Inday TrendingInday Trending
Para Magpasikat sa Boss ay Sinisiraan ng Dalaga ang mga Katrabaho, Sa Huli ay Lumabas Din ang Kanyang Baho

Para Magpasikat sa Boss ay Sinisiraan ng Dalaga ang mga Katrabaho, Sa Huli ay Lumabas Din ang Kanyang Baho

Swerte na kung tutuusin ang pagkakatanggap ni Evelyn sa kanyang trabahong pinapasukan ngayon. Nakapagtapos lang naman kasi siya ng kolehiyo dahil ginawa niyang nobyo ang matandang propesor niya. Pagkatapos na pagkatapos makuha ang kanyang diploma ay agad niya itong hiniwalayan.

Madalas gawing usap-usapan ang dalaga sa kanyang eskwelahan dati dahil sa mga gawain nito. Sa mga diskarteng nakakakilabot, at sa mga mapanlamang na gawain. Madalas ay naninira rin ito ng mga kaklase para lamang umangat sa kanila. Kaya naman hindi nakapagtataka na naidala niya ang ganoong gawain pagdating sa kanyang unang trabaho.

Dahil maganda at seksi ang dalaga, halos lahat ng gusto niya ay kanyang nakukuha. Tulad na lamang noong interview sa kanyang trabaho. Isang lalaking hindi kagwapuhan ang nag-interview sa kanya. Kahit walang laman ang utak, ginamit na lamang niya ang mga pang-uuto at pang-aakit para lamang makuha ang inaasam na posisyon. Naging matagumpay naman agad ang dalaga dahil natapos ang araw na iyon at mula sa sampung aplikante ay siya nga ang napiling tanggapin ng nasabing kompanya.

Naging maayos ang dalawang unang buwan ng dalaga sa kanyang trabaho. Dahil mababait ang kanyang mga katrabaho, mabilis niya itong nakasundo. Ngunit nag-iba ang lahat nang may inanunsyo ang kanilang boss.

“Ladies and gentlemen, magkakaroon tayo ng promotion. Oobserbahan ko ang performance ng lahat sa inyo. Galingan ninyo!” wika ni Sir Edmond.

Dahil sa malaking dagdag sa sahod na umaabot sa labinlimang libong piso, naging pursigido si Evelyn na makamit ang promotion.

“Fifteen thousand pesos ang dagdag? Edi aabot na sa mahigit kwarenta mil ang sasahurin ko. Ayos!” bulong nito sa sarili.

Marami ang magagaling na katrabaho ni Evelyn. Kung pagalingan, patalinuhan, at paramihan ng alam sa kanilang trabaho ay burado na agad si Evelyn sa listahan. Ngunit isang plano ang agad dumapo sa isip niya upang makamit ang inaasam-asam na promotion.

Kinabukasan, maagang pumasok si Evelyn upang makapagpasikat sa kanyang boss. Tuwang-tuwa naman siya nang makitang siya ang unang dumating sa opisina.

“Ayos!” bulong niya sa sarili habang nagkukunwaring may importanteng gagawin sa kanyang computer.

Maya-maya ay dumating na rin ang iba pa niyang kasama. Nang mapansing dumaan ang kanilang boss ay agad itong nagparinig, “ano ba naman kayo? Bakit hindi niyo ako gayahin? Maagang dumarating para maaga ring makatapos sa mga gawain!”

Ilang araw ang lumipas at ganoon pa rin ang gawain ng dalaga. Madalas ay siraan niya pa ang mga kasamahan upang maka-angat sa kanila. Gumawa rin ito ng tsismis upang mag-away-away ang ilan sa mga ito.

“Angel! Alam mo ba? Sabi sa akin ni Gina, ang gaspang daw ng ugali mo? Napansin kong hindi naman e. May sama ba ng loob sa’yo ‘yon? Bakit ka sinisiraan?”

Maya-maya ay sa iba naman siya makikipag-usap.

“Jenny! Alam mo ba? Pinagkakalat ni Tanya na may kabit ka raw sa isa sa mga boss natin kaya naman nakapasok ka rito.”

Ganoon ang naisip niyang estilo sa mga babaeng katunggali. Ibang-iba naman sa mga kalalakihan. Isa-isa niya itong nilalandi, at sinubukan pang ikama ang ilan. Naiisip niya ay maganda itong paraan upang ma-distract ang mga lalaki sa kanilang trabaho. Talagang ibinigay niya ang lahat-lahat para lamang sa promotion na iyon.

Dumating na ang araw na kanilang pinakahihintay. Ipinatawag na ang lahat upang inanunsyo. Tuwang-tuwa naman si Evelyn dahil napansin niyang karamihan sa mga kasamahan niya ay bihira na lamang pumasok sa trabaho gawa ng mga pinakalat niyang tsismis.

“Evelyn Marie Achacoso, halika rito sa harap,” wika ni Sir Edmond.

Taas noo namang lumapit ang dalaga upang tanggapin ang kanyang promotion.

“Sir, maraming salamat po! Mabuti naman at napansin mong ako lang ang nagtatrabaho ng maigi sa kanila. Puro sila issue!” paninirang-puri pa rin ang sagot nito.

“Bakit ka nagpapasalamat? Tinawag kita upang i-anunsyo ang pagkatanggal mo sa trabaho. Akala mo ba ay maiisahan mo ako? Ang kompanyang ito ay hindi gaya ng unibersidad na pinasukan mo noong kolehiyo. Bukod sa reklamo ng propesor mo noon, nakarating rin sa akin ang samu’t-saring balita na kung ano-ano ang mga ginagawa mo para lamang siraan ang mga kasamahan mo,” wika ni Sir Edmond.

“Ha? Si- sir! Wala pong gano…” hindi na natapos ni Evelyn ang kanyang sinasabi nang sumabat si Edmond.

“Lumabas ka na! You’re fired! Walang puwang ang kagaya mo sa kompanyang ito!” sigaw ng lalaki.

Wala nang nagawa ang dalaga. Habang naglalakad siya papalabas ng kanilang opisina, lahat ay nagbubulong-bulongan habang siya ay pinag-uusapan. Hinding-hindi niya malilimutan ang araw na iyon.

“Kung gusto mong umusad sa buhay, magbago ka na hangga’t maaga pa. Bata ka pa, Evelyn. Huwag mong sayangin ang iyong buhay,” payo ni Gina sa kanya.

Magmula noon, isinapuso ni Evelyn ang sinabi ng kanyang katrabaho. Sinubukan niyang magbagong-buhay at tinigilan na ang paninira sa kapwa para lamang makalamang. At sa gulat niya, tunay ngang epektibo iyon. Natanggap siya sa isa pang kompanya, at unti-unti ay tumaas rin ang posisyon niya. Ipinangako niya sa sarili na kailanma’y hindi na uulit sa mga masamang gawi niya noon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement