy nakasama niya nang mas matagal ang ama. Sana, hindi siya naging suwail dito.
Ngayon lang napatunayan ni Pauline na tunay ngang nasa huli ang pagsisisi. Ngayon ay tanging sa hangin na lamang niya maaaring ibulong kung gaano niya kamahal at kung gaano siya humihingi ng tawad sa kaniyang mabuting ama.