Inday TrendingInday Trending
Nagtipid ang Binata sa Pagbili ng Karne Upang Makalabas Kasama ang mga Kaibigan, Labis ang Kanyang Pagsisisi sa Sinapit ng Kanyang Pamilya

Nagtipid ang Binata sa Pagbili ng Karne Upang Makalabas Kasama ang mga Kaibigan, Labis ang Kanyang Pagsisisi sa Sinapit ng Kanyang Pamilya

Isang OFW ang ina ni Felix na si Anita. Dalawang taon na itong namamasukan bilang kasambahay ng isang mayamang pamilya sa Saudi. Kahit mahirap, tinitiis ng ina ang lahat para lamang makasigurong makapagtapos ng pag-aaral ang tatlong anak at maipagamot ang asawang naputulan ng paa matapos ang isang malagim na trahedya sa trabaho nito.

Labing walong taong gulang na si Felix, kaya naman labis ang tiwala na ibinibigay ng kanyang ina dito dahil isa pa’y wala siyang aasahan bukod sa panganay na anak. Kahit nasa abroad, maliit lang din ang kinikita ni Anita. Kaya naman pilit nilang pinagkakasya ang padala nitong P15,000.00 kada buwan sa lahat ng gastusin sa pamamahay.

Sa loob ng dalawang taon, si Felix na ang nag-aasikaso sa kanyang dalawang kapatid pati na rin sa amang hindi na nakakalakad dahil isa na lamang ang paa nito. Matiyaga siya dahil alam niyang kaunting sikap na lamang ay makakaahon din sila sa hirap. Ipinagsasabay din ni Felix ang pag-aaral sa pamamahala ng kanilang munting tahanan.

Dahil nga kaunti lang ang naipapadala ng ina, hindi na nakakabili ng kahit anong pang luho ang binata. Kaya naman madalas itong makantyawan ng mga kaibigan.

“Felix! Ano ba naman ‘yan? Ikaw ang may hawak ng pera sa inyo pero hindi mo man lang kami mailibre kahit minsan?” Pangangantyaw ng barkadang si Paul.

“Ano ka ba, pre? Alam mo naman ang lagay namin sa bahay. At isa pa, maliit lang ang kinikita ni Mama.” Paliwanag ng binata.

“Isang beses lang naman. Ano, tara? Labas tayo! Nood lang tayo ng sine, tayong magbabarkada. Kahit P400.00 lang na budget, hingin mo na sa mama mo. Minsan lang naman!” Patuloy na pangungulit nito.

Malakas ang disiplina ni Felix, kaya kahit anong pilit ng kaibigan ay nangibabaw ang awa nito sa kanyang ina na dugo’t pawis ang puhunan makapagpadala lamang sa kanila.

Kada Linggo, pumupunta si Felix sa palengke upang mamili ng karne at gulay na uulamin nila sa loob ng isang linggo. Isang libong piso ang badyet niya para mapakain ang ama at dalawang nakababatang kapatid.

“Totoy! Karne ng baboy ba ang hanap mo? Eto oh, isang kilo P150.00 lamang! Sa kabila, P250 ‘to. Laking tipid mo dito!” Alok ng isang ale na ngayon lamang niya nakita sa palengkeng iyon. Naisip niyang bagong tindera siguro ito at kaya mura ang binebenta, para magkaroon ng mga suki.

Bigla namang naalala ni Felix ang alok ng kaibigang si Paul. Dahil may sarili siyang maliit na ipon, ang matitipid niya sa bibilhing karne ay sasapat na para makalabas siya at makanood ng sine kasama ang mga kaibigan.

Agad namang bumili ng dalawang kilo si Felix. Tuwang-tuwa naman ang ale dahil ang binata ang unang bumili sa kanya.

Nakauwi na si Felix at agad inayos ang mga pinamili. Pinainom rin niya ng gamot ang kanyang ama, at pinagplantsa na ng uniporme ang mga kapatid.

Kinabukasan, sumama na si Felix sa mga barkada upang manood ng sine. Bago siya umalis, siniguro niya munang may uulamin ang ama at mga kapatid. Naglabas siya ng ¼ kilo ng baboy at iginisa ito kasama ang kaunting repolyo at sitaw.

Masayang-masaya ang binata, dahil sa murang edad ay maaga siyang namulat sa responsibilidad, at ngayon lamang siya nakalabas kasama ang mga kaibigan. Nakakain pa sila sa isang restawran na dati ay tinitingnan niya lamang sa tuwing siya ay madadaan. Laking pasasalamat niya nang makatipid siya sa baboy na ibinebenta ng matanda.

Nang makauwi, nanlaki ang mata ni Felix sa sitwasyong dinatnan. Nakita niya ang dalawang kapatid na walang tigil ang pagsusuka. Ang ama naman niya ay nakahiga sa kama at hindi na napigilan at napadumi sa kinahihigaan nito. Labis ang pagkataranta ng binata, at agad tumawag ng ambulansya upang dalhin ang mag-anak sa pinakamalapit na pampublikong ospital.

“Hijo, ikaw ba ang kasama ng mga isinugod na isang matanda at dalawang bata?” Tanong ng doktor matapos ang isang oras na paghihintay ni Felix.

“Opo, doc. Ano pong nangyari? Ayos na po ba sila?” Nangingilid ang luha ni Felix sa takot.

“Food poisoning. At sa tests na ginawa namin sa kanila, nakumpirma ko na nakakain sila ng double dead na karne. Sa totoo lang ay hindi kayo ang unang isinugod nang dahil dito. Kanina lamang ay may pamilya ring isinugod dahil sa walang habas na pagsusuka at pagtatae. Mabuti na lamang at dinala mo agad sila.” Paliwanag ng doktor.

Agad naalala ng binata ang ale na nagtitinda ng karne sa palengke. Kaya pala mura ang ibinebenta nito dahil double dead na ang baboy na ito.

Nakalibre sa ospital si Felix, ngunit kinailangan niyang bumili ng gamot para sa ama at dalawang kapatid. Labis ang kanyang pagsisisi dahil sa pag-aakala niyang nakatipid siya ay napagastos pa siya dahil sa gamot.

Agad na tinawagan ni Felix ang ina tungkol sa nangyari. Nanghingi ito ng tawad at nangakong hindi na mauulit pa.

“Anak, ano ka ba naman? Para sa halagang P200.00, nahiya ka pang manghingi sa akin? Napakalaki ng pasasalamat ko dahil nariyan ka upang gawin ang mga bagay na dapat ay ako ang gumagawa. Kaya sana sa susunod magsasabi ka na lamang. Mairaraos ko ang maliit na halaga na ‘yon para sa responsable at napakabait kong anak. Mahal na mahal ko kayo.” Ika ng mangiyak-ngiyak na si Anita.

Nangako naman ang binata na kailanma’y hindi na mauulit ang kanyang ginawa at magiging mapanuri na sa mga ibinebenta sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement