Inday TrendingInday Trending
Pinilit ng Misis Niya na Makipag-date sa Ibang Babae ang Lalaking Ito, Hindi Niya Inakalang Mabubuhay ang Puso Niya Dahil Dito

Pinilit ng Misis Niya na Makipag-date sa Ibang Babae ang Lalaking Ito, Hindi Niya Inakalang Mabubuhay ang Puso Niya Dahil Dito

Isang gabi ay kinausap si Henry ng misis niya, gusto nitong makipag date siya sa ibang babae.

“Mahal kita pero alam kong mahal ka rin niya at hindi niya man sabihin, alam kong gusto niyang makasama ka.” maluha luha pang paliwanag ng misis ni Henry.

Ang babaeng tinutukoy ng misis niya ay walang iba kundi ang kanyang sariling ina, na 19 taon nang biyuda at namumuhay mag isa. Gustuhin man ni Henry na bisitahin ito paminsan minsan ay tambak ang trabaho niya at ang bakanteng oras naman niya ay nakalaan sa misis at sa tatlong anak.

Nag isip si Henry, matagal na panahon na nga naman nang makasama niya ang matanda. Tinawagan niya ito, inimbitang kumain ng hapunan, at manood ng sine.

“May problema ba anak?” takang tanong nito, marahil ay nabigla sa imbitasyon niya. Nasanay kasi ito na kapag tumawag siya ng gabi, o biglaang gustong makipagkita ay may problema.

“Wala ‘Ma, gusto ko lang maka-date ka, yun bang tayo lang pong dalawa.” Nakangiting sabi niya.

Natahimik sandali sa kabilang linya ang kanyang ina at pagkatapos ay muling nagsalita.

“Oo naman, gustung gusto ko yon anak.” nahuhulaan ni Henry na nakangiti ito habang nagsasalita.

Kinabukasan, pagkatapos ng trabaho ay sinundo niya na ang ina. Nakita niya itong nakaabang na sa pintuan at talaga namang nag ayos ito. Nakasuot ng kay gandang bestida ang matanda, nagkulot ng buhok at may konting bahid ng lipstick ang labi. Nakangiti ito nang matanaw na ang sasakyan niya.

“Sinabi ko sa mga kumare ko na ide-date mo ako, natuwa sila. Ang bait raw ng anak ko, sabi ko syempre mahal ako noon!” nagmamalaking kwento nito pagkaupung pagkaupo sa sasakyan.

Kumain sila sa isang hindi kamahalan pero disenteng restaurant. Habang papasok nga ay naka hawak ang ina niya sa kanyang braso at proud na proud ito. Tumaba naman ang puso ni Henry sa kaalamang napapasaya niya ang ina. Nang ibigay ng waiter ang menu ay hindi mabasa ng matanda ang maliliit na letra kaya kinuha na lang iyon ni Henry at siya na ang nagbasa ng malakas, na, na may kasama pang paliwanag.

“Ito boneless wings, masarap yan ma kasi hindi mo na kailangang himayin,” paliwanag niya, napatigil siya dahil nakitang nakatitig ang ina sa kanya, may ngiti sa labi nito.

“No’ng maliit ka’y ako ang nagbabasa niyan sa iyo,” sabi nito na nagbabalik tanaw.

“O di magrelax ka naman dyan at ako naman ang gagawa ngayon para sayo,” malambing niyang baling dito.

Natapos ang gabi at inihatid niya na ito sa bahay.

Matapos ang ilang araw ay pumanaw ang matanda dahil sa sakit sa puso. Ikalawang araw ng burol nang makatanggap siya ng isang sobre mula sa restaurant na kinainan nila ng ina, pagbukas niya ay gift check ang laman, may kapirasong sulat din na nakaipit.

“Binayaran ko na ito ng advance, hindi ako sigurado kung kasama mo pa ako sa oras na gamitin mo ito pero ni-reserve ko na ito, para sa dalawang tao. Sayo at sa iyong misis, hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya noong araw na iyon, anak.”

Advertisement