Ipinagtaka ng OFW Kung Bakit Biglang Naglahong Parang Bula ang Tatay Niya at mga Kamag-anak nang Umuwi Siya sa Pilipinas, Nagulantang Siya nang Malaman ang Katotohanan
Alas diyes ng gabi, nagring ang cell phone ni Katherine. Masaya niyang sinagot ang tawag pero wala siyang ibang narinig sa kabilang linya kung hindi mga ungol bago tuluyang naputol ang linya. Malamang ang tatay niya ang tumatawag para kamustahin siya.
Simula noong araw na iyon, tuwing sasapit ang araw ng linggo ay magriring ang cell phone ni Katherine pagsapit ng alas diyes ng gabi ng walang mintis. Ang tatay niya ang palaging tumatawag para kamustahin siya. At isa lang ang palagi nitong hinihiling.
“Miss na miss na kita. Umuwi ka na.”
Isang taon ang pinalipas ni Katherine bago siya nag-file ng leave sa kaniyang trabaho sa New York para umuwi sa Pilipinas upang sorpresahin ang kaniyang tatay. Ngunit wala siyang nadatnang tao sa kanilang bahay.
“Nagbakasyon si Kuya sa Cebu. Kina Mang Kanor, yung drayber niyo.” Iyan ang sabi ng tiya niya nung tinawagan niya ito.
Isang taon lang nawala si Katherine pero marami nang nagbago. Nabenta ang lahat ng kanilang ari-arian maliban sa bahay na tinitirhan nila ngayon. Hindi naiintindihan ni Katherine kung ano ang tumatakbo sa isip ng kaniyang tatay para gawin ang mga bagay na iyon. Hindi naman sila gipit sa pera. Walang nababanggit ang tatay niya tungkol dito tuwing magkakausap sila sa telepono. Nakapagtataka din na nagsi-alisan ang lahat ng kanilang kasambahay.
Isang linggo na ang lumipas pero hindi pa rin sila nagkikita ng tatay niya. Hindi rin niya ito matawagan. Kung alam niya lang kung paano makokontak si Mang Kanor ay malamang ay tinawagan na niya ito para masundan niya ang kaniyang tatay sa Cebu.
Ang lalong nagpakulo ng dugo ni Katherine ay hindi na rin niya makontak ang mga kapatid ng tatay niya. Dinalaw niya ang mga ito sa kani-kanilang bahay pero lumipat na ang mga ito ng tirahan. Pati ang mga dati nilang kasambahay ay hindi rin niya mahagilap. Nawala na lang sila ng parang bula.
Dumating ang araw ng linggo, eksaktong alas diyes ng gabi nung mag- ring ang cell phone ni Katherine. Ang tatay niya ang tumatawag.
“Huwag kang mag-alala sa akin. Okay na ko dahil nandito ka na.”
Paanong hindi mag-aalala si Katherine kung hindi naman sinagot ng tatay niya ang kaniyang mga tanong. Ni hindi nito sinabi kung nasaan na siya at kung uuwi ba ito. Gulong-gulo na si Katherine sa mga nangyayari.
May na aninag na namang tao si Katherine sa kanilang garahe mula sa bintana ng kaniyang kwarto. Hindi niya ito binigyan ng pansin noon dahil bigla itong nawawala. Pero sa pagkakataong ito ay nagawa niya itong tignan ng matagal.
Si Mang Kanor ang nasa garahe. Baka nakauwi na sila ng tatay niya.
Tumakbo si Katherine sa garahe pero wala siyang nadatnang tao doon. Napansin niya mula sa maliit na siwang ng pinto na nakabukas ang ilaw sa loob ng talyer. Sa pag-aakalang nasa loob sila ay nagmadali siyang pumasok sa loob.
Ang masaya sanang pagsalubong ni Katherine sa kanyang tatay ay nauwi sa nakakagimbal niyang pagsigaw.
Isang taon ang hinintay ng tatay ni Katherine para matuklasan niya ang pagpaslang sa kaniya. Isang taon ang ginugol ni Katherine para makamit ang hustisya sa pagkamatay nila ni Mang Kanor.
Kayamanan ang kumitil ng buhay ng tatay ni Katherine. Hindi matanggap ng mga kapatid ng tatay niya na sa isang sampid ipapamana ang lahat ng kaniyang ari-arian. Ampon lang si Katherine. Anak siya ng dating kasambahay ng tatay niya na namatay sa panganganak. Nung umalis si Katherine ay nagawa nilang isakatuparan ang matagal na nilang plano.
Ni minsan ay hindi sumagi sa isip ni Katherine na ang mga taong malapit sa kanila ang magiging mitsa ng buhay ng kaniyang tatay. Pinaslang ang kaniyang tatay at si Mang Kanor ng mga kapatid ng kaniyang tatay dalawang taon na ang nakakalipas bandang alas diyes ng gabi, araw ng linggo.
Tumulong din ang kanilang mga kasambahay sa pagpaslang. Nagpakalunod sila sa perang hindi naman nila pinaghirapan. Nang malaman nilang nagbalik si Katherine ay tinangka nilang tumakas. Pero hindi nila nagawang takbuhan ang batas dahil pursigido si Katherine na pagbayarin ang lahat ng may sala.
Tapos na ang panahon ng pagluluksa. Tapos na ang panahon ng pakikipaglaban para sa hustisya. Panahon na para ipagpatuloy ni Katherine ang kaniyang buhay. Alam niya na ito rin ang nais mangyari ng kaniyang tatay para sa kaniya.
Alas diyes ng gabi, araw ng linggo, muling nagring ang cell phone ni Katherine.
“Salamat, anak, huwag mong pabayaan ang iyong sarili. Mahal na mahal kita.”