Pinabayaan ng Magulang ang Anak na May Kakulangan sa Pag-Iisip, Nang Magtagumpay Ito ay Humabol Silang Parang Aso
Inakala ng mag-asawang Del Valle na hindi na sila mabibiyayaan ng isang anak kaya’t nagampon sila ng isang limang taong gulang na batang babae.
Walong taon matapos nilang mag-ampon, hindi inaasahan na sa edad na kwarenta’y tres ay magdadalantao si Mrs. Del Valle. Dahil sa may edad na ang ginang naging maselan at nagkaroon ng maraming komplikasyon ang kaniyang pagbubuntis.
Si Ingrid ang unica hija ng pamilya, isang Del Valle sa dugo at laman. Si Adrienne ang panganay ng pamilya, ang batang inampon ng mag-asawa. Ngunit baliktad ang sitwasyon ng dalawang prinsesa. Si Adrienne ang itinituring na tunay na anak samantalang si Ingrid ay isang abnormal na hampaslupa.
Si Ingrid ay may down syndrome. Kakaiba ang kaniyang kaanyuan. Mahina ang kaniyang pandinig at malabo ang kaniyang mga mata. Para sa mag-asawang Del Valle, isang kahihiyan ang magkaroon ng isang anak na utal at mahina ang pag-iisip lalo’t prominente ang kanilang pamilya sa mundo ng pulitika.
Isang engrandeng pagtitipon ang inihanda ng mag-asawa para sa debut ni Adrienne. Nagimbita sila ng mga kilalang tao maliban sa mga kaibigan ng dalaga. Sa umpisa ay naging maayos ang takbo ng programa ngunit nasira ang kasiyahan nang madulas si Ingrid at nahatak niya ang tapete ng lamesa kung saan nakapatong ang isang malaking chocolate fountain. Isa sa mga nabasa ng natapong tsokolate ay ang pinakamayamang congressman na kilala nila.
“Salot ka sa pamilya namin! Ikaw ang puno’t dulo ng lahat ng kamalasan namin!” Sigaw ni Mrs. Del Valle.
“Sinira mo ang kaarawan ng anak ko! Lumayas ka sa pamamahay namin!” Sabay tulak ni Mr. Del Valle sa pobreng bata.
Nang makita iyon ni Jessica, ang yaya ni Ingrid ay agad niya itong nilapitan.
“Isama mo na ang batang iyan! Ayoko nang makita ang pagmumukha niya kahit kailan!” Pahabol ni Mr. Del Valle kay Jessica habang papalabas ito ng venue.
Si Jessica ang yaya ni Ingrid. Matagal na niyang gustong umalis sa paninilbihan sa mga Del Valle, tutal isa na siyang ganap na abogado matapos niyang igapang ang kaniyang pag-aaral at maipasa ang kaniyang bar exam, ngunit hindi niya magawa dahil ibinilin sa kaniya si Ingrid ng lola nito bago ito namatay.
Nung masiguro ni Jessica na plantsado na ang mga papeles na iniwan sa kaniya ng lola ni Ingrid ay hindi siya nag-aksaya ng panahon na ilayo si Ingrid mula sa mga walang puso niyang magulang.
Taon ang binilang ni Adrienne bago ipinagkatiwala sa kaniya ng mag-asawa ang lahat ng kanilang ari-arian. Wala siyang inaksaya na oras para maisakatuparan niya ang matagal na niyang plano. Lingid sa kaalaman ng mag-asawa ay may koneksyon pa rin si Adrienne sa tunay niyang mga magulang na mga batikang manggagantso. Dahil buo ang tiwala ng mag-asawa sa kaniya ay naging madali para kay Adrienne na manakaw ang lahat ng kanilang kayamanan bago siya tumakas sa ibang bansa kasama ang kaniyang tunay na mga magulang.
Hindi inakala ng mag-asawang Del Valle na ito ang sasapitin nila sa ampong itinuring nila nang higit pa sa tunay nilang anak. Sa ginawa ni Adrienne ay hindi lang namulubi ang mag-asawa, nasira din ang kanilang pangalan.
Nabuhayan ng loob ang mag-asawa nang mabasa nila ang balita tungkol sa kanilang anak na si Ingrid sa isang pahayagan. Isa na palang tanyag na piyanista si Ingrid. Namana ng kanilang anak ang talento ng kaniyang lola. Mahina man ang kaniyang pag-iisip ay nagawa pa rin ni Ingrid na hasain ang kaniyang talento sa pagtugtog ng piyano. Bilang mga tunay na magulang, gusto ng mag-asawang Del Valle na makisawsaw sa kung ano meron ngayon ang anak kung kaya’t pinuntahan nila ito sa kaniyang bahay.
Pagdating nila sa tinitirhan nina Jessica at Ingrid, maliban sa hindi sila tinanggap bilang tao ay isinampal din sa kanilang pagmumukha ang desisyong kanilang ginawa noon matapos nilang malaman na may down syndrome ang anak. Wala sila ni katiting na karapatan sa kaniya kahit pa isa itong Del Valle sa dugo at laman dahil matagal na nilang pinaampon si Ingrid sa lola nito. At dahil si Jessica ang pinangalanan niya na maging legal na tagapangalaga nito naging madali para sa kaniya na ampunin si Ingrid nang mamatay ang lola nito.
Wala nagawa ang mag-asawang Del Valle kung hindi panindigan at habangbuhay na pagdusahan ang kinahinatnan ng kanilang desisyon nang piliin nila ang matalino nilang ampon kaysa sa tunay na anak na mahina ang pag-iisip. Hindi lang nawala sa kanila ang mga pundar na kanilang pinaghirapan, nawala din ang biyayang ipinagkaloob sa kanila na siyang pinaka aasam-asam nila noon, ang magkaroon ng anak.