Inday TrendingInday Trending
Nakakabilib na Ipinagsama ng Lalaki ang Dalawa Niyang Misis sa Iisang Bubong, Ano Kayang Kahihinatnan ng Tatlo?

Nakakabilib na Ipinagsama ng Lalaki ang Dalawa Niyang Misis sa Iisang Bubong, Ano Kayang Kahihinatnan ng Tatlo?

Ilang taon nang kasal si Ricardo kay Maricar nang dalhin niya sa kanilang bahay ang kanyang babaeng si Tonya. Hindi maiwasang pagtsismisan ang kakaibang set-up ng kanilang pamamahay dahil hindi naman normal ito kumpara sa iba nilang kapitbahay. Karamihan din sa mga ito ay namamangha at nagtataka kung paano napapayag ni Ricardo ang dalawang babae na magsama sa iisang tahanan.

“P’re! Ang lupit ni Mang Ricardo, ano? Sa edad niyang kwarenta e dalawa pa ang nabingwit,” kwento ng kapitbahay sa isa pang kapitbahay.

“Kaya nga e. Pa’no kaya niya nagawa iyon?” sagot ng isa.

“Nako! Kayo, baka naman iniidolo niyo pa iyon. E hindi natin alam kung paano sila sa loob ng bahay,” sabat ng ina ng isa.

Maraming kalalakihan ang bilib dahil matinik daw si Ricardo sa babae. Hindi lang nila alam kung paano nakikitungo ang dalawang misis nito sa loob ng kanilang tahanan.

“Ricardo! Kanina ka pa nakadikit diyan kay Tonya. Dito ka muna sa akin tumabi ngayong gabi,” painis na sabi ni Maricar.

“O, bakit? Lunes naman ngayon ah? Akin si Tonyo ngayon!” sagot ng isa.

Tuwang-tuwa naman si Ricardo na marinig ang dalawang pinag-aagawan siya.

“Mag-aaway na naman ba kayo? Mamili kayo, mag-aayos kayo o aalis na lang ako?” mayabang na tanong ni Ricardo sa dalawa.

Natahimik na lamang sila dahil alam nila sa kanilang mga sarili na hindi nila kayang iwan sila ng lalaki.

Kinabukasan, umalis si Ricardo upang makipag-inuman sa kanyang kaibigan. Naiwan ang dalawa niyang misis sa kanilang tahanan.

“Hoy, Tonya! Kailan ka ba makiki-apid dito sa amin? Ako ang nauna!” wika ni Maricar.

“Ano? Ikaw nga ang nauna, pero naisip mo ba kung bakit naghanap pa ng iba si Ricardo? Baka kulang ka!” natatawang sagot ni Tonya.

“May araw ka rin!” matapang na sagot ni Maricar.

“Nag-aaway pa kayong dalawa, e pareho naman kayong nagpapaloko kay Ricardo. Mga hunghang!” wika ng isang matandang boses.

Nagulat ang dalawa nang makitang isang matandang babae ang pumasok sa kanilang pamamahay.

“Sino ho kayo? At anong ginagawa ninyo rito?” tanong ni Tonya.

“Sino ka? Bagong babae na naman ni Ricardo? Aba’y bumababa na ang standards niya ha!” singhal ni Maricar.

“T*nga! Itikom mo nga iyang bibig mo. Ako ang nanay ng lalaking pinag-aagawan ninyo,” sagot ni Nanay Cely.

Napahiya naman si Maricar. Bigla itong lumapit at humingi ng paumanhin, lumapit rin si Tonya upang kunin ang kamay ng matanda at nagmano.

“Ano bang ipinakain sa inyo ni Ricardo at pumapayag kayong ganito ang sitwasyon niyo?” nagtatakang tanong ni Nanay Cely sa dalawa.

Parehong hindi makasagot ang dalawa. Sa totoo lang ay hindi nila alam ang sagot. Parehong maganda ang dalawa, pareho ring nakapagtapos ng pag-aaral at may magagandang trabaho. Kaya naman talagang nakapagtataka.

“Ikaw, Maricar. Labis kang iginagalang sa eskwelahan ninyo bilang punong guro. Sa edad mong trenta ay naging principal ka na sa inyong eskwela. Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag nalaman nilang isinisiksik mo ang sarili mo sa isang bahay kasama ng isa pang babae ng asawa mo?”

“At ikaw naman, Tonya. Maganda ka, batang-bata. Matagumpay ka rin sa iyong buhay. Bakit sa dinami-dami ng lalaki ay ito pang may sabit ang napili mo?”

“Kayong dalawa, bakit kayo nagpapa-uto sa anak ko? Hindi porket anak ko siya ay kakampihan ko na siya. Hindi ko maatim na nagagawa niyang pahirapan ang puso ng dalawang babaeng bukal ang pagmamahal sa kanya,” pagpapatuloy ng matanda.

Natahimik ang dalawa na tila ba natauhan sa mga sinabi ng matanda.

“Mag-isip-isip kayo. Hindi pa huli ang lahat,” wika nito sabay labas ng bahay.

Naiwan ang dalawa na nakatahimik lamang na para bang malalim na nag-iisip. Maya-maya ay tumayo na si Tonya at dumiretso sa kanyang kwarto. Paglabas nito ay dala-dala na niya ang lahat ng kanyang gamit, na ikinagulat naman ni Maricar.

“Saan ka pupunta?” tanong nito.

“Maricar, mapatawad mo sana ako sa panghihimasok ko sa inyong mag-asawa. Patawad kung ngayon lang ako natauhan. Ngayon ay malinaw na sa akin na hindi tama ang aking ginagawa. Mabuti na lamang at napakabait mo,” paalam ni Tonya. Niyakap niya ng mahigpit si Maricar bago ito umalis.

Napatulala na lamang si Maricar, nang biglang dumating ang galit na galit na si Ricardo.

“Nasaan na si Tonya? Pinalayas mo ba? Bakit, pamamahay mo ba ito?” sigaw ng lalaki.

Dala ng labis na pagkapuno ng tipan ng babae, sa wakas ay sinagot na niya ang mister.

“Ano? Pinalayas? G*go! Natauhan na! T*ngina mo! Pinaikot mo kaming dalawa sa mga kamay mo. Akala mo naman e napaka-gwapo mo. Parati ka pang nakasigaw. Umalis siyang mag-isa!” sagot ni Maricar.

“Lumalaban ka na? Ang tapang mo ah!” sagot ni Ricardo.

“Oo! Maraming salamat sa nanay mo, dahil hindi lang si Tonya kundi pati ako ay natauhan na! Aalis na ako! Manigas kang mag-isa mo rito!”

Tila namutla si Ricardo sa kanyang narinig.

“Nanay ko? Anong kinalaman ng nanay ko rito?” tanong nito.

“Nagpunta siya rito kanina! Para siguro matauhan na kaming dalawa sa katangahan namin sa iyo. Hindi kami mga damit na pagsasalit-salitan mo araw-araw!” sagot ng nag-eempakeng si Maricar.

“Matagal nang pumanaw si nanay, kaya huwag mo akong pinaglololoko!”

Kahit kinilabutan si Maricar ay itinuloy na niya ang pag-eempake. Umalis siya kahit halos lumuhod na sa kanyang harapan ang mister. Kahit masakit sa kanya, labis siyang natauhan sa mga sinabi sa kanya kanina ni Nanay Cely. Dumiretso siya sa bahay ng kanyang ina.

Si Tonya naman ay umuwi na sa sarili niyang bahay at ipinagpatuloy ang magandang nasimulan sa kanyang trabaho. Makalipas ang ilang taon ay nakahanap nga siya ng lalaking tunay na magpapasaya sa kanya.

Si Maricar naman ay lumipat sa isang unibersidad at nagtuturo na bilang propesora. Labis siyang ginagalang ng lahat, at hindi rin nagtagal ay isang lalaki rin ang nagpatibok ng kanyang puso. Madalas ay ipinagdarasal niya ang kaluluwa ni Nanay Cely na tumulong sa kanilang matauhan mula sa kanilang mga katangahan.

Ang mga lalaking nakilala ng dalawa ay ibang-iba sa makasariling si Ricardo. Naramdaman ng dalawa sa mga bago nilang nobyo na sila ay prayoridad at kailanma’y hindi ipagpapalit kanino man.

Habang masayang-masaya ang dalawang babae sa kanilang buhay, miserableng namumuhay mag-isa si Ricardo. Ang bali-balita ay napakahilig pa rin nitong mambabae, ngunit wala nang pumapatol sa kanya magmula nang malugi ang kanyang pinabayaang negosyo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement