Inday TrendingInday Trending
Hanggang sa Huling Hininga ng Tatay ng Dalaga ay Inayos Nito ang Problemang Kinasangkutan Niya

Hanggang sa Huling Hininga ng Tatay ng Dalaga ay Inayos Nito ang Problemang Kinasangkutan Niya

Nasa ikatlong taon na ng high school si Jane, mayroon siyang isang kapatid na babae na nasa elementary naman. Ang ama nila ang mag isang bumubuhay sa kanilang magkapatid dahil maagang pumanaw ang kanilang ina. Simula naman noon ay natuto na siyang magrebelde, tingin niya kasi ay walang ginawa ang tatay niya para iligtas ang nanay nya noon sa karamdaman.

Ang di niya alam, halos magmakaawa ang lalaki sa lahat ng ahensya ng gobyerno makahingi lamang ng tulong, ilang kamag-anak na ang hiniraman nito ng pera. Nabaon ito sa utang makaraos lamang sa sakit na leukemia ang nanay nila pero pag oras na talagang kunin ng Diyos ang isang tao, kahit ano pa ang gawin ay talagang kukunin na ito. Iyon ang nangyari sa nanay niya. Hanggang ngayon, di niya iyon maintindihan.

“Jane, kain na anak,” masiglang sabi ng tatay niya habang naghahain ito ng hapunan. Kauuwi lamang niya dahil nakipag-date pa siya sa kanyang boyfriend, hindi naman nagtatanong ang kanyang ama at sakali mang magtanong ito, magsisinungaling na lamang siya.

“Ayoko,” simpleng sabi niya at hindi man lang ito tinapunan ng tingin. Napahiya man ang may edad nang lalaki at di na nito iyon inintindi, ipinagpatuloy na lamang nito ang pagkain kasama ang kapatid niyang babae.

“Anak, pwede ba tayong mag usap?” sabi nito sa kanya nang gabing iyon, abala siya sa pagse-cellphone, katext niya ang boyfriend niya.

“May ginagawa ako eh,” sagot niya naman, walang po o opo man lang.

“S-saglit lang ito. Alam ko namang nagsimula kang mag-iba nang mawala ang nanay mo. Sana anak ituloy natin ang buhay, ayokong masira ang buhay mo dahil doon. Sana bumangon ka, mas matutuwa ang nanay mo pag nakita nyang maayos tayong iniwanan niya.” kalmadong pakiusap nito.

“Tay, wala ka namang alam sa nararamdaman ko. Ayos naman ako eh, ano ba ang gusto nyo? Magpa-party pa ako para mapatunayan sayong ayos ako? Okay lang ako, di ako galit, wala lang talaga akong pakialam sayo. Minsan nga nahihiling ko sana ikaw nalang ang namatay,” sabi niya rito.

Nagulat naman ang lalaki at namula bigla ang mga mata. Tanda na pinipigilan nito ang mapaluha. Tumangu-tango ito at pumasok na sa kwarto. Pagsisihan man ni Jane ay nasabi niya na ang mga nasabi niya.

Makalipas ang maraming taon.

“Janina! Kakain na!” sabi ni Jane sa anak na 16 years old, kanina niya pa ito tinatawag ay walang ibang ginawa kundi magkulong sa kwarto nito.

“Mamaya!” padabog na sagot nito, sumilip pa ito sandali sa pinto ng kwarto nito at inirapan siya bago pabalibag na muling isinara iyon. Napailing nalang si Jane, dati ay siya ang ganito sa kanyang ama. Hindi niya akalaing gagawin rin sa kanya ng anak ang ganito, ginawa niya naman ang lahat para rito pero parang laging galit sa kanya ang dalagita.

Palibhasa, lolo’s girl ang anak niya.

“Sige Janina, wag kang sumunod. Hindi ka sasama sa lolo mo,” sabi niya. Pagkarinig naman noon ay agad na lumabas ang dalagita sa kwarto at nagsimulang kumain. Iba ang ningning ng mata nito nang marinig na pupunta sila sa lolo nito, halatang na-miss nito ang matanda. Matapos kumain ay agad silang nagbihis at naghanda ng mga dadalhin.

Dahan-dahang binuksan ni Jane ang pinto ng ospital, patakbong yumakap naman si Janina sa nakaratay niyang lolo habang si Jane, natulala. Hindi pa rin talaga siya sanay na makitang ganito ang kanyang ama, nasanay siyang malakas ito at palaging nakangiti.

Ngayon ay para itong lantang gulay at maraming nakakabit na aparato, payat na payat matapos itong ma-stroke dalawang buwan na ang nakakalipas. Hindi na rin ito nakakapagsalita.

“Tay..” tahimik na tawag niya rito, pinabili niya sandali si Janina ng inumin. Hindi sumasagot ang matanda, tahimik na pumatak ang luha sa mata ni Jane.

“Usap tayo, tulad noon.. diba gusto mo lagi akong kakwentuhan noon?” sabi niya, wala pa ring sagot, tinitignan lamang siya nito.

“Tatay.. usap na lang tayo ulit, hindi na ako makukulitan sayo, pangako.” halos pagmamakaawa niya, ang laki ng pagsisisi niya at nais niya mang kakwentuhan ang ama ay huli na.

Nagulat pa siya nang may pumatak ring luha sa mga mata nito at kahit hirap na hirap ay nagawa nitong ngumiti, nais na masiguro niyang ayos lang ang lahat at di ito galit sa kanya.

Masyado siyang nagalit sa tatay niya noon dahil nawala ang nanay niya, hindi tuloy niya nasulit ang mga panahong malakas pa ito. Ngayon, gustung-gusto niya itong makausap, makakwentuhan, kahit pa paulit-ulit lang. Gustong-gusto niya ulit na marinig ang masayahing boses nito. Taimtim siyang nagdasal na sana ay pagalingin na ng Diyos ang kanyang ama.

Pangako, babawi siya. Araw-araw ay dinadalaw niya ito. Inaalagaan, pinagsisilbihan. Pinupunasan niya ito upang manatiling malinis kahit nakaratay. Kinekwentuhan ng magagandang nangyayari sa kanilang araw-araw.

Nakikita ito ng kanyang anak. Tila biglang nag-iba ang pakikitungo nito sa kanya nang makitang tinatrato niya ng mabuti ang kanyang ama. Siguro ay matagal na nitong nakikita na hindi maganda ang relasyon nila mag-ama at kung paano niya ito bastusin kung kaya nawalan din ng respeto sa kanya ang anak.

Tila pinagsakluban naman ng langit si Jane ng isang araw ay dumating siya sa ospital na pilit binubuhay ng mga doctor ang kanyang amang pagod na lumaban sa karamdaman.

“Pagod na si Tatay, pagpahingahin na po natin siya, Doc.” siya na mismo ang nagparaya. Sa dinami-daming sakit na naranasan ng ama sa buhay, tiyak niyang pahinga at ang makasamang muli ang kanyang ina ang tanging nais nito.

Siguro ay hinintay lamang nito na maging maayos ang relasyon nila ng suwail na anak at tuluyan na itong namaalam.

Ang tatay niya talaga, hanggang sa huli ay kapakanan parin niya ang iniisip.

Advertisement