Matapos Malamang Inabandona ng mga Magulang ang Isang Kaibigan, Napagtanto ng Babaeng Ito na Maswerte Siya sa Pagmamahal ng mga Magulang
Dalawang buwan na ang nakakalipas nang gumraduate si Noralyn sa kolehiyo, ngayon ay mayroon na siyang magandang trabaho sa Maynila. Pero taliwas sa karamihan ay hindi siya tumutulong sa magulang, nais niya ay i-enjoy muna ang unang taon ng pagtatrabaho, ang sahod ay sa kanya lang. Katwiran niya ay siya naman ang nahirapang mag aral. Kahit naman hirap na sa buhay ay hindi nagreklamo ang kanyang mga magulang, kung saan masaya ang anak ay masaya na rin sila. Ang nanay niya ay isang labandera habang ang tatay niya naman ay nagdedeliver ng mga uling. Nakapagtapos siya dahil sa scholarship, matalino kasi si Noralyn. “Ah, Nueva Ecija pala ang province nyo, pero taga-Cavite ka?” tanong ng isang ka-opisina ni Noralyn habang pauwi na sila. “Oo sa Cavite kami ngayon. Doon nagkakilala sa Nueva Ecija ang parents ko, ikaw saan ang province niyo?” tanong niya rin sa kausap. “Taga-Pasig ako sa ngayon,doon sa tita ko.” sagot nito. “Pero saan tubo ang parents mo?” muling tanong niya sa kausap. “Actually girl, di ko alam. Wala akong parents eh, basta iniwan lang nila ako sa kakilala. Yung tinatawag kong tita ngayon, di ko naman talaga sya kamag anak. Ang kwento sa akin, binenta daw ako sa halagang 2,500 pesos.” malungkot na pagbabahagi nito. Gulat na gulat naman si Noralyn, bigla niyang naalala ang kanyang mga magulang. Ang nanay niyang sugat sugat na ang kamay kalalaba mabilhan lang siya noon ng medyas na hindi niya naman nagustuhan, ang tatay niyang nananakit na ang balakang kabubuhat ng uling mabigyan lang siya ng baon. Naisip niya ang itsura ng mga ito, may edad na. Puti na halos ang mga buhok dahil sa problema. Ahh, kailan ba huling nakatikim ng masarap ang magulang niya, hindi ba’t laging ipinaparaya sa kanya? Ni hindi nga makabili ng magandang damit ang kanyang nanay. Ngayong may trabaho na siya ay hindi man lang makatikim ng ginhawa ang dalawang matanda. Nagmadali siyang maglakad papunta pauwi. “Nay, magbihis kayo ni Tatay.” sabi niya lang sa mga ito. Nagtataka man at nataranta na rin sa tono ng anak ay dali daling nagbihis ang dalawa. Nagulat sila nang bitbitin sila ng anak sa mall. Hiyang hiya ang mga paa nila na tumapak sa napakalinis na sahig, Lalo silang nanliit nang pumasok na sila sa mamahaling restaurant. “Anak bakit tayo nandito? Mahal yata dito?” sabi ng kanyang ama. “Kulang pa po ito sa dami ng sakripisyo nyo sa akin,” nakangiting sagot niya. Maligayang maligaya ang mag asawa, nakatikim pa sila ng masasarap na pagkain. Simula noon ay pinahalagahan na ni Noralyn ang kanyang mga magulang, natuto na rin siyang tumulong sa mga ito at dahil doon ay lalo siyang pinagpala, makalipas ang isang taon ay agad siyang na-promote sa trabaho. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.