Inday TrendingInday Trending
Saksakan ng Balimbing ng Babaeng Ito sa Tuwing Mag-aaway ang Magkakaibigan, Pahiya Siya nang Magkaharap-harap Sila

Saksakan ng Balimbing ng Babaeng Ito sa Tuwing Mag-aaway ang Magkakaibigan, Pahiya Siya nang Magkaharap-harap Sila

Simula pa hayskul ay magkakaibigan na ang apat na babaeng sina Danica, Jane, Judith, at Dianne. Kaya naman noong nagtapos sila ay naisipan nilang sa iisang unibersidad pumasok upang hindi sila kaagad magkahiwa-hiwalay.

Maganda ang samahan nilang apat. Bukod sa pagkakaibigan, nagtutulungan din sila sa kanilang pag-aaral. Pare-pareho rin kasi ang kursong kanilang kinuha na Business Administration kaya naman sa iisang building lang din sila naglalagi.

Isang araw, bigla na lamang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan si Danica at Dianne. Sa labis na inis ni Dianne, agad niyang kinausap sa telepono ang kaibigang si Judith upang maglabas ng sama ng loob.

“Judith! Grabe si Danica kanina. Aalis kasi kami dapat papuntang mall upang bilhin ang mga kailangan sa project natin. Isang oras na akong naghihintay, ‘yon pala e tulog pa!” hinaing ni Dianne sa kaibigan.

“Talaga? Bwisit naman! Alam mo? Ganoon din ‘yon sa’kin e. Nakakainis nga. Palagi na lang pa-espesyal. Gustong palaging siya ang hinihintay,” gatong ni Judith.

Nang gumaan na ang loob ni Dianne matapos makapaglabas ng sama ng loob, nagulat si Judith nang maya-maya ay tumunog na naman ang kanyang cellphone.

~ Danica calling ~

“Judith! Alam mo ba? Si Dianne kanina, napakasama ng ugali! Alam naman niyang working student ako. Ngayon lang naman ako hindi nakatupad sa usapan, e galit na galit na!” reklamo ni Danica.

“Talaga ba? Nako! Ganoon ‘yon e. Nakakainis ‘no? Hindi marunong umintindi. Palibhasa anak mayaman, kaya lahat ng oras niya ay sa pag-aaral lang nakatuon,” gatong naman nito kay Danica.

Sa tuwinang may ganoong hindi pagkakaintindihan ang magkakaibigan, imbis na pag-ayusin ni Judith ang kanyang mga kaibigan ay gumagatong pa ito para lamang siya ang lumabas na mabuting kaibigan.

“Hay nako, puro sila away. Mabuti nang walang kinakampihan,” bulong ni Judith sa sarili.

Isang araw, tinawagan ni Jane si Judith. Totoong sa kanilang apat ay si Judith ang kanilang takbuhan sa tuwing may hindi pagkakaintindihan. Siya kasi ang pinakamatanda sa kanilang apat at tinuturing nilang ate ng kanilang barkada. Sa tuwing magkukwento sila kay Judith ay gumagaan ang kanilang loob dahil madalas silang kampihan nito.

“Nakakainis na talaga si Danica. Hiniraman ako ng pera. Ang sabi niya, isasauli niya agad. Ngayong sinisingil ko na, may sakit naman daw ang mama niya,” kwento ni Jane kay Judith.

“Huwag ka na kasing magpapa-utang doon! Ganoon talaga ang ugali nun e. Kung pwede nga lang alisin na siya sa grupo natin ay matagal ko nang ginawa,” gatong ni Judith.

“Grabe ka naman! Hindi naman sa ganoon. Gusto ko lang naman na matuto siyang mag-ipon. Napapansin ko kasing sa tuwing may extra siyang pera e kung saan-saan niya ginagasta,” paliwanag ni Jane.

“Hindi e! Hindi na natuto. Nako, bahala siya,” sagot naman ni Judith.

Isang semestre ang lumipas at ganoon palagi ang sitwasyon ng magkakaibigan. Unti-unti ay hindi nila namalayang nagkakawatak-watak na ang kanilang samahan. Napapadalas na kasi ang bangayan ni Dianne at Danica, na madalas namang palihim na gatungan ni Judith. Agad itong napansin ni Jane, kaya naman naisipan niyang harap-harapan silang mag-usap lahat.

“Girls, pansin kong nagkakawatak-watak na tayong lahat. Please, pumunta kayo sa dating tagpuan mamayang alas tres ng hapon. Aasahan ko kayong lahat,” text ni Jane sa kaniyang mga kaibigan.

Alas tres na ng hapon at dumating na ang lahat maliban kay Danica. Ngunit makalipas ang sampung minuto ay dumating rin naman agad ito.

“Ayan ang sinasabi ko! Kapag may pinag-usapang oras, hindi ka dumarating! Pa-espesyal kang masyado!” panimulang puna ni Dianne kay Danica.

“Ha? Alam niyo namang galing ako sa trabaho, hindi ba? Judith, naiintindihan mo ako, ‘di ba? Palibhasa kasi saksakan ka ng yaman, Dianne!” sagot ni Danica na halatang pawis na pawis sa pagmamadaling makarating.

“Naiintindihan? Judith, hindi ba sa iyo na nanggaling na talagang nakakainis na ang ganyang ugali ni Danica?” baling ni Dianne kay Judith.

Hindi makapagsalita si Judith. Ngayong kaharap na niya ang dalawa, hindi na niya alam kung sino ang kakampihan. Nakatingin na sa kanya ang tatlo at nag-aabang ng kanyang sasabihin.

“Ano? Bakit hindi ka magsalita? Sa tuwing may problema, ikaw ang kausap ko ah? Ikaw ang nakakaalam ng lahat!” sigaw ni Dianne kay Judith.

“Tama na! Alam ko na ang pinagmulan ng gulong ito. Diyos ko!” buntong hininga ni Jane.

“Ikaw, Judith? Napansin ko lang ha? Bakit saksakan ka ng balimbing?” wika ni Jane dito. Nanlaki naman ang mata ni Dianne at Danica, pareho silang buong akala ay sila ang kinakampihan ng dalaga.

“Ah… eh… Ewan! Puro kasi kayo away!” sigaw ni Judith.

Talaga namang hindi maiiwasan ang awayan lalo na’t kung matagal na kayong magkakaibigan. Iyon ang paliwanag ni Jane kay Judith, ngunit nagmatigas itong tama lamang ang kanyang ginagawa.

Patuloy na nagsigawan ang apat. Lahat sila ay may kanya-kanyang puntong gustong ikatwiran at ipaglaban. Maya-maya ay tila ba napagod na ang apat sa pagbuka ng mga bibig nila.

Para bang isang anghel ang dumaan at nagpamulat sa kanilang mga mata.

“Sorry! Sorry na! Ayokong magkawatak-watak tayo. Huwag na tayong mag-away, please!” iyak ni Judith habang nakaluhod sa harap ng tatlo niyang kaibigan.

Sabay-sabay namang nag-iyakan ang tatlo nang marinig si Judith. Lahat sila’y nanghingi na rin ng tawad sa isa’t-isa. Nagyakapan sila at nangakong simula noon, kapag nagkaroon ng problema sa isa ay sasabihin na kaagad ng harapan upang agad itong maayos at maaksyunan.

Nangako rin si Judith sa kanyang sarili na hinding-hindi na magiging balimbing upang mapanatili ang magandang samahan nilang apat. Simula noon ay mas pinagtibay pa ang kanilang pagkakaibigan. Kailanma’y hindi na naulit ang ganoong eksena dahil sa pagbabago ng ugali nilang apat.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement