Inday TrendingInday Trending
Munting Alaala

Munting Alaala

Sa panahon ngayon, usong-uso na ang kasabihang ‘walang forever’. Sumasabay na rin yata sa uso ang pag-ibig, dahil kung gaano ito kabilis dumating ay gano’n nadin ito kabilis mawala. Pero hindi ang pagmamahalan nila Adrian at Kaye, dahil sampung taon na silang nagsasama pero hanggang ngayon ay mahal na mahal parin nila ang isa’t-isa. Walang nagbago!

Oo, minsan ay nagkakatampuhan sila pero kahit na kalian ay hindi nila naisip ang maghiwalay. Kaya masasabi ni Kaye na si Adrian na ang lalaking ibinigay ni God para sa kanya at ito na ang kanyang forever.

Ngunit isang araw ay kagimbal-gimbal na pangyayari sumubok sa relasyon nila. Naaksidente si Adrian habang minamaneho ang motorsiklo nito pauwi. Agad itong na-coma*tose, tanging mga aparato na lamang ang bumubuhay sa lalaking kanyang minamahal.

Araw-araw ay siya ang nagbabantay kay Adrian dahil mas panatag ang kanyang loob kapag nasa tabi lang siya ng nobyo, kahit hindi ito gumagalaw o sumasagot man lang sa tuwing kinakausap niya ay sapat na ang mahawakan niya lamang ang kamay ng binata.

“Mahal, hihintayin kita rito ah. Paggising mo nandito lang ako, hinding-hindi kita iiwan. Pangako, ‘pag bukas mo sa mga mata mo ako agad ang pinakauna mong makikita.” kausap niya rito.

Araw-araw niya itong kinakausap dahil iyon ang sinasabi sa kanya ng mga doktor na nag-aalaga rito.

“Kaye, umuwi kana muna. Kami na muna rito ang bahala kay Adrian,” wika ng Mama ni Adrian na ngayon ay awang-awa na sa kanya.

Hindi na siya halos umuuwi sa bahay nila, malulungkot lamang siya roon dahil nasanay siyang kasama lagi at nakikita si Adrian. Kaya mas minamabuti na lamang niyang sa hospital nalang tumira tutal nandoon naman ang lalaki, kahit hindi siya nito kinakausap.

“Ayos lang po ako dito Ma, mas gusto kong nandito ako sa tabi ni Adrian.”

“Pero kasi Kaye, kulang na kulang ang tulog mo dito sa hospital kasi wala kang maayos na natutulugan.”

“Hindi din naman po kasi ako makatulog sa bahay habang ang isipan ko ay nandito kay Adrian,” may dahilan siya lagi rito kaya sumuko na lamang ang ginang at hindi na nakipagtalo.

Makalipas ang maraming araw habang kinakausap niya si Adrian ay biglang gumalaw ang hintuturo nito na agad niyang sinabi sa Doktora.

“Good news po iyon Miss Kaye, dahil ang ibig sabihin lamang no’n ay nag-rerespond na ang kantawan niya,” anito dahilan upang mabuhayan siya ng loob.

Pinanghawakan niya ang sinabing iyon ng Doktora. Ibig sabihin ay may pag-asang magising ulit si Adrian.

Isang araw, bigla na lamang nanginig ang katawan nito sa hindi niya malamang dahilan at hindi naging stable ang tibok ng puso ng lalaki. Bibilis iyon at biglang babagal, kitang kita ni Kaye sa monitor sa tabi ng kama nito.

Natataranta siya habang tinitingnan ang aparatong nakakabit sa nobyo. Tinawag na rin niya ang mga nurse at doctor, pinatabi siya ng mga ito sa isang gilid. Nanginginig siya habang minamasdan kung paano i-pump si Adrian.

Makalipas ang ilang saglit ay tumigil na ang Doktor at mga Nurse sa pag-revive sa katawan ng kanyang lalaking lubos na minamahal.

“Time of de*th, July 23 2019, 10:00am,” narinig niyang wika ng Doktor sa nurse na nagsusulat saka sila nilingon nito. “We did our best Ma’am. Sorry po.” malungkot na wika nito na dahilan upang humulagpos ang luhang kanina pa niya pinipigilan.

Hindi! Hindi pa p*tay ang lalaking mahal niya, imposible! Lumalaban pa ito, gumalaw na nga ito noong nakaraan tapos gano’n-gano’n nalang? Ang bilis naman lahat, parang isang pitik lamang ay wala na agad ito.

“Mahal, bakit? Akala ko ba lumalaban ka? Akala ko gigising ka pa? Bakit?” umiiyak niyang sambit habang yakap-yakap ang katawan ni Adrian. “Mahal, ‘di ba hindi ka bibitaw?”

Mabilis na lumipas ang buwan at ngayon nga ay isang buwan nang wala sa kanya si Adrian. Isang araw ay nagising nalang siyang nasusuka at masama ang sikmura. Agad siyang pumunta sa OB Gyne upang kumpirmahin ang hinala.

“Congratulations Mommy, you are now eleven weeks pregnant.”

Pagkasabi niyon ng Doktora ay agad na nag-unahan ang kanyang mga luha sa pag-agos. Nawala man ang pinakamamahal niyang si Adrian, may iniwan naman ng napakagandang alaala sa kanya. Ang magiging anak nilang bunga ng kanilang pagmamahalan. Hinimas niya ang kanyang maliit pang tiyan at panay ang iyak.

Nahihirapan man ay patuloy siyang lalaban, hindi lang para sa sarili niya kundi para na rin sa mga taong nagmamahal sa kanya lalung-lalo na sa batang nakikiamot nang buhay sa kanya ngayon. Tumingala siya sa kalangitan na animo’y doon niya na lamang makikita si Adrian.

“I love you little Adrian, kakayanin natin lahat..” bulong niya habang himas ang sinapupunan.

Makalipas ang ilang buwan ay nanganak si Kaye, kamukhang kamukha ng nobyo ang anak nila. Pinangalanan niya itong Adrian Jr. Alam niyang mahal na mahal siya ng ama ng bata dahil hindi siya pinabayaan nitong mag isa. Ngayon ay may mas magandang dahilan na si Kaye upang ipagpatuloy ang buhay.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement