Nagtanim ng Sama ng Loob ang Bata sa Magulang Dahil Mas Inuuna Pa ng mga Ito ang Ibang Tao, Pagtanda Niya ay Naintindihan Niya Rin ang mga Ito
“Pa, sumweldo na ako kanina, maari na tayong magpadala kina ate sa probinsiya.” wika ni Elen, asawa ni Mike.
“Tamang tama , isasabay ko na rin itong para sa eskwela ng mga bata.” sagot ni Mike.
Ito ang madalas marinig ni William sa mga magulang. Nagtataka siya kung bakit laging kailangang padalahan ng mga magulang niya ng pera ang mga kamag-anak sa probinsiya. Marami ring pagkakataon na bukas palad ang kaniyang mga magulang na tumulong sa mga kaibigan at kahit hindi nila kadugo.
Solong anak lamang si William kaya habang lumalaki siya ay hindi niya maiwasang ikumpara ang buhay niya sa kaniyang mga kaklase.
“Mama, bakit wala tayong malaking TV? Sa bahay ng kaklase ko ang laki ng TV nila tapos may malalaki silang speaker. Mayroon nga rin pong play station yung kaklase ko.” tanong ni William minsang kumakain sila ng hapunan.
“Anak, maganda pa naman ang TV natin. Hindi ba kakabili lang rin natin niyang nung nakaraang Pasko. Yung play station di ba napag-usapan na natin na pag nakuha mo ang medal mo, saka ka namin ibibili? Hintay lang anak ko.” sagot ni Elen.
“Ikaw talaga ‘nak, si Papa bahala sa’yo.” wika naman ni Mike.
Ginalingan ni William sa kaniyang pag-aaral at nakuha niya ang medal na inaasam. Masaya niya itong ibinalita sa kaniyang mga magulang ngunit hindi niya nagustuhan ang sagot ng kaniyang Mama, hindi pala nito maibibigay ang ipinangako sa kanya.
“Bakit? Sila na naman? Ang daya daya. Ginalingan ko naman po ah. Bakit hindi niyo tutuparin ang pangako niyo?” pagtatampong sabi ni William.
“Anak, pasensya ka na ha. Hayaan mo sa susunod na bonus yun agad ang uunahin natin. Huwag ka nang magtampo anak. Mahal na mahal ka namin ni Mama.” wika ni Mike habang inaamo ang anak.
May nakahanda na talagang pambili ang mag-asawa sa hiling ni William kahit hindi nito makuha ang medalya, nagkataon lamang na may lumapit sa kanilang kaibigan.
Isinugod kasi ang anak nito sa ospital dahil may malubhang sakit. Hindi naman maatim ng mag-asawa na tiisin ang kaibigan. Nangako naman ito na babayaran agad pagka-padala ng asawang nasa abroad.
Mula noon ay dinala na lalo ni William ang mga tanong na ito sa kaniyang puso.
“Nag-iisa lamang akong anak pero hindi nila maibigay ang mga gusto ko. Pag sa ibang tao ang bilis nila magbigay. Sa akin hindi.” wika ni William sa kaniyang yaya.
“Alam mo Wil, maswerte ka dahil binibigay ng mama at papa mo lahat ng kailangan mo. Minsan nga lang hindi naibibigay agad ang mga gusto mo. Magkaiba yun di ba? Pero kita mo naman na sinusubukan nila.” sagot ng yaya niya.
“Eh bakit yung mga pinsan ko, mga kamag-anak naming, isang sabi lang bigay agad? Saka yung nakaraan, pinangako na hindi pa rin binili.” tanong ni William.
Ipinaliwanag ng yaya ni William sa kaniya ang lahat ng kaya niyang intindihin. Kapansin-pansin rin na medyo naging tahimik si William hanggang sa mag-binata na ito.
Nang siya ay nasa kolehiyo na ay nagkasakit ng kanser ang kaniyang papa. Hindi nila ito inaasahan dahil malakas at hindi naman sakitin ang lalaki. Naging malaki ang kanilang bayarin sa ospital dahil halos dalawang buwan na itong naka-confine.
Marami silang kailangang blood donors para rito. Doon niya nakita ang iba’t ibang mukha ng tao na dumadalaw sa kaniyang papa at kinakausap ang kaniyang mama. May iba na nagdo-donate ng dugo, nagdarasal sa silid ng kaniyang papa at mga nag-aabot ng tulong pinansyal.
Nagtataka si William kung sino ang mga ito. Marami rin ang nagdadala ng mga kailangan ng papa niya sa ospital upang makabawas sa gastos.
Dumagdag pa sa naging problema nila ay ang matrikula niya sa eskwela.
“Ikaw ba ang pinsan kong si William?” tanong ng isang lalaking mukhang mayaman.
“Ah, opo ako nga po. K-kuya Maynard?” tanong ni William, namukhaan ang pinsan.
“Oo ako na nga! Kamusta ka? ang laki mo na. Ako naman ay isa nang Engineer at maganda ang naging trabaho ko sa ibang bansa. Alam mo ba kung bakit? Dahil sa inyo.” tugon ni Maynard.
“Wow ang galing! pero dahil sa amin? Paano?” nagtatakang tanong ni William.
“Ako ang pinag-aaral ng iyong mama at papa. Actually, ilan kaming mga pinsan mo ang sinuportahan ng iyong mama at papa para makapagtapos ng pag-aaral. Bilib na bilib kami sa pamilya niyo lalo kina Tito at Tita. Sobrang buti nila, at ayaw nila magpabayad. Ang bilin lang nila ay, galingan sa pag-aaral at pag kaya na tumulong, tulungan ang mga nangangailangan.
Doon daw masaya na sila. Kaya ngayon heto ako, gusto kitang tulungan. Ako na ang bahala sa pag-aaral mo para hindi ka na huminto. Magtutulong tulong kami ng mga pinsan mo para sa gastos ng ospital ni Tito, wag kang mag-alala, isang pamilya tayo.” wika ni Maynard habang yakap ang pinsan.
Naiyak si William. Napatingin siya sa kaniyang mga magulang. Sobrang nagsisisi siya sa mga tanong niya noon tungkol sa paggastos ng mga ito. Pinag-isipan niya pa ng masama dahil lamang sa hindi naibigay ang gusto niya samantalang napakabuti pala ng mga ito.
“Pasesnsya ka na anak kung minsan hindi agad namin nabibigay ang mga gusto mo. Pareho kami ng pinagdaanan ng papa mo na nanggaling sa naghihirap na pamilya at kung walang mabuting loob na kamag-anak na tumulong sa amin, hindi kami makakapagtapos. Alam namin ang pakiramdam ng hindi makapag-aral dahil walang pera.
Ang lolo mo noon ay nakapagpa-ospital sa tulong ng isang hindi nag dalawang isip na tumulong na kaibigan. Kaya sabi namin, bilang sukli ay tutulong rin kami sa nangangailangan. Pero alam mo naman na lahat ng kailangan mo ay inuuna namin ng papa mo. Sana wala ka nang pagtatampo sa amin. Lahat ng dumalaw rito, hindi namin inaasahan na magpupuntahan silang lahat. Naniniwala kasi kami ng papa mo na kung ano ang iyong tinanim ay siya mo ring aanihin. Ang sarap sa pakiramdam pero sana anak wag ka na magdamdam pa sa amin. ” wika ni Elen.
“Mama, papa, mahal na mahal ko po kayo. Ang dakila niyo po at ang buti nyong mga tao. Ang swerte ko po sa inyo. Proud na proud ako na kayo ang aking mga magulang.” wika ni William habang umiiyak sa harap ng nakaratay niyang papa.
Nagsumikap sa pag-aaral si William. Pinakita niya sa kaniyang mga pinsan na hindi sayang ang pagtulong ng mga ito sa kaniyang pamilya. Marami pang dumating na tulong sa kanila upang mabayaran na ang kanilang pagkakautang sa ospital. Lalo siyang nagkaroon ng lakas ng loob.
Ngayon ay nakapagtapos na siya at matagumpay na bilang isang Engineer. Naghahanap na rin siya ng mga batang matutulungan upang makapag-aral. Sa ngayon ay wala na ang kaniyang papa at matanda na rin ang kaniyang mama.
Ipinangako niya na hangga’t naibibigay niya ang pangangailangan ng kaniyang pamilya ay tutulong siya sa mga taong nangangailangan dahil alam na niya ang pakiramdam ng walang wala.
Itinuturo rin niya sa kaniyang mga anak na maging mabuti sa kapwa dahil “Kung ano ang iyong itinanim ay iyo ring aanihin.”