Hindi Pinaniwalaan ng Ina nang Sabihin Niya na Nakakita Siya ng Multong Pugot ang Ulo, Pinoprotektahan Lamang Pala Siya Nito
Nagmula sa mahirap na pamilya si Sarah, ang kanyang nanay ay isang tindera ng mga gulay, habang ang tatay niya naman ay nagkakarpintero. Mayroon siyang dalawang maliit na kapatid at siya ang panganay, kaya siya lamang ang inaasahan ng magulang sa ngayon na makatulong sa gawain lalo pa at bakasyon naman sa eskwela.
Dahil sa bukid sila nakatira ay malayu-layo pa ang lalakarin nilang dalawa ng kanyang nanay papunta sa bayan, sinasamahan niya kasi itong maglako ng gulay. Tumatanggap muna ng labada ang nanay niya sa umaga habang siya ang mag-aasikaso sa kanyang mga kapatid, pag mga hapon na ay maglalako na sila ng gulay para sa hapunan. Sa edad na walong taong gulang ay alam na ni Sarah ang hirap ng kanilang buhay.
“Nanay gaano mo ako kamahal?” lambing niya sa ina isang gabing sinusuklayan nito ang hanggang balikat niyang buhok.
“Aba, mahal na mahal. Hindi ko hahayaan may manakit sayo,” nakangiting sabi nito. Napangiti rin naman si Sarah.
“Talaga po? Kahit aswang..maligno..” pag iisa isa niya pa.
“Ikaw talagang bata ka. Kanonood mo iyan ng TV sa kapitbahay. Tinatakot mo na naman ang sarili mo, sige na matulog ka na at lumalalim na ang gabi,” sabi nito, humarap siya sa kanyang nanay at hinalikan nito ang kanyang noo. Dumiretso na siya sa kwarto nilang pamilya, naroon na ang dalawa niyang kapatid na payapang natutulog sa papag na nilagyan ng banig.
Paglapat ng likod niya sa higaan ay agad siyang hinila ng antok. Kinabukasan, ginabi ang mag-iina sa pagtitinda. Mabubulok naman kasi ang gulay kapag di nila pinaubos, sayang. Naglalakad na sila sa madilim na bukirin at tanging ilaw lamang nila ay ang munting flashlight sa mumurahing cellphone na ibinigay lamang ng tiya niyang galling abroad matagal na panahon na ang nakalipas, sadyang maingat lang ang nanay niya sa mga gamit.
“Nanay, may sumusunod sa atin,” sabi ni Sarah, narinig niya kasi ang mga yabag sa kanilang likuran.
“Ha? Ano ka ba anak, wala ah. Hangin lang yun, o baka naman asong ligaw, Tinatakot mo nanaman ang sarili mo,” simpleng sabi ng kanyang ina, inakbayan siya nito at nginitian.
Pero hindi siya nagkakamali, may naglalakad talaga. Unti-unti niyang nilingon ang kanilang likod at ganoon na lang ang pagkasindak niya sa nakita, isang lalaking walang ulo!
“Diyos ko po nanay! Multo!” sabi niya na halos panawan ng hininga. Lumingon naman ang kanyang ina, itinapat pa nito ang ilaw sa mismong leeg na walang ulo ng lalaki.
“Saan? Hay Sarah, tigilan mo na ang pagkahilig mo sa horror anak. Wala naman, halika na.” sabi nito, hinigpitan pa ang akbay sa kanya para di na siya matakot pa. Habang naglalakad sila, siguradong sigurado si Sarah, nakasunod sa kanila ang lalaki. Hawak pa nito ang ulo nitong pugot.
Mabuti na lamang at maliwanag na sa bahayan sa bukid kaya tila kabuteng biglang nawala ang lalaki sa kanilang likod, nang makarating sila sa bahay ay naroon na ang kanyang ama.
“O? Ginabi kayong mag-ina, bakit ganyan ang itsura nyo, para kayong nakakita ng multo?” natatawang tanong nito.
“Pagod lang, pahingi naman ng tubig,” sabi ng kanyang ina. Siguro nga ay pagod ito dahil nanginginig pa ang mga kamay nito, sabagay, mabigat ang bayong na dala nito kanina.
Matapos kumain ng hapunan ay natulog na ang mga bata, pati si Sarah. Sa sobrang takot niya ay hiniling nya pang samahan sya ng ama at bantayan hanggang sa siya’y makatulog upang masigurong di susunod sa kwarto ang lalaking pugot ang ulo.
Ngayon ay naiwang nagkukwentuhan ang kanyang mga magulang, nakatanaw ang mga ito sa bintana.
“Oo nga pala, may ikinuwento sa akin si pareng Erning,” panimula ng lalaki, tiningnan naman ito ng ginang at inaabangan ang sasabihin ng mister.
“Iyong bayaw niya, si Nestor? Naalala mo? Naglalakad daw noong isang gabi dyan, nang mapagtripan ng mga adik. Kawawang binata, pinugot pa raw ang ulo. Kalunos lunos ang itsura ng bangkay nang makita eh, noong isang linggo lang nangyari. Sa sobrang abala natin ay wala na tayong kaalam alam sa balita, kaya nga nag alala ako sa inyong mag ina nang gabihin kayo,” sabi ng lalaki, lalong namutla ang mukha ng ginang.
“Naka..kulay asul ba nang matagpuan ang bangkay?” tanong ng babae.
“Oo! Paano mo alam? Naging pula na nga raw ang damit sa dami ng dugo. Nagtataka lang ako, si Sarah, di ba pinatutulog ko kanina? Kwento ng kwento tungkol sa pugot na lalaking sumusunod raw sa inyo kanina, hindi kaya si Nestor iyon?” tanong nito.
“P-posible nga..” nanghihinang sabi ng babae.
“Huh?” sabi naman ng ama.
“N-nakita ko rin ang tinutukoy ni Sarah kanina.. halos isang dipa lang ang layo ng pugot na ulo sa amin kaya hinigpitan ko ang akbay kay Sarah,” nanginginig na sabi ng misis.
“Eh bakit sabi mo raw kay Sarah ay wala ka namang nakikita?”
“Dahil gusto kong iparating sa multong iyon.. o kung ano man sya, na di ko hahayaan ang kahit na sinong manakit sa anak ko. Wala akong pakialam sa kanya.” sabi ng babae.
Humanga naman ang mister, lalo itong napamahal sa kanyang asawa. Pinagtulungan nilang makatapos ng pag aaral si Sarah at nang makapagtrabaho ito, hindi man nila hilingin ay ito na ang nagkusa na pag aralin ang dalawa pa nitong kapatid. Naging matibay ang samahan ng kanilang pamilya.
Lumaki itong walang kinatatakutan. Kahit anong pagsubok na harapin ni Sarah ay nalalampasan niya kahit wala pang tulong ng iba.
Napakalaki ng paghanga ng kanyang mga magulang lalo na ng kanyang ina sa kanya. Ito na nga siguro ang epekto ng laging pagprotekta ng ina nila sa kanila dati. Ang laging pagyakap nito sa kanila upang maramdamang wala silang dapat ikatakot.
Dahil kahit anong multo pa ang kaharapin, wala nang mas titibay pa sa pagmamahal ng isang ina.