Inday TrendingInday Trending
Sinubukang Umibig Muli ng Biyudang Misis sa Isang Gwapong Amerikano, Laking Gulat Niya nang Malaman ang Tunay Nitong Pagkatao

Sinubukang Umibig Muli ng Biyudang Misis sa Isang Gwapong Amerikano, Laking Gulat Niya nang Malaman ang Tunay Nitong Pagkatao

Ilang taon na ang nakakalipas magmula nang sumakabilang-buhay ang haligi ng tahanan ng pamilya Garcia. Natira na lamang sa kanilang bahay ang mag-inang si Cecille at Mariz. Ngunit kahit pa hirap sa paghahanap-buhay ang inang si Cecille, ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang maibigay ang lahat ng pangangailangan ng anak na dalaga.

Matagal na nagluksa si Cecille sa pagkawala ng asawa niyang si Mario. At aminado siyang magmula nang pumanaw ang asawa’y nahirapan siya sa pagpapalaki at pagdidisiplina kay Mariz. Kung dati ay masunuring bata at masipag sa eskwela, naging bulakbol na ito at tila wala nang direksyon sa buhay.

Isang umaga, nakita ni Cecille ang anak na natutulog pa sa kwarto nito kahit may pasok ito sa eskwela.

“Mariz, anak! Bakit nandito ka pa? Wala ka bang pasok? Hindi ba eksam niyo ngayon?” nagtatakang tanong ni Cecille habang ginigising ang tulog na tulog na anak.

“Ah… Eh… Mama, masakit kasi ang ulo ko e,” sagot nito.

“Amoy alak ka na naman! Tumakas ka kagabi, ano? Hirap na hirap akong igapang ka sa pag-aaral, tapos iyan lang ang igaganti mo sa akin?” paluhang tugon ni Cecille.

“Mama naman! Please lang, huwag ka nang manermon ngayon. Napaka-aga pa,” inis pang sagot ni Mariz.

Labis na nagpigil si Cecille. Sa totoo lang ay matagal na siyang napupuno sa dalaga, ngunit nangako siya sa asawa na labis ang pasensiyang ibibigay niya sa kanilang nag-iisang anak. Kaya naman lumabas na lamang ito ng kwarto at pumasok na sa kanyang trabaho.

Kinagabihan, pauwi na si Cecille sa kanilang bahay nang tumunog ang kanyang cellphone. Nagulat siya dahil isang gwapong amerikano ang nagpadala ng friend request sa Facebook. Hindi naman ito kataka-taka dahil kahit may edad na si Cecille ay maganda pa rin ang hubog ng katawan nito. Nag-chat din ito sa kanya,

“Hi! You look so beautiful. Are you married?”

Noong una’y hindi naman pinansin ng ginang ang mensahe nito sa kanya dahil hindi siya interesado. Para sa kanya ay hindi na niya kailangan ng bagong asawa o nobyo, dahil gusto sana niyang ilaan na lamang ang lahat ng oras niya sa anak na dalaga.

Isang gabi, mag-isang nakahiga si Cecille sa kanyang kama habang iniisip kung anong klaseng disiplina pa ang gagawin sa anak upang matuto ito, nang bigla niyang maalala ang sinabi ng kanyang asawa bago ito pumanaw.

“Mahal? Ngayong mawawala na ako, gusto ko lamang malaman mo na tanggap ko kung nanaisin mong mag-asawa muli. Para sa iyo, at kay Mariz. Tatanggapin ko kung subukan mong magmahal muli, dahil ayaw kong tumanda kang mag-isa,” huling habilin ni Mario sa misis niyang si Cecille.

Kaya naman napagdesisyunan ni Cecille na sa wakas ay pansinin ang amerikanong lalaki na paulit-ulit na nagcha-chat sa kanya.

“Hi! Thank you. Yes, I was married but my husband passed away 5 years ago,” unang sagot ni Cecille sa lalaki, ang pangalan nito ay Rick.

Hindi na namalayan ni Cecille ang oras dahil labis siyang natuwa sa kanilang pag-uusap. Aminado siyang ngayon na lamang siya nakaramdam ng kilig magmula nang pumanaw si Mario. Kaya naman ilang buwan ang lumipas at patuloy silang nag-uusap ng hanggang madaling-araw.

Isang gabi, hindi na nabigla si Cecille nang hingan siya ng pribadong larawan ni Rick. Sa tagal ng kanilang pag-uusap, hindi niya mapagkakailang minsan ay napag-uusapan na nila ang mga ganoong bagay. Kaya naman nagpalitan ang dalawa ng mga pribadong litrato ng kanilang mga sarili.

Kinabukasan, nagising si Cecille sa ingay ng tunog nang tunog niyang cellphone.

*28 messages from Rick*

Nang buksan niya ang mga mensahe, nagulantang siya sa mga sinasabi nito.

“Send me $500, or else I will leak your pictures on the Internet!” pagbabanta ni Rick sa kanya. Gulat na gulat si Cecille at hindi niya inasahan ang biglaang pagbabago sa ugali ng lalaki matapos ang palitan nila ng larawan kagabi. Halos maiyak naman siya sa takot na mapahiya siya sa maraming tao kapag tinotoo ni Rick ang pagbabanta na ipo-post sa Facebook ang mga hubad niyang larawan.

Hindi nag-atubili si Cecille at agad ipinadala ang pera na galing pa sa ipon niya para lamang mapatahimik si Rick. Nang makapagpadala, akala niya’y tapos niya ang problema niya. Ngunit matapos lamang ang ilang linggo ay nanghihingi na naman ito ng pera. At dahil muli sa takot, halos ipangutang niya na sa mga kaibigan at kamag-anak ang pera para lamang makapagpadala sa kano.

Halos limang buwan ang lumipas at nagpatuloy ang pananakot ni Rick. Lubog na lubog na sa utang si Cecille at halos mabaliw na siya sa kakaisip kung paano iyon mahihinto. Mabuti na lamang at naisipan niyang magsumbong na sa mga pulis.

Nang pumunta siya sa presinto upang magpatulong, agad naman siyang inasikaso at hiningan ng ilang impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon. Matapos ay pinauwi na ang ginang at sinabihang tatawagan na lamang muli.

Nakasakay ng jeep si Cecille nang makita ang anak na nasa tapat ng isang mall. May dala itong mga shopping bag at tila namili ng sangkatutak na damit at sapatos. Kaya’t nang makauwi ay agad niyang tinanong si Mariz kung saan niya nakuha ang mga pinambili niya rito.

“Ang dami mo namang pinamili, Mariz. Mamahalin iyang mga ‘yan ah? Saan ka nakakuha ng pera? May parttime job ka na ba?” tanong ni Cecille sa anak.

“Ah, eto ba? Napanalunan ko lang itong pera sa eskwela kaya naisipan ko na lang na ipambili ng mga damit at sapatos. Tutal hindi mo naman ako mabigyan ng pambili ko,” sagot ni Mariz.

Hindi na nakasagot si Cecille. Ayaw niya kasing suportahan ang maluhong pamumuhay ng anak at tinuturuan niya itong maging simple, ngunit talagang nakahanap pa ito ng paraan upang masunod ang kanyang mga luho.

Kinabukasan, ipinatawag na ng mga pulis sa presinto si Cecille. Agad naman siyang pumunta doon upang matuldukan na ang mga gawain ng amerikanong manloloko.

“Misis, huwag ho sana kayong magugulat sa sasabihin namin. Pero ayon ho sa imbestigasyon, napatunayan ho na isang Pilipino lang din ang gumagamit ng Facebook account ng amerikanong kausap ninyo,” paliwanag ng pulis.

“Ha? Pilipino? Talaga?! Edi mas maigi! Mas madaling matunton para naman maipakulong ko na,” gigil na sagot ni Cecille.

“Sa totoo lang ho ay kilala na namin kung sino ito… Napag-alaman namin na ang anak ninyong si Mariz Garcia ang gumagamit ng Facebook account ng amerikanong Rick na nakilala niyo. Ang bank account na pinadadalhan niyo ng pera ay naka-konekta rin sa isang bank account na nasa pangalan ng anak ninyo,” wika ng pulis.

Nanlambot ng lubos si Cecille. Bigla niyang naisip na baka nga iyon ang dahilan kung bakit madalas ay maraming pera ang kanyang anak. Kahit pa nasa harapan ng mga pulis, ngumawa ng napakalakas ang ginang na para bang bata dahil hindi siya makapaniwala na kaya iyong gawin sa kanya ng kanyang anak.

“E misis, ano hong plano natin sa anak ninyo? Magsasampa ho ba kayo ng kaso? Total ho ay 18 anyos na siya,” tanong ng pulis habang hinihimas ang likod ng ginang.

“Hindi na, ako na ang bahala. Maraming salamat sa tulong ninyo, uuwi na ako,” sagot nito.

Nang makauwi, naabutan niya ang anak na nakahiga at naglalaro sa bago niyang cellphone.

“Mariz, saan na naman nanggaling ‘yang cellphone mo?” tanong ni Cecille kahit alam na niya ang sagot. Gusto niya sanang paaminin ang anak ng kusa.

“Eto? Bigay lang sa’kin ‘to.”

“”Yong totoo! MARIZ E. GARCIA, MAGSABI KA NG TOTOO!”

“Bakit ba ang init ng ulo mo? Bigay nga sa akin! Buti pa ‘yong iba, binibigyan ako ‘di ba?! Kaysa naman ikaw. Magmula nang mawala si papa, nganga!”

“ANO?! MARIZ! Nakausap ko na ang pulisya! Napatunayan na nila na ikaw ang nanggagantso sa akin. Paano mo nakayang gawin sa akin iyon? Paano?!”

“Ah, alam mo na pala? E bakit nagtatanong ka pa?” imbis na humingi ng tawad ay nagtapang pa ang dalaga.

“Diyos ko! Ano bang nagawa ko sa iyo at nagkaganyan ka?” napaluhod na si Cecille habang humahagulgol.

“Magmula ng mawala si papa, palagi ka na lang walang pera! Sana ikaw na lang ang pumanaw, hindi ang papa ko!”

“Ganoon ba? Sana nga, Mariz! Mula ng mawala ang papa mo, ako na lang ang nagta-trabaho upang mabuhay tayo. Ang akala ko ay naiintindihan mo ako, pero ganyan na pala katindi ang ugali mo!”

Sa labis na galit, bigla na lamang tumumba sa lapag at nawalan ng malay si Cecille. Nanlaki naman ang mga mata ni Mariz at agad itong tumawag ng ambulansya.

“Mama! Sorry! Mama! Binabawi ko na po ‘yong sinabi ko na sana ikaw na lang ang nawala. Hindi po totoo ‘yon, hindi ko kayang mag-isa. Please, mama! Pangakong magbabago na ako,” umiiyak na pakiusap ni Mariz sa ina habang nasa loob ng ambulansya.

Makalipas ang ilang oras, inilabas na sa emergency room ang ginang. Napag-alaman ni Mariz na inatake sa puso ang kanyang ina nang dahil sa labis na emosyon. Agad naman niya itong pinuntahan upang humingi ng tawad.

Kahit mahirap para kay Cecille na kalimutan na lamang ang ginawa ng anak, nang makita niya ang labis nitong pagbabago sa ugali ay agad niya na itong pinatawad. Nangako si Mariz na habambuhay niyang pagsisisihan ang ginawang kalokohan at kailanma’y hindi na uulitin.

Makalipas ang dalawang taon, nakapagtapos na ng kolehiyo si Mariz. At tulad ng pangako niya sa kanyang ina, ginawa niya ang lahat upang makabawi sa ginawa nitong panloloko. Nagtrabaho siya ng husto upang makaipon at mabigyan ng masarap na buhay ang kanyang nanay.

Hindi na rin nag-asawang muli si Cecille dahil nang magkaroon ng sariling pamilya ang kanyang anak ay isinama siya sa kanilang tahanan. Namuhay sila ng masaya at mapayapa sa loob ng kanilang saganang pamamahay. Sa tuwing gabi ay nananalangin si Cecille at nagpapasalamat na sa kabila ng mapait na nakaraan nila ay nakapagbagong-buhay ang kanyang pinakamamahal na anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement