Inday TrendingInday Trending
Gustung-gusto ng Batang Lalaki na Bilhin ang Isang Manika, Ang Kanyang Dahilan Kung Bakit, Dudurog sa Puso Ninyo

Gustung-gusto ng Batang Lalaki na Bilhin ang Isang Manika, Ang Kanyang Dahilan Kung Bakit, Dudurog sa Puso Ninyo

Namimili ako sa isang grocery store nang mapansin kong ibinalik ng kahera ang ilang piraso ng papel na pera sa isang batang lalaki, na siguro ay nasa lima o anim na taong gulang.

“Sorry totoy, pero hindi kasi kasya itong pera mo para sa manikang ito,” sabi ng kahera sa bata.

Lumingon ang batang lalaki sa lola niya, “Nanay, talaga po bang kulang ang pera ko?”

“Apo, kulang talaga iyan diba. Hintayin mo lang ako dito bibili akong tinapay.” Umalis ang lola para kumuha ng tinapay at iniwan ang batang lalaki sa tabi ng kahera.

Hawak hawak pa rin ng bata ang manika at para bang ayaw itong bitiwan. Napaka-cute niya naman, naisip ko. Siguro ay ibibigay niya ito sa crush niya o baka naman lalaruin niya, wala namang masama roon, sa isip ko pa rin.

“Hello, anong pangalan mo baby?” Hindi na ako nakatiis at kinausap siya.

Parang malungkot ang mga mata ng bata, siguro ay dahil kulang nga ang pera niya.

“Steven po.” sabi niya lang sa’kin at kumunot ng kaunti ang maliit niyang ilong, napansin ko rin na mamula mula ang pisngi nya, na may mga dimples. Cute.

“Bakit parang ang lungkot mo? Dahil ba dyan sa manika?”

“opo, nag ipon naman po ako pero hindi kasya parin.” ipinakita niya sa akin ang dalawang pirasong bente pesos na hawak hawak niya. Nakakatuwa talaga at napakainosente ng bata. Ni wala pa sa kalahati ng presyo ng manika ang pera niya. Hindi ako nakatiis at dahil na rin siguro sa awa ko kaya nagprisinta na ako, may matitira pa naman siguro sa sahod ko.

“Sige na nga, bibilhin na ni ate yan para sa’yo.Lika.” sabi ko sa kanya.

“Talaga po ba?”biglang nagningning ang mata niya, lalo na nang iabot na sa kanya ng kahera ang manika na nakabalot na.

“Thank you po Ate, matutuwa si Sophia.” nakangiting sabi ng bata.

“Welcome, sino ba si sophia baby?” usisa ko pa, yakap yakap na ngayon ng bata ang manika.

“Kapatid ko po. 4 years old po, baby namin, nagmamadali nga po akong ibigay eh, kasi gustong gusto ito ng kapatid ko, tuwing pupunta nga po kami dito ituturo niya eh, kahit bulol bulol siya, mahal nga lang po kaya sabi ng mama namin hintayin na lang daw na ibigay sa kanya ni Santa Claus sa pasko.” dire diretso niyang sagot.

Namangha naman ako sa katapatan ng bata. “Ayun naman pala. Pag mabait si Sophia ibibigay nga yan ni Santa sa kanya,” nakangiti ako sa bata, nakalimutan ko na ang mga bibilhin ko, nawili akong makipagkwentuhan sa kanya.

“Hindi na po kasi maihahatid ni Santa, ate eh. Malayo po kasi si Sophia ngayon, si Mama lang po ang makakapagbigay sa kanya.”

“Bakit? saan ba si Sophia at bakit si mama mo lang?” naguguluhan kong tanong.

“Nagpunta daw po kasing langit si Sophia. Sabi ni Papa susunod na rin daw po doon si Mama, malapit na. Hindi ko po alam kasi susunduin nila ako dapat sa school pero sabi ni Papa nabangga daw ang sinasakyan nilang bus kaya nagpunta na ng langit si Sophia. Ibinilin ko nga po kay Mama na wag munang umalis nang wala ako, dapat hintayin niya ako kasi ipapaabot ko kay Sophia itong manikang gusto niya,sabi ko nga po saglit lang kami dito sa grocery, ” at inilabas niya ang isang picture, na nang tinitigan ko ay, siya pala.

Napakaganda ng ngiti niya sa larawan “Ito naman po pabaon ko kay Mama para hindi niya ako makakalimutan. Love na love ko po ang mama kaya lang naaawa naman ako sa kapatid ko na mag isa daw po. Kaya sabi ni Papa kailangan na raw samahan ni Mama si Sophia” Sabi niya, sa inosente ngunit malungkot na tono.

Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga narinig ko, at parang may gumuguhit na sakit sa puso ko.

Hindi nagtagal ay dumating na ang lola ng bata at nagpasalamat sa akin, tumango lang ako dahil natutulala pa rin ako sa mga nalaman ko. Ang pagmamahal ni Steven sa kapatid at ina, ay hindi matutumbasan ng kahit na ano sa mundong ito.

Advertisement