Inday TrendingInday Trending
Sabi Nila, Ako’y Laos Na

Sabi Nila, Ako’y Laos Na

Tanghaling tapat at pawis na pawis na naglalakad si Jeffrey sa kahabaan ng Ortigas sa pag-asang makahanap ng mapapasukang trabaho.

Isang buwan na ang lumipas magmula nang mapatalsik siya sa unibersidad na pinapasukan. Natanggal kasi ang iskolarship niya noong matalo siya sa isang tournament na sinalihan sa eskwela, kaya naman napilitan na siyang humanap ng trabaho upang makatulong sa kanyang mga magulang.

Pumasok muna si Jeffrey sa isang convenient store upang bumili ng maiinom na tubig. Tirik na tirik kasi ang araw at tagaktak na ang kanyang pawis.

“Hay, ang hirap humanap ng trabaho kapag wala kang maipakitang diploma. Kung sana ay hindi ko na hinayaang manalo si Manuel sa laban namin e baka ngayon ay nag-aaral pa rin ako, at sikat na sa buong Pilipinas,” bulong ng binata sa sarili sabay buntong hininga ng malalim.

Noong nakaraang buwan kasi, napilitang magpatalo si Jeffrey sa nakalabang si Manuel sa larangan ng Boxing. Sakto kasing nagkasakit ang kanyang ina noong mga panahong iyon at kinailangan nila ng malaking halaga sa pagpapagamot dito. Kaya’t nang bigyan siya ng pera pampagamot bilang suhol, wala na siyang nagawa kundi tanggapin ito.

Sayang nga naman dahil kung tutuusin ay hamak galing at lakas ng mga suntok ni Jeffrey kumpara sa binatang si Manuel. Bukod pa roon, gumagawa na ng ingay ang kanyang pangalan nang dahil sa taglay niyang lakas at galing sa pagbo-boksing. Gayunpaman, dala ng kahirapan ay nagawa niyang ipagpalit ang tagumpay.

Habang nilalagok ang malamig na tubig, napansin ni Jeffrey ang isang lalaking hindi mapakali na nakatayo sa harapan ng natatanaw niyang mamahaling restawran. Kanina pa ito lingon nang lingon sa kaliwa’t kanan, tila kinakabahan at para bang may inaabangan.

Maya-maya pa ay naisipan nang lumabas ni Jeffrey upang ipagpatuloy ang paghahanap ng trabaho. Pangako niya kasi sa sarili niya ay kahit ano’ng mangyari’y babalik siya sa pag-aaral para sa kinabukasan ng kaniyang mga magulang.

Habang naglalakad, isang puti at magarang sasakyan ang bigla na lamang tumigil sa harapan ng sosyal na restawran na kanyang dinadaanan. Bumaba rito ang isang ginoo na halatang elitista dahil sa suit and tie na suot at sa mamahaling gintong relo na nasa kanyang braso.

Nagulat na lamang si Jeffrey nang makitang bigla na lamang naglabas ng baril ang lalaking kaninang nakita niyang nagmamatiyag sa harapan ng restawran. Itinutok nito ang baril sa mayamang lalaki, at bigla na lamang nagkagulo ang mga taong nakapaligid sa kanila. Isang malakas na pagputok ang narinig ng lahat.

Naging napakabilis ng pangyayari. Sa isang iglap ay nakita na lamang ni Jeffrey na duguan na ang kanyang braso at katawan. Habang nakahandusay naman sa sahig at walang malay ang lalaking naglabas ng baril kanina.

Nagdatingan ang mga pulis at sinubukan pa siyang posasan, nang biglang magsalita ang mayamang lalaki.

“Hindi, hindi siya. ‘Yong lalaking nakahandusay. Iyan ang sumubok na kumitil sa buhay ko. Pakawalan niyo siya,” utos nito sa pulisya.

Noon lang bumalik sa katinuan si Jeffrey. Sa sobrang bilis kasi ng mga pangyayari’y nawala siya kanina sa sarili. Nang ilabas pala ng lalaki ang baril, agad niyang sinuntok ang lalaki bago pa man nito maitutok ang baril sa kahit na sino. Naiputok ang baril ngunit sa kabutihang palad ay wala ni isa itong tinamaan.

Ang dugo sa kanyang braso at damit ay nagmula sa mukha ng lalaki, na tila ba na knock-out sa lakas ng pagkakasuntok niya.

“Grabe! Bilib ako sa’yo! Ang lakas mo!” malaki ang ngiti ng lalaki habang kinakamayan si Jeffrey.

“Ah… Eh… Nako, dati ho kasi akong boksingero sa eskwela namin. Matagal na ring walang praktis kaya baka iyon ang dahilan kung bakit bigla na lang kumawala ang kamao ko,” pabirong sagot ni Jeffrey.

“Maraming salamat sa pagligtas mo sa aking buhay. Ako nga pala si Mr. Gonzaga,” anito.

Nanlaki bigla ang mata ni Jeffrey. Kaya pala parang pamilyar sa kanya ang hitsura ng lalaki kanina pa.

“Mr. G- Gonzaga?! Iyong sikat na coach sa boxing?!” bulalas ng ‘di makapaniwalang si Jeffrey.

Natawa naman ang lalaki sa reaksyon ng binata.

“Ako nga, hijo. Hindi ko alam kung ano ang iginuhit ng tadhana para sa’tin at ipinagtagpo tayo sa ganitong klaseng sitwasyon. Pero dahil sa ipinamalas mong katapangan at lakas, maaari ba kitang imbitahan sa gym ko? Mag-ensayo ka kasama ko. Gagawin kitang isa sa mga pinakasikat na boksingero sa mundo,” nakangiting sabi ng lalaki.

Hindi makapaniwala si Jeffrey sa nangyayari. Kung kanina’y wala ni isang gustong tumanggap sa kanya sa trabaho, ngayon naman ay isang milyonaryong coach ng boksing na ang nag-aalok sa kanya ng ibang klaseng oportunidad.

Agad na tinanggap ng binata ang alok ng lalaki. Hindi nagtagal, dala ng talento at natural na lakas ng kanyang mga kamao ay nakilala agad siya sa buong Pilipinas bilang isa sa pinakamagagaling na boksingero.

Nang dahil doon, naihaon niya sa kahirapan ang kanyang ama’t ina. Naibili na niya ito ng sariling bahay, hindi lamang isa, kundi dalawa pa!

Talaga nga namang mapagbiro ang kapalaran. Kung minsa’y nasa ibaba ka, sa ‘di inaasahang pangyayari ay biglang nasa itaas ka naman.

Advertisement