Inday TrendingInday Trending
Si Kuya Obet: Ang Idolong Malupit

Si Kuya Obet: Ang Idolong Malupit

Kung may tao mang iniidolo si Resty sa kanyang buhay, iyon ay walang iba kundi ang kanyang Kuya Obet.

Maaga silang naulila sa mga magulang dahil sumakabilang-buhay ang mga ito dahil sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan nila. Si Obet, na siyang panganay na anak, ang umako sa responsibilidad na mapalaki sila nang maayos.

Apat silang magkakapatid, at si Resty ang sumunod dito. Labing isang taong gulang lamang si Resty noon samantalang labing-anim ang kanyang Kuya Obet. Natatandaan niya, pinipilit silang isama ng kanilang Tito Renz sa poder nito, subalit tumanggi ang kanyang kuya.

“Kaya naman po namin, Tito. Huwag po kayong mag-alala. Alam ko po ang pincode ng ATM ni Papa. Ako na pong bahala. Aalagaan ko po nang mabuti ang mga kapatid ko,” matiim na sabi ni Kuya Obet sa kanilang Tito Renz.

“Ganoon ba? Aba’y sige. Kung hindi talaga kita mapipilit, wala akong magagawa sa bagay na iyan. Basta’t huwag kang mangiming tumawag sa akin kapag kailangan mo ng tulong ha?” paalala ng kanyang Tito Renz.

Minsan, pinulong sila ni Kuya Obet.

“Wala na ang Mama at Papa. Tayo-tayo na lang ito. Magtutulungan tayo, okay?” sabi ni Kuya Obet sa kanyang tatlong kapatid. Ang dalawa pa nilang kapatid ay sina Sheena, walong taong gulang, at ang bunso na si Janjan ay limang taong gulang.

“Gusto ko, toka-toka tayo sa mga gawaing-bahay. Gagawa ako ng schedule ng maghuhugas ng mga pinagkainan at maglilinis ng bahay. Sa mga damit naman natin, ako na ang bahala roon. Resty at Sheena, malalaki na kayo, okay? Alagaan n’yo si Janjan. Magtatrabaho ako.”

Tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes ang naging toka ni Resty sa paghuhugas ng mga pinagkainan at paglilinis ng bahay, na ginagawa niya pagkauwi mula sa eskwela. Si Sheena naman ay nakatalaga tuwing Martes at Huwebes, na siya namang nag-aalaga kay Janjan. Si Kuya Obet naman ang bahala tuwing Sabado at Linggo.

Tinuruan din silang dalawa ni Sheena ng kanilang kuya kung paano magsaing, kung paano maglaga ng itlog, kung paano magpakulo ng tubig, at magluto ng iba’t ibang mga pagkain. Si Kuya Obet din ang sumasama sa kanila sa tuwing may enrolment sa paaralan. Lahat sila ay nag-aaral sa pampribadong paaralan.

Hindi rin pumapalya si Kuya Obet sa tuwing kaarawan nila. Tinitiyak nitong may handa sila at makakapagsalo-salo sila. Kaya lang, dumating ang pagkakataong paubos na rin ang perang naiwan ng kanilang mga magulang, kaya nagdesisyon si Obet na huminto sa pag-aaral upang magtrabaho. Kung ano-anong trabaho ang pinasukan nito para lamang magkapera at may maisustento sa kanila.

Minsan, kinakausap sila ng kanilang Kuya Obet.

“Huwag na huwag kayong papayag na may mang-aapi sa inyo. Kapag may nang-away sa inyo, sabihan n’yo lang ako, at akong bahala. Tayo-tayo lang ang magtutulungan,” lagi nitong paalala sa kanila.

Si Kuya Obet nga ang batas sa kanilang pamilya. Kinaya nitong magawa ang tungkulin ng isang ama. Hangang-hanga si Resty sa kanyang Kuya Obet dahil pakiramdam niya, napakalakas nito at walang makakatalo.

Sinabi niya ito sa kanyang kuya habang sila ay naglalaro ng basketball.

“Kuya, idol kita…” puri ni Resty kay Obet

“Ako? Bakit naman?” tanong ni Obet sa kapatid habang nagdi-dribol.

“Eh kasi para ka naming Tatay at Nanay. Hindi ka na nakapag-aral dahil sa amin,” sabi ni Resty kay Obet.

“Ganoon talaga. Tayo-tayo lang naman ang magtutulungan,” laging sinasabi ng kanyang Kuya Obet.

Ang Kuya Obet nila ang kanilang tigapagtanggol. Kapag may nambuska sa kanyang kalaro o siga sa kanto, agad itong sinusugod ng kanilang kuya at nakikipaghamunan ng suntukan. Kaya walang nangangahas na bumiro-biro sa kanila dahil takot sa kanilang kuya.

Nang tumuntong sa Senior High School si Resty, dumoble-kayod si Kuya Obet. Sa umaga, isa itong service crew sa isang fast food chain. Sa gabi naman ay pumapasok ito bilang isang call center agent.

“Kuya, magpahinga ka naman. Baka mapaano ka naman niyan. Wala na nga sina Papa at Mama, susunod ka pa ba?” minsan ay paalala ni Resty sa kuya.

“Sira ‘to. Mas malakas pa ako sa kalabaw, tandaan mo iyan,” sagot sa kanya ni Obet.

Isang araw, naisipan ni Resty na kumain sa fast food chain na pinagtatrabahuhan ng kanyang kuya. Balak niyang sorpresahin ito. Subalit imbes na siya ang magbigay ng sorpresa, siya ang nasorpresa. Nakita niyang pinagagalitan at binubulyawan ng isang customer ang kanyang Kuya Obet!

“Ang tanga-tanga mo naman! Gusto mo bang ipatanggal kita rito? Where’s your manager?! Where’s your manager?!!!”

“Ma’am, sorry po talaga. My fault. My mistake,” nakayukong sagot ng kanyang kuya.

Ang mas ikinagulat pa ng lahat, kinuha ng babaeng customer ang isang basong may lamang iced tea at isinaboy sa mukha ng kanyang kuya. Hindi na nakapagtimpi sa kanyang nasasaksihan si Resty.

“Mawalang-galang na ho, pero wala ho kayong karapatang gawin iyan sa service crew. Mahiya naman po kayo sa sarili n’yo. Mukha pa naman ho kayong mayaman at may pinag-aralan, pero asal-hayop po ang ugali n’yo. Kung may reklamo po kayo sa serbisyo nila, iparating n’yo po sa kinauukulan,” mahinahong sabi ni Resty upang ipagtanggol ang kanyang kuya. Nanlaki naman ang mga mata ni Obet nang makita niya ang kapatid.

“Hoy, wala kang pakialam. Sino ka ba?” mataray na kompronta sa kanya ng babae.

“Wala na ho kayo roon kung sino ako. Isa po akong concerned citizen. Pwede ko pong i-post sa social media ang ginawa n’yo. Gusto n’yo ho bang sumikat at ma-bash?” banta ni Resty sa babaeng customer. Pagkaraa’y tumalikod na siya at tuluyang lumabas sa fast food chain.

Pagkauwi ni Obet, agad niyang kinompronta ang kapatid.

“Anong ginagawa mo sa trabaho kanina? At bakit mo ginawa ‘yon? Hindi kita tinuruang sumagot nang ganoon sa mga nakatatanda…” galit na sabi ni Obet kay Resty.

“Kuya, ipinagtanggol lang naman kita. Hindi ko kayang makita kang sinisigawan at tinatapak-tapakan ng ibang tao! Saka bakit ka pumapayag na ginaganoon ka? Nasaan na yung kuya naming matapang? Nasaan na yung kuya naming malakas ang loob? Bakit hindi mo ipinakita iyon kanina?” naiiyak na sabi ni Resty sa kapatid.

“Resty, bahagi iyon ng trabaho ko. Sa una pa lang, inaasahan ko nang mangyayari talaga ang mga ganoon. Kaya kong magsakripisyo para hindi ako mawalan ng trabaho. Para sa inyo. Dahil mahal ko kayo!”

Napayakap si Resty sa kanilang Kuya Obet. Yumakap na rin ang nagulat na si Sheena, na naiyak na rin. Ganoon din si Janjan.

“Ayos lang na ako ang maapi, huwag lang kayong mga kapatid ko, tandaan n’yo yan!” paalala ni Obet sa kanyang mga kapatid.

Umalis na sa kanyang trabaho bilang service crew sa naturang fast food chain si Obet dahil na-promote siya bilang team leader sa call center, at mas lumaki ang kanyang sahod. Nakakuha naman ng full scholarship grant sina Resty at Sheena sa kanilang paaralan, habang si Janjan naman ay consistent honor student. Bumalik naman sa pag-aaral si Obet sa ilang taong pag-iipon hanggang sa unti-unti, siya ay nakatapos sa kursong BS Commerce.

Ilang taon pa ang nakalipas at nakatapos bilang summa cum laude si Resty sa kolehiyo. Sa paggawad ng medalya sa entablado, isinabit ito ni Resty sa kanyang Kuya Obet, at ibinida pa sa kanyang talumpati. Kung magkakaroon man ng sariling pamilya si Resty, tutularan niya ang kanyang idolong kuya, na walang iba kundi si Kuya Obet.

Images courtesy of www.google.com

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement