Pangarap ng Dalaga na Magkaroon ng Gwapo at Mayamang Boyfriend, Makita Kaya Niya ang Hinahanap Kahit Di Naman Siya Kagandahan?
“Hay, salamat at nagising na ang anak kong napakaganda!” sigaw ni Sonia.
“Inay naman, kay aga-aga nang-aasar na naman po kayo, e!” sabi naman ni Mary Joy.
Tuwing umaga ay ganoon ang bungad ng ina sa anak. Kahit alam nito na di naman kagandahan ang anak na si Mary Joy ay mahal na mahal niya ito at todo puri pa.
“Excited ka na bang pumasok sa klase?” tanong ng ina.
“Oo naman po inay, ako pa ba! Baka doon ko na mahanap ang aking prince charming!”
“Alin, anak iyong guwapo at mayaman?” tanong ng ina.
Pangarap kasi ni Mary Joy na magkaroon ng boyfriend na malayo sa itsura niya. Gusto niya ay guwapo na, mayaman pa. Pero sa tuwing sinasabi niya iyon sa ina ay napapailing na lamang ito.
“Anak naman, hindi ba masyadong mataas ang pangarap mo?”
“Inay, kung mangangarap na rin lang ako, taasan ko na. Wala namang imposible di po ba?” aniya.
“Hay naku, bahala ka. Basta unahin mo muna ang pag-aaral mo ha?”
“Siyempre naman po!”
Sa unang araw ng klase ay hindi magkamayaw ang mga estudyante sa paghahanap ng classroom. Si Mary Joy naman ay abala sa paghahanap ng kanyang future boyfriend.
Habang naglalakad siya papunta sa papasukang klase ay may nakita siya na agad niyang ikinatuwa at ikinakilig. Dumaan kasi sa harap niya ang isang guwapong binata. Lalaking-lalaki ang porma nito at pinagtitinginan din ng mga babaeng estudyante na nakakasalubong nito.
“Ang guwapo at mukhang mabango!” malakas niyang sabi.
Nang biglang may nagsalita sa likuran niya.
“Ang guwapo at ang kisig talaga ni Bernard ‘no!” wika ng isang babae.
“Oo nga, balita ko mayaman din iyan. Siya ang anak ng dating presidente ng unibersidad na ito.”
“Talaga?” sabi naman ng isa pang babae.
“Oo besh, kaya suwerte ang magiging girlfriend niya.”
Dahil sa narinig ay nagkaroon ng pag-asa si Mary Joy na matupad ang kanyang pangarap.
“Mukhang siya na ang itinadhana para sa akin. Siya na ang dreamboy ko at meant to be para sa akin!” wika niya sa malakas na tono.
“Di niya namalayan na narinig pala siya ng isa sa mga babae na nasa likuran niya.
“Aba, napaka-ambisyosa mo naman girl! Tignan mo nga muna ang sarili mo, di ka naman kagandahan at ang taba mo pa. Paano ka magugustuhan ni Bernard?”
“Mabuti pa itulog mo na lang ang pangarap mo, ”neng!” gatol pa ng isang babae.
Saka sabay-sabay na umalis ang dalawang babae.
Hindi naman nagpaapekto si Mary Joy sa sinabi ng mga mahadera.
“Akala mo kay gaganda, tadtad lang naman ng make up ang mga mukha, pwe!” aniya.
Nang pumasok siya sa classroom kung saan ang unang klase niya ay nagulat siya dahil naroon din ang guwapong lalaking nakita niya kanina. Nagmamadali siyang umupo sa tabi nito at nagpakilala.
“Hi, ako si Mary Joy, ikaw?”
“Hello, I’m Bernard!”
“Nakita na kita kanina. Magkaklase pala tayo.”
“Oo nga, e.”
Lumipas ang mga araw at naging malapit na agad ang dalawa sa isa’t isa. Umepek ang karisma ni Mary Joy sa binata. Palagi rin niya itong tinutulungan sa mga homeworks nito. Matalino kasi ang dalaga kaya siya ang tanungan ng mga kaklase kapag nahihirapan o may hindi maintindihan sa pinag-aralan nila.
“Thank you sa lahat, ha?” sabi ni Bernard sa kanya matapos niya itong turuan sa Science.
“Palagi mo na lang akong tinutulungan sa mga homeworks natin. Nahihiya na ako sa iyo.”
“Ano ka ba, wala iyon at saka hindi ka naman mahirap turuan, e!”
Mayamaya ay biglang may napansin si Mary Joy.
“O bakit hindi mo pa natatapos iyang pinagagawang essay ni Ms. Corpuz tungkol sa tipo mong babae?”
Ang tinutukoy niya ay ang pagsulat nila ng sanaysay tungkol sa ano ang tipong lalaki at babae. Ang weirdo ng tema pero nagustuhan naman iyon ng mga estudyante ng nasabing guro.
“Hindi ko kasi alam kung paano sisimulan,” sabi ng binata.
“Ano ba ang tipo mong babae, Bernard?” tanong niya rito.
“Simple lang naman ang gusto ko, siyempre gusto ko matalino, iyong lumaki sa disente at maayos na pamilya at ang pinakaimportante ay iyong may magandang kalooban. Iyong tipong kayang dalhin ang sarili niya. Hindi ako masyadong mahilig sa magaganda.”
“Ang lahat ng qualities na iyan ay nasa girlfriend mo?” tanong niya sa binata.
“Wala akong girlfriend,” sagot nito.
Lihim na natuwa si Mary Joy sa sinabi ng binata. Nalaman niya na wala pala itong girlfriend kaya mas lalo siyang nagkaroon ng pag-asa rito.
Dahil doon ay palagi na siyang nag-aayos ng sarili. Natuto siyang maglagay ng make up sa mukha at magpahid ng lipstick sa labi na hindi naman niya dating ginagawa.
Isang umaga, nang pumasok siya sa klase ay agad siyang napansin ni Bernard.
“Mary Joy, ikaw ba iyan? Ang ganda mo ngayon, a!” manghang sabi nito.
“Wala ito, naisipan ko lang na mag-ayos.”
Mayamaya ay may itinanong ito sa kanya…
“May boyfriend ka na ba?”
“A, e naku wala naman nagkakamali sa akin ‘no! Saka mas priority ko ang pag-aaral.”
“E, puwede ka naman bang ligawan?”
Biglang kinilig si Mary Joy sa tanong ni Bernard ngunit hindi nagpahalata.
“Hmm…s-siguro…” aniya.
Nang sumunod na araw ay nakita niya ang binata na may kausap na magandang dalaga. Naghaharutan at nagtatawanan pa ang dalawa. Ang pag-asa ni Mary Joy sa puso ng binata ay tila naglaho sa isang iglap lang.
Naisip niya na hindi totoo ang sinabi nito na wala siyang girlfriend at ang tipong babae ay simple kahit di kagandahan, ngunit nakita niya na may girlfriend pala ito na maganda na at mukha pang mayaman. Napagtanto niya na kahit kailan ay hindi siya magugustuhan ni Bernard kaya sinimulan na niya itong iwasan.
Nang makita siya ng binata ay agad itong lumapit sa kanya.
“Mary Joy, napapansin ko na parang iniiwasan mo ako?” May problema ba tayo?”
Sa hindi niya malamang dahilan ay hindi niya napigilan ang sariling komprontahin ang binata.
“Bakit ka nagsinungaling?”
“What do you mean?”
“Ang sabi mo wala kang girlfriend? Sabi mo hindi ka mahilig sa maganda?”
Lalong naguluhan si Bernard.
“Teka, ano bang ibig mong sabihin?”
“Nakita kita nung isang araw na may kasama kang babae, maganda at seksi at naglalandian pa kayo!” bulgar niya.
Hindi napigilang matawa ng binata sa mga sinabi niya.
“O bakit ka natawa?”
‘E, kasi hindi ko naman girlfriend ang nakita mo. Siya si Sheryn, pinsan ko! Dito rin siya nag-aaral. Matagal kaming hindi nagkita, close talaga kami at para ko na siyang kapatid,” bunyag ng binata.
Napahiya ang dalaga. Pinsan lang pala niya ang kasama ng binata.
“Bakit, nagseselos ka ba?” anito.
“H-hindi ‘no! Bakit naman ako magseselos?”
“Wala ka talagang karapatang magselos… Dahil sayong-sayo lang ang puso ko!”
“A-ano?”
Nagulat si Mary Joy. Bigla siyang nabingi sa pasabog na iyon ni Bernard.
“Matagal ko nang gustong sabihin sa iyo na mahal kita, ngayon lang ako nagkalakas ng loob. Matagal na rin kitang gustong ligawan kaso sabi mo mas priority mo ang pag-aaral mo.”
Hindi makapaniwala ang dalaga na may pagtangi rin pala sa kanya ang binata. Ang inakala niyang prince charming na sa panaginip lang niya matatagpuan, sa isang iglap ay natutunan din pala siyang mahalin.
“Ano, maaari na ba kitang ligawan?” tanong nito.
“Oo naman! Choosy pa ba ako?” masayang sagot ng dalaga.
Masuyo siyang niligawan ng binata hanggang sa sinagot niya ito. Ipinakilala rin nila ang isa’t isa sa mga magulang nila. Nalaman ng dalaga na kahit mayaman ang pamilya ng binata ay hindi tumitingin ang mga ito sa estado ng pamumuhay.
Naging malapit din ang binata sa nanay niya na botong-boto naman sa kaniya bilang nobyo ng dalaga. Naging inspirasyon nina Mary Joy at Bernard ang nararamdaman nila sa isa’t isa para makapagtapos ng pag-aaral at matupad ang mga pangarap nila sa buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!