Inday TrendingInday Trending
Hindi Natupad ng Lalaki ang Pangako sa Kapatid Kung Kaya Nawala Ito ng Dahil sa Isang Trahedya

Hindi Natupad ng Lalaki ang Pangako sa Kapatid Kung Kaya Nawala Ito ng Dahil sa Isang Trahedya

Ang sabi nga nila ay huwag kang basta-basta magbibitiw ng pangako kung hindi mo naman kayang panindigan. Pero anong magagawa ni Elliot kung ito ang nag-iisa niyang pagkakataon para personal niyang makilala at makausap ang iniidolo niyang banda?

Nanalo si Elliot ng concert ticket at backstage pass para ma-meet and greet ang paborito niyang international rock band na Black Lily. Ito ang unang pagkakataon na magtatanghal ang banda sa Pilipinas kaya hindi na makapaghihintay si Elliot na mapanood sila ng malapitan. Ang problema ay pareho ang araw at oras ng concert sa araw at oras ng pagtatanghal ng kaniyang kapatid na si Gabriella.

Nangako si Elliot na panonoorin niya ang gig ng kapatid. Si Gabriella ay miyembro ng isang banda at siya ang lead singer nito. Matapos ang sangkatutak na auditions ay sa wakas at nakuha din ang banda ng kaniyang kapatid para regular na magtanghal sa isang club. At bilang suporta sa kaniyang kapatid ay nangako si Elliot na panonoorin niya ang una niyang pagtatanghal.

Ngunit ayaw palampasin ni Elliot ang pagkakataong makita at makausap ng personal ang bandang Black Lily kaya mas pinili niyang huwag panoorin ang banda ni Gabriella. Babawi na lang siya dito at alam niyang maiintindihan nito ang kaniyang desisyon dahil masugid na tagahanga din ito ng banda. Marami pang pagkakataon para mapanood niya ang kaniyang kapatid samantalang ang meet and greet ang nag-iisa niyang tyansa para makita ang paborito niyang banda dahil baka hindi na ulit magtanghal ang banda sa bansa.

Masayang masaya si Elliot pagkauwi niya sa kanilang bahay. Agad niyang siniyasat ang kaniyang kamera at isa-isa niyang tinignan ang mga litrato niya kasama ang mga miyembro ng Black Lily. Lalo siyang humanga sa banda matapos niyang makakwentuhan ang mga ito.

Isang tawag sa telepono ang bumasag ng kaniyang kasiyahan.

“Elliot, buti at ligtas ka! Nasaan ka ba? Akala ko panonoorin mo si Gabriella? Pumunta ka dito sa ospital! Wala na si Gabriella! Nagkasunog sa bar! Kasama ang kapatid mo sa nasawi!” Hiyaw ng ina ni Elliot sa kabilang linya.

Kinuha ni Elliot ang kaniyang cell phone at napansin niyang naka-silent mode pala ito. Agad niyang tinignan ang mga mensahe at tawag na kaniyang natanggap. Puno ang kaniyang inbox ng mga mensahe mula sa mga kaibigan na nag-aalala sa kaniya. Madami din siyang hindi nasagot na tawag mula sa kaniyang mga magulang. Nangilabot ang buo niyang katawan nang marinig niya ang nag-iisang voicemail na kaniyang natanggap.

“Kuya, nasaan ka? Nasusunog ang bar! Hindi ako makalabas! Tulungan mo ako! Nahihirapan na akong huminga! Please, bilisan mo!” Pagsusumamo ng kaniyang kapatid habang hinahabol ang paghinga.

Hindi niya inaasahan na mangyayari ito. Hindi niya inakala na ang kapalit ng pagkakataong makilala ang paborito niyang banda ay ang buhay ng kaniyang kapatid. Kung mas pinili niya lang sana na panoorin ang unang pagtatanghal ng banda ni Gabriella ay baka magkasama pa sila ngayon. Kung pumunta lang sana siya sa bar ay baka nagawa pa niyang iligtas ang kaniyang kapatid. Kung mas pinili niya lang sana si Gabriella kasya sa paborito niyang banda ay baka buhay pa ang nag-iisa niyang kapatid.

Mabigat ang mga hakbang ni Elliot habang tinatahak niya ang pinto ng kanilang bahay. Sa bawat hakbang niya ay pahirap ng pahirap ang kaniyang paghinga. Malabo na ang kaniyang mga paningin dahil walang tigil ang pagtulo ng kaniyang luha. Nang mahawakan ni Elliot ang doorknob ay bumagsak siya sa sahig hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng malay.

Nagising si Elliot sa malakas na tunog na nagmumula sa kaniyang cell phone. Madilim na sa labas ng kanilang bahay. Teka.. Nananaginip lang siya!

Napahimbing pala ang kaniyang tulog. Biglang kinalibutan si Elliot nang maalala niya ang kaniyang napaginipan. Agad niyang inusisa ang kaniyang cell phone. Alas siyete na pala ng gabi. Isang oras na lang ang natitira niyang palugit. Kinapa niya ang napanalunan niyang concert ticket sa kaniyang bulsa bago siya tumingin sa litrato ng kaniyang kapatid na nakasabit sa dingding.

Kung pangitain man, babala o paalala maituturing ang kaniyang napanaginipan ay naging susi ito para maliwanagan si Elliot sa kung ano ang dapat niyang piliin. Walang pag-aalinlangan niyang tinapon sa basurahan ang hawak niyang ticket bago siya umalis patungo sa bar kung saan magtatanghal ang kaniyang kapatid. Kailanman ay hindi matutumbasan ng paborito niyang banda ang nag-iisa niyang kapatid.

Advertisement