Ikinahihiya Kita
Si Regine ay inlove na inlove sa bestfriend ng kanyang kuya, si Jerome. Noong una ay hindi siya pinapansin nito, kaya gumagawa talaga siya ng paraan para makuha ang atensyon ng binata. Ipinagluluto at pinagsisilbihan niya ito kapag bumibisita sa bahay nila.
Na-dismaya pa siya nang malamang may nobya na pala ito, pero ilang buwan lang ay nabalitaan niyang naghiwalay rin ang dalawa kaya nagdiwang ulit siya at umasa.
Hanggang isang araw ay kulang nalang lumipad sa alapaap ang kanyang kaluluwa nang ligawan siya ni Jerome. Wala namang paliguy-ligoy ay sinagot niya agad ang lalaki at naging sila na. Masayang-masaya siya.
Habang tumatagal ang relasyon nila ay nagbabago din ang maganda nilang samahan. Mula simula, siya naman talaga ang nagbibigay ng effort lagi, pero parang ngayon ay gusto niyang ito naman ang gumawa ng paraan para sumaya siya.
“Jerome, hindi mo parin ba ako ipapakilala kila Tito at Tita bilang girlfriend mo? Medyo nakokonsensya na kasi ako na pinagtataguan natin sila,” aniya isang araw ng dumalaw siya sa bahay nito.
“Regine, saka nalang baka kasi magulat sila.”
“Ano naman kung magulat sila? Lilipas din naman ‘yon,” aniya. “Diba nga ang buong akala nila ay kayo pa ni Sanya pero ang totoo ay ikaw na at ako. Malay mo mas maging masaya sila dahil matagal na rin naman na magkakilala ang pamilya natin? Nakokonsensya na talaga ako kasi pati kila Mama, Papa at Kuya ay naglilihim ako,” nakalabi niyang wika.
Inakbayan siya nito at magaan na hinalikan sa pisngi. “Darating din tayo d’yan Love, kaya kalma ka lang.”
Pinalampas niya iyon dahil mahal na mahal niya si Jerome.
Isang araw habang sama-sama silang kumain ng pamilya niya ay biglang may naikwento ang kuya niya sa mga magulang niya. Na may babae na namang dine-date si Jerome, bahagya pa siyang napangiti dahil mukhang ilang kembot nalang ay aamin na si Jerome sa kuya niya. Ngunit nang magbigkas ito ng ibang pangalan ay kulang nalang maisuka niya ang kinakain.
Pumunta siya sa bahay ni Jerome upang kausapin ito tungkol sa sinabi ng kuya niya ngunit naabutan niya itong naliligo. Kaya naghintay muna siya sa paglabas nito. Nang biglang tumunog ang cellphone nito ay agad niya iying tiningnan, nagbabakasakaling baka mahuli niyang nagtetext ang babaeng sinabi ng kuya niyang nakaka-date nito.
Napangiti siya nang makitang ang mga magulang nito ang nag-text upang paalalahanan ang anak sa dinner date nila mamayang gabi. Agad naman siyang nakabuo ng plano sa isipan. Kung wala itong balak na ipakilala siya bilang girlfriend nito ay siya nalang ang magpapakilala sa sarili niya.
Kinagabihan ay maaga siyang dumating sa sinabing restaurant ng Mama ni Jerome. Nang makitang paparating na ang mga ito ay agad niya iyong sinalubong.
“Hello po Tita and Tito,” masigla niyang bati.
“O! Regine ikaw pala iyan. Lalo kang gumaganda,” papuri naman ng Mama ni Jerome.
“Opo tita magaling kasing mag-alaga ang anak ninyo,” wika niya na pinagtakhan ng mga ito. “Opo, ako nga po ang nobya ngayon ni Jerome Tita, sa katunayan nga po ay magwawalong buwan na po kami. Hindi lang masabi ni Jerome sa inyo dahil natatakot siyang baka magulat kayo,” paliwanag niya.
“Hindi nga namin alam ang bagay na iyan, hija.” blangkong wika ng Mama ni Jerome.
Ilang sandali lang ay nakikita na niyang papasok na si Jerome sa naturang restaurant. Kaya agad siyang tumayo at kinawayan ito, ang ine-expect niyang saya sa mukha ni Jerome ng makita siya ay kabaliktaran. Dahil biglang lumamukos ang mukha nito nang makita siya.
“Jerome, explain this to us.” ma-awtoridad na wika ng Papa nito.
“Bakit nagawa mong ilihim sa’min na si Regine pala ang bago mong girlfriend,” segunda naman ng kanyang Mama.
“Hindi po totoo ‘yan Ma,” sagot nito na nagpanganga sa kanya. “Bakit mo ginawa ‘to? Anong gusto mong palabasin? Gusto mong ipakilala ang sarili mo sa mga magulang ko para ano Regine?”
“W-wala naman akong masamang intensyon Jerome, sinabi ko lang sa kanila ang totoo.” mahinahon niyang wika.
“Hindi mo pa ba nararamdaman? Hindi kita mahal, kasi kung mahal kita dapat una palang pinakilala na kita sa mga magulang ko. Hindi ikaw ang babaeng karapat-dapat iuwi sa bahay para ipakilala sa pamilya Regine. Oo niligawan kita, dahil iyon ang gusto mo. Pero wala sa isipan ko ang makasama ka habangbuhay, hindi ko nakikita ang sarili kong pakakasalan ka at hindi ko din nakikita na pwede kang maging ina ng mga anak ko.”
Sa sobrang pagkapahiya at sakit na nararamdaman ay hindi na siya nakasagot. Lahat pala ng ginawa niya ay wala lang para kay Jerome. Nagsimula na siyang maglakad palabas ng restautant habang pinipigilan ang pag-agos ng mga luha.
Napahinto siya nang tawagin ni Jerome ang pangalan niya. “Regine,” wika nito, nilingon niya ito at nagtatanong ang mga mata. Naghihintay ng paliwanag. Ilang buntong hininga lang ang ginawa ni Jerome pero di naman nagsalita.
Kaya si Regine na mismo ang nagsabi rito, “Hayaan mo, walang makakaalam nito. Kahit ang kuya ko, hinding-hindi niya malalaman that you fooled his sister.”
Makalipas ang dalawang taon ay muling umuwi si Regine sa Pilipinas dahil tapos na ang kontrata niya sa Japan bilang isang Nurse. Malaki ang ngiti niya nang salubungin ng kanyang pamilya, pero agad rin iyong nawala nang Makita kung sino ang nasa likod ng mga ito.
Si Jerome.
Nang ma-solo niya ang lalaki ay agad niya itong kinausap.
“Makapal parin pala ang mukha mong magpakita rito, buti naman at hindi ka pa kinakain ng konsensya mo.”
“Regin–”
“Kung maaari lang sana Jerome ay ayoko na munang makita ang mukha mo. Dalawang buwan lang naman ang bakasyon ko, kaya hangga’t kaya ay huwag kana munang pupunta sa bahay namin. Para hindi na tayo magkita pa, mas maiging gano’n nalang muna ang gawin mo. Maiiwasan mo ako, kasi kahit ilang taon na ang lumipas ay nandito parin ang malalim na sugat na ginawa mo sa’kin noon.”
“Regine, I’m sorry. Oo aaminin ko na ang gago ko noon, mas inintindi ko pa ang feelings ng magulang ko dahil may inirereto sila sa akin noon. Pero pinagsisihan ko na ang lahat. Oo makapal ang mukha ko, kahit anong masasakit na salita ay tatanggapin ko. But I want you back Regine.”
“Ano?”
“Nagsisisi na ako, alam kong mali ako sa mga ginawa ko sa’yo noon. Pero ang laki ng binago ng buhay ko dahil doon. Galit sa’kin ang mga magulang ko sa’kin hanggang ngayon dahil sa ginawa ko sa’yo, mapapatawad lang nila ako kapag pinatawad mo na ako. Pakiramdam ko ay kulang ako, kulang na kulang dahil wala ka.”
“Sa tingin mo ba gano’n lang kadali ang lahat Jerome? Gano’n lang para sa’yo kadali ang ginawa mong sugat sa’kin? ? Hindi! Hinding-hindi na ako magpapaloko sa’yo. Alam mo ba ‘yong pakiramdam na ginawa mo naman ang lahat ng makakaya mo pero bakit parang hindi ka parin pala magiging sapat. Hindi ka parin pala karapat-dapat sa pagmamahal ng taong mahal na mahal mo. Tapos na ang kabaliwan ko sa’yo, tapos na Jerome.”
“Alam kong ang lalim ng ginawa kong sugat sa’yo. Pero handa akong itama ang lahat Regine.”
Hindi na niya ito sinagot. Nilampasan na lamang niya ang lalaki at tuluyan nang tinalikuran. Nahihirapan na siyang magtiwala ulit sa lalaki. Hindi na niya alam kung karapat-dapat niya parin ba itong paniwalaan, dahil minsan na niyang ginawa iyon.
Pero wala itong ibang ginawa kundi ang wasakin siya. Panahon nalang siguro ang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa kanila, dahil sa ngayon ay patuloy paring nagdurugo ang malalim na sugat sa kanyang puso.
Ngunit kinabukasan ay muli na naman itong nagpunta sa bahay nila. Naiinis siya sa kakapalan ng mukha nito, pero hindi naman niya kayang palayasin ang lalaki, baka kasi magtaka ang pamilya niya. Mula nang dumating siya sa Pinas ay wala nang ginawa si Jerome kundi ang magpapansin sa kanya, bumabawi pero wala siyang pake.
Isang araw habang nagpapahangin siya sa ilalim ng punong niyog ay bigla itong tumabi sa kanya. Akmang tatayo na sana siya nang pigilan nito ang braso niya.
“Dito kana muna. Kahit saglit lang, mag-usap muna tayo.” agad naman itong napangiwi sa sakit.
“Anong nangyari sa’yo? Bakit may pasa ka sa bibig?” gusto man niyang mag-alala rito ay hindi niya pinahalata. Galit parin siya sa lalaki.
“Ito?” turo nito sa pasa. “Wala ‘to. May sumuntok lang sa’kin.”
Hindi na siya nagsalita pa kaya muli itong nagsalita. “Malapit kana palang bumalik ng Japan. Galit ka parin ba sa’kin? Sana bago ka bumalik mapatawad mo ako, para mabawasan naman ang konsensya ko. Tapos na akong suntukin ng kuya mo, ìbig sabihin nabawasan na ng kaunti ang naging kasalanan ko sa’yo. Baka mas lalong mawala kung ikaw na mismo ang magpatawad sa’kin.”
“Bakit ka sinuntok ni Kuya?”
“Kasi umamin na ako. Inamin ko rin kung gaano ko nasaktan ang prinsesa nila. Kaya heto ang natamo ko. I deserved this, kulang pa nga ‘to sa ginawa ko noon sa’yo,” malungkot itong ngumiti. “I’m sorry, alam kong hindi iyon sapat. Pero nais kong malaman mo na mahal na mahal kita. Sorry kung late ko ng na-realize iyon. Pero mahal na mahal talaga kita Regine, handa akong gawin ang lahat mapatawd mo lang ako. Hindi ko na hihingin ang mahalin mo ako ulit, pero sana mapatawad mo ako.”
Hindi na niya mapigilan ang hindi umiyak. “Bigyan mo lang ako ng panahon. Darating din ang araw na mapapatawad kita, aaminin ko hanggang ngayon ay mahal parin kita. Pero hindi ko kayang sabihin sa ngayon na kaya na kitang tanggapin ulit.”
Muli nang bumalik si Regine sa Japan, habang si Jerome naman ay hindi parin tumitigil na patunayan ang pag-ibig niya para sa babae. Itinama niya ang lahat ng pagkakamali noon, sinubukan ulit na ligawan si Regine, madalas ay pinupuntahan niya ito kapag namimiss niya na ang babae.
Matagal bago siya napatawad ni Regine, pero dahil sa pagpupursigi niya ay nakuha niya ang kapatawaran nito at nakuha niya pa ulit ang matamis nitong oo. Sisiguraduhin niya ngayong nagkaayos silang muli ay hinding-hindi na niya sasayangin ang pangalawang pagkakataon na ibinigay ni Regine sa kanya.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!