Buong Akala ng Tindera ng Kakanin ay Ikakahiya Siya ng Anak Matapos Malamang Di Siya Marunong Magbasa, Pero Ito ang Ginawa ng Bata
Napakahirap maging mahirap.
Alam naman nating lahat iyan, isa si Stella sa mga taong hindi sinuwerte pagdating sa buhay. Ang kanyang nanay ay sumama sa ibang lalaki dahil hindi ito nakukuntento sa kayang ibigay ng asawa. Samantalang ang tatay naman niya ay nawalan na rin ng ganang magpatuloy pa, hindi naisip ang mga anak na sa kanya na lamang umaasa. Basta nalang ito umalis isang araw at di na sila binalikan.
Silang magkakapatid ay nagkahiwalay at pinaghatian ng mga tiyahin, na ginawa siyang katulong at parang hindi kapamilya ang turing sa kanya. Pitong taong gulang lamang siya noon at ni hindi man lang nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.
Ang alam niya lang tuloy ay isulat ang pangalan niya, pero hindi siya marunong magbasa. Gayunpaman, marunong siyang magbilang dahil kinailangan niyang matutunan iyon nang mamasukan siyang tindera.
“Hoy! Hoy Ale! magsusukli lang sa singkwenta katagal-tagal mo!” bulyaw ng customer ni Stella, kanina pa pala ito nakatitig sa kanya.
Nagising tuloy siya mula sa pagbabalik-tanaw sa mapait niyang nakaraan, bakit nga ba ang lupit sa kanya ng kapalaran? Ni minsan ay di pa siya nakadama ng ginhawa.
“P-pasensya na te.. ano nga ulit iyong nakuha ninyo?” paghingi niya ng paumanhin dito.
“Kanina pa eh! Tatlong kutsinta at isang supot nitong palutang. Dagdagan ninyo ng niyog.” masungit na sabi nito.
“O-oho… eto na ‘te. Salamat po,” sabi ni Stella. Bumubulong pa ang ale nang makalayo ito sa pwesto niya.
‘Pwesto’ ang tawag niya sa maliit na espasyong inu-ukupa niya sa palengke pero ang totoo di naman siya nangungupahan doon, basta nalang siyang umupo at naglagay ng mga paninda.
Kapag sinita ng pamunuan ng palengke, edi aalis.
Mayroon na siyang dalawang anak pero ang asawa niya ay iniwan na sila, sumama sa iba. Minsan nga naiisip niya, parang isang malalim na balon ang buhay ng mahihirap. Walang nakakaahon, paulit-ulit lang ang mangyayari at matatabunan nalang siya sa huli.
Ayaw niyang mangyari iyon sa mga anak niya, kaya patuloy siyang kumakayod kahit na paano.
“Nay! Nanay!” pukaw ng kanyang anak sa atensyon nya.
“H-ha?” sabi ulit ni Stella. Dahil yata sa pagod ay kanina pa siya natutulala!
“Ito pong card ko, kailangan pirmahan mo… at ano po ba ang respiratory system?” inosenteng tanong ng kanyang anak.
“Anak… ano, sigurado naman akong nasa libro mo yan. Hanapin mo lang dyan anak.” nanliliit na sabi niya, paano niya ba ipagtatapat sa bata na hindi siya marunong magbasa?
“Anong page po ba nanay?” tanong pa ulit nito, walang kaalam-alam sa pinagdaraanan ng ina.
“Anak, ano kasi. H-hindi marunong bumasa ang nanay..” halos pabulong na si Stella.
Saglit lang na napatingin ang bata sa kanya pero di na ito kumibo. Lalong nanliit ang tingin ni Stella sa kanyang sarili. Ano pa ang maipagmamalaki niya sa bata? Anong klaseng nanay siya kung hindi niya man lang ito matulungan sa simpleng assignment?
Kinabukasan ay medyo nahuli ng uwi ang anak ni Stella. Siguro ay nalulungkot, kahit naman siguro siya ay manliliit sa sarili kapag nalaman na katulad niya lang ang nanay.
Maya maya pa ay dumating na ang bata.
“Meryl anak.. bakit ngayon ka lang nakauwi?” tanong niya rito.
“Pasensya na nanay. Kinausap ko pa ho kasi ang teacher ko.” sabi nito.
“Ha? Bakit naman anak? M-may kailangan ka ba?” ano ba naman siya! Dapat siya ang nanay, siya ang nakikipag-usap sa guro pero dahil nga mangmang siya ay anak niya pa ang napipilitang gumawa noon!
Sa halip na sumagot ay naglabas ng dalawang papel, lapis at pambura ang bata. Nakangiti ito.
“Nanay, nagpa-tutor ako kay Ma’am, para pag uwi dito ay ikaw naman po ang tuturuan ko. Binigyan niya rin po ako ng ekstrang mga gamit.”
Hindi makapaniwala si Stella sa naririnig sa anak. Nahihiya man ay umupo siya sa tabi nito, at sinimulan na nila ang unang aralin..
Makalipas ang 19 taon.
“Bachelor of Science in Business Management… Stella Reforsado!”
Maluha-luhang umakyat si Stella sa entablado, ang anak niyang si Meryl ang sumama sa kanyang mag martsa.
Sa tulong ng mga scholarship ay nakapagtapos si Meryl. Hindi siya kinalimutan ng anak dahil nang makakuha na ito ng magandang trabaho ay siya naman ang pinag aral nito. Ngayon ay kasalukuyan silang nagpapagawa ng bahay.
“Mahal kita nanay, proud na proud ako sayo.” bulong nito sa kanya.
Napakaligaya ng puso ni Stella.
Hindi man siya sinuwerte sa magulang ay napakaswerte naman niya sa anak. Napatunayan niya ring mali ang akala niya na kapag mahirap ay di na makakaahon, dala na rin siguro iyon ng kawalan niya ng pag asa noon.
Lahat tayo ay makakaahon basta wag susuko sa buhay, anumang pagsubok ang dumaan, laban lang nang laban! Harapin natin nang may ngiti dahil sabi nga nila, pagkalipas ng bagyo ay sasalubong sa atin ang isang napakagandang bahaghari.
Kahawig rin ba ito ng istorya ng buhay mo? sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.