Madalas ay lalaki lamang ang takot sa commitment, dahil ayaw ng mga itong magkaroon ng mabigat na obligasyon sa buhay. Ngunit ano naman kaya ang tawag sa babaeng ayaw sa pang-matagalan na pag-ibig?
Si Shiela ay bente sais anyos, mas gusto niya ang isang gabing pag-ibig. Ayaw niyang nagtatagal sa isang relasyon, dahil para sa kanya’y bukod sa nakakasakal na ay nakakasawa pa.
Ang dahilan niya ay hindi naman talaga totoong nag-eexist ang pag ibig, marami na siyang kaibigang umiyak dahil sa lintik na love na iyan, ayaw niya nang dumagdag sa listahan ng mga tanga.
Katulad ngayong kaharap niya ang isang gwapong lalaking nakilala lamang niya sa isang bar. Kung sasabihin nitong na-inlove ito agad sa kanya ng makita siya ay tatawanan lang niya ang lalaking l*bog lang ang nilalaman ng utak. Walang LOVE ang nag-eexist sa mundo, tanging LUST lang.
Kaya lokohin nitong ang lelong nito dahil marami na siyang nakilalang lalaki na pagkatapos mailabas ang pagnanasa ay balewala nalang siya. Tawag ng laman ay sapat na sa kanyang makilala ito isang Linggo, matapos ay may mangyayari sa kanila at makalipas ang isang buwan ay maghihiwalay na. Paulit-ulit lang.
Isang araw ay pinuntahan siya ng kababata niyang si Albert sa kanyang boarding house.
“Kumusta naman ang buhay mo dito sa Manila Shiela?” tanong nito.
“Maayos naman, ikaw doon sa probinsya kumusta naman?”
“Maayos parin naman kahit mahirap ang buhay. Kaya nga ako lumuwas ng Manila upang maghanap ng trabaho at salamat naman sa Diyos dahil may kakilala si Kuya na nangangailangan ng Driver,” paliwanag nito.
Close sila ni Albert kahit na noong nasa Masbate pa lamang sila, dahil magkababata sila at sabay na lumaki, nagkahiwalay lamang sila noong lumuwas siya noon dito sa Manila upang makipagsapalaran.
“Lalo ka yatang gumaganda, Shiela.”
“Salamat.” Kahit noong mga kabataan pa lamang nila ay alam niyang may pagtingin ito sa kanya dahil hindi naman nito iyon itinago. Ito pa nga lagi ang karamay niya lalo na noong tuluyan nang gumuho ang pamilya nila dahil nagsawa na ang Mama nila sa kakatiis sa ugali ng Papa nilang babaero.
Iyon din ang naging dahilan kaya ang aga niyang lumuwas sa Manila upang makipagsapalaran dahil sumama na ang kanyang Mama sa kumpare ng kanyang Papa, habang ang Papa naman niya ay sumama na rin ng tuluyan sa babae nito. Hindi man lang sila naisip ng mga magulang nila. Kaya ang mga kapatid niya ay magkakahiwalay na inampon ng mga tiyahin nila.
“Sana hindi ka magsawa sa mukha ko dahil paniguradong araw-araw na akong pupunta dito sa bahay mo. Ilang milya lang naman ang layo ng bahay ni Kuya rito.”
“Ikaw ang magsasawa, hindi ako.”
Hangga’t maaari ay ayaw niyang patulan ang kaibigan. Hindi kasi kagaya si Albert sa mga lalaking nakilala niya rito sa Manila, alam niyang malalim na tao ang kaibigan at hindi niya alam kung kaya niya bang sabayan ang gusto nito. Hindi siya ‘girlfriend material’.
Katulad nga ng sinabi ni Albert ay lagi siya nitong binibisita sa bahay nila, hatid-sundo sa kanyang trabaho na hindi naman niya hinihingi mula rito. Kaya hinahayaan na lamang niya ang kaibigan. Lumipas ang maraming araw ay kinausap siya ni Albert tungkol sa totoong nararamdaman nito sa isang coffee shop.
“Shiela, hindi mo ba napapansin ang mga ginagawa ko sa’yo?” anito sa mahinang boses na animo’y nahihiya.
“Napapansin ang ano?” walang malisya niyang wika.
“Mahal kita Shie, kahit noong mga bata pa tayo. Mahal na talaga kita, kahit ngayong malalaki na tayo ay walang nagbago sa damdamin ko, mahal talaga kita. Baka naman pwede mo akong bigyan ng pag-asa na makapasok d’yan sa puso mo.”
Albert’s intentions are pure at alam na alam niya iyon. Hindi niya kailanman nakita ang l*bog na nakikita niya sa mga mata ng lalaking naka-relasyon niya noon. Pero mas takot siya sa nararamdaman ni Albert kesa sa mga dating ka-relasyon.
Noon kasi alam na niya kung saan patungo ang sisimulan niya, ngunit kay Albert ay hindi niya alam.
“Kahit noon pa ay gustong-gusto ko ang alagaan ka Shie, gusto ko ang pakiramdam sa t’wing nakikita kita.”
“Pero hindi na ako ang dating Shiela na nakilala mo Albert,” aniya saka malalim na bumuntong hininga. “Hindi na ako kasing linis sa inaakala mo. Malayung-malayo na ang narating ko at hindi ko kayang suklian ang pag-ibig mo.”
“Bakit? Dahil ba sa Mama at Papa mo? Dahil nakita mo kung anong hirap ang sinakripisyo ng Mama mo para sa Papa mo kaya hindi mo alam kung kaya mo bang suklian ang pagmamahal ko?”
“Oo, at nahihirapan akong maniwala na totoong may pag-ibig. Marami na ang dumaang lalaki sa buhay ko Albert, at lahat ng iyon hindi ko nakitaan ng pag-ibig, lahat sila ay tanging pagnanasa lamang ang nararamdaman sa’kin at alam ko naman na hanggang doon lang talaga ang maibibigay nila.
Pero sanay na ako, mas kaya kong dalhin ang ganoong pakiramdam dahil alam ko naman na kapag nagsawa sila sa’kin ay iiwan lang din nila ako, katulad ng ginawa noon kay Mama.” malungkot siyang tumingin sa mga mata ni Albert. “Pero sa’yo, hindi ko alam kung paano dalhin ang relasyong inaalok mo sa’kin Albert. Kaya mas natatakot ako,” wika niya.
“Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin–”
“Makakahanp ka pa ng babaeng kayang suklian ang pagmamahal mo.”
“Wala akong ibang gusto Shiela kundi ikaw lang. Isa ka sa dahilan kung bakit ako lumuwas rito sa Manila. Naiintindihan ko ang takot mo, pero bakit hindi natin subukan? Susubukan kong burahin ang takot at ang paniniwala mo tungkol sa pag-ibig Shie, hindi naman pare-pareho ang lahat ng lalaki.
Malay mo sa kanilang lahat ako ang bukod tanging naiiba? Hindi ako perpektong tao, pero susubukan ko ang lahat mapawi ko lang ang takot mo.” Hinawakan nito ang kanyang mukha, “Totoong nag-eexist ang pag-ibig Shie, dahil ang pag-ibig ko ang isang malaking patunay no’n. Kung hindi ito pag-ibig ang nararamdaman ko, bakit hanggang ngayon ikaw parin ang mahal nito?” itinuro pa nito ang tapat ng dibdib.
Hindi siya makapagsalita dahil sa sinabi nito. Kung nagkataong naiba lang at sitwasyon at hindi si Albert ang nagsabi no’n sa kanya ay baka mamatay-matay na siya sa kakatawa. Ngunit iba ang pakiramdam niya nang sinabi iyon ng binata, masaya siya ngunit hindi naman siya natatawa.
Sinubukan nga nilang dalawa ang sinabi ni Albert at tunay ngang iba ito sa lahat ng nakilala niya. Araw-araw siya nitong pinapasaya, minsan ay hindi maiwasan ang kaunting tampuhan pero hanggang doon lang. Ito ang nagparamdam sa kanya na ang pag-ibig ay hindi isang nakakatakot na bagay.
Kahit gaano pa katigas ang isang tao, wala nang magagawa kapag pinana na ni Kupido.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.