Inday TrendingInday Trending
Hindi Ko Naman Sinasadya

Hindi Ko Naman Sinasadya

“Berting! BEEERRRTIIIINGGG!”

Umagang-umaga ay umaalingawngaw sa bahay ng pamilya Delos Santos ang pagbubunganga ng ilaw ng tahanan na si Mercidita. Alas otso ng umaga nang dumating ang magpuputol ng kuryente sa kanilang bahay dahil dalawang buwan na silang hindi nakakabayad.

“Ano?! Anong plano mo? Diyos ko, Berting! Ilang buwan ka nang walang trabaho! Maawa ka naman sa katawan ko. Ilang bahay ang aalukin ko ng paglalaba ng damit nila para lang matustusan ang mga pangangailangan natin?!” sigaw ni Mercidita sa mister na si Berting.

Dati kasing OFW itong si Berting. Halos limang taon din siyang namasukan bilang isang construction worker sa Hong Kong. Ngunit nang magkaaberya sa tinatayong building doon, isa siya sa dalawampung kataong natanggal dahil sa kanila ibinaling ang sisi nang dahil sa pagguho ng nasabing gusali.

“Sino ba kasing nagsabi na ipautang mo ang perang inipon ko noong nagtatrabaho pa ako? Matigas kasi ang ulo mo, Mercidita. Tapos ngayon, sa akin ang lahat ng sisi nang hindi magsipag-bayad ang mga pinagkatiwalaan mong tao!” sagot ng kakagising pa lang na si Berting.

“Aba! Ako pa ang may kasalanan? Tapos na ‘yon e! Oo, na-goyo ako. Pero nakalipas na iyon, Berting! At nakalipas na rin ang ilang buwan na hindi ka man lang humahanap ng trabaho!” sagot ni misis.

Katunayan, palihim na naghahanap ng trabaho itong si Berting. Hindi naman kasi siya sanay na sa misis niya nakaasa sa pagtaguyod sa kanilang munting pamilya. Ngunit kahit anong hanap niya’y hindi siya tinatanggap sa anumang subukang trabaho nang dahil sa record niya sa nakaraang trabaho.

“Mamaya, pagkatapos kong maglako ng kakanin, susubukan kong makahiram sa kaibigan ko para may ipambayad sa kuryente. Ang intindihin mo na lang ay ang pang matrikula ni Jenny,” bilin ni Mercedita habang inihahanda ang mga ilalako niyang kakanin mamaya.

Papasok na kasing hayskul ang kanilang panganay kaya’t pinipilit na niya ang asawa na magbanat na ng buto.

Nang makaalis ang kanyang misis, nag-isip ng malalim itong si Berting.

“Sa huling pagkakataon, susubukan ko uling mag-apply ng trabaho. Pero kung hindi talaga palarin, hay nako… Patatawarin,” bulong nito sa sarili.

At ganoon na nga ang nangyari. Walong oras na paikot-ikot itong si Berting sa Maynila upang humanap ng mapapasukang trabaho, ngunit sa tuwing ipakikita niya ang kanyang record ay kaagad siyang tinatanggihan ng mga ito.

“Diyos ko, patawarin Niyo ako. Mukhang ito na nga lang ang paraan para tumigil na sa kakabunganga ang misis ko,” bulong niyang muli habang inihahanda ang sarili sa masamang bagay na plano niyang gawin mamayang gabi.

Isang baranggay lamang mula sa kanilang lugar, isang matandang babae ang mag-isa na lamang na naninirahan sa kanyang tahanan. Bali-balitang marami itong kayamanang itinatago sa kaniyang bahay dahil noong dalaga pa’y malakas ang kita ng matandang negosyante. Regular din daw itong pinadadalhan ng mga anak niyang may kani-kaniya nang pamilya kaya naman nakakasiguro si Berting na marami siyang makukubra kapag ang bahay ng matanda ang pinasok niya.

Alas onse ng gabi at tagaktak ang pawis ni Berting. Hinintay niyang makatulog ang kanyang mag-iina bago ihanda ang itim na jacket na isusuot sa kanyang planong pagnanakaw. Kabadong-kabado siya dahil ito ang unang beses na gagawa siya ng kalokohan.

“O Diyos Ko, pangako, sa oras na mapagtagumpayan ko itong balak ko, isinusumpa kong ito na ang una at huling beses na gagawin ko ito,” aniya habang tahimik na naglalakad patungo sa bahay ng matanda.

Nang makarating sa tapat ng bahay, laking tuwa niya dahil tulad ng inaasahan ay tahimik na ang buong kapaligiran. Sarado na ang mga ilaw sa mga tabing bahay at tila tulog na ang buong barangay.

Dahan-dahan, inakyat niya ang gate ng matanda. Matapos ay sinilip niya pa ang bintana. Napangiti siya dahil mukhang hindi na siya mahihirapan, bumungad kasi sa kanya ang isang kahon na tila lalagyan ng mga ginintuang alahas.

Ilang minuto lamang ay matagumpay niyang nasungkit at nabuksan ang door knob sa harapang pintuan ng bahay. Limang hakbang lamang at hawak na niya sa kanyang kamay ang kahong minamata. Nang buksan niya iyon ay tama nga siya! Puno ito ng mga ginto at pilak na alahas.

“Ayos, sapat na ito sa ilang buwan naming pamilya. Pagkaubos nito, sigurado namang nakahanap na ako ng trabaho,” bulong niya sa sarili habang dahan-dahang humahakbang palabas ng bahay.

Buong akala niya’y matagumpay na siyang makaka-eskapo, nang biglang isang hampas ng kahoy ang dumampi sa kanyang balikat.

“Hoy! Loko-loko, ibalik mo ang ninakaw mo!” sigaw ng uugod-ugod na matanda.

Nanlaki ang mata ni Berting. Ang tanging nasa isip niya ay hindi siya maaaring magpahuli sa mga pulis dahil lalong malulugmok sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Inagaw niya ang tungkod na inihampas sa kanya. Sa pag-agaw, hindi sinasadyang mawalan ng balanse ang matanda at bigla na lamang itong sumalampak sa sahig nang dahil sa pagkakadulas.

“Lola! Ang ulo ninyo!” sigaw ni Berting nang makitang tumama ang ulo ng matanda sa kanto ng isang lamesang gawa sa narra. Umaagos ang dugo at wala nang malay ang matanda. Dumaan sa isip niyang magandang pagkakataon na iyon upang tumakas at maiuwi na ang ninakaw na mga alahas.

Ngunit nangibabaw ang konsensya kay Berting. Isang sulyap kasi sa matanda ay bigla niyang naalala ang kanyang yumaong ina. Binuhat niya ang matanda at isinakay ng traysikel upang maisugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Matapos ang ilang oras na gamutan, nailipat na sa isang pribadong kwarto ang matanda. Madam Celia pala ito kung tawagin sa kanilang lugar.

Nilamon naman ng kanyang konsensiya itong si Berting. Nanganib ang buhay ng matanda nang dahil sa kanya. Nakaupo lamang siya sa tabi ng kama ni Madam Celia habang hinihintay itong magising, upang makahingi siya ng tawad at dispensa sa nangyari.

“Totoy? Bakit hindi ka pa umeskapo noong mga oras na ‘yon?” nagulat si Berting nang marinig na bigla na lamang magsalita ang matanda.

“P- patawarin niyo ho ako. Hindi na ho kinaya ng konsensiya ko na iwan kayo roon mag-isa,” aniya sabay buhos ng luha ni Berting.

“Hijo, naiintindihan ko. Maraming salamat sa pagtulong mo… O siya, humayo ka na. Umuwi ka na sa mag-iina mo. Baka nag-aalala na sila sa iyo,” sabi ni Madam Celia.

“H- hindi niyo ho ako ipakukulong?” gulat na tanong ni Berting.

“Basta ipangako mo sa akin na hinding-hindi mo na iyon uulitin sa kahit na sino. Matakot ka sa Diyos, hijo. Ituring mo na itong pangalawang pagkakataon mo upang mamuhay ng tama,” wika ng matanda sabay abot ng kahon ng mga alahas.

“Huwag ka nang magtanong. Iuwi mo na ‘yan. At umuwi ka na sa inyo. Parating na rin ang mga anak ko kaya’t magmadali ka na,” dagdag pa nito.

Bumuhos ang luha ni Berting. Hindi niya akalain na patatawarin pa siya ng matanda sa ginawa niyang pagkakasala.

Bilang pagtanaw ng utang na loob, sinunod ni Berting ang payo ng matanda at hinding-hindi na siya umulit sa masamang gawain. Bagkus, ginamit niyang pangpuhunan ang pinagbentahan ng mga alahas at nagtayo ng negosyo kasama ng kanyang misis.

Gabi-gabi ay pinagdarasal din niya ang napakabuting matanda na nagpatawad sa kanya. Kung hindi dahil kay Madam Celia, baka hanggang ngayon ay patuloy si Berting sa paggawa ng masama sa kapwa.

Advertisement