Inday TrendingInday Trending
Ang Kabutihang Puso ng Isang Batang Palaboy

Ang Kabutihang Puso ng Isang Batang Palaboy

Palakad-lakad na naman si Otep sa mga lansangan ng Maynila. Katulad ng araw-araw niyang nakasanayan, ginagalugad niya ang bawat sulok ng kalye upang makahanap ng mga bagay-bagay na maaari pang mapakinabangan upang maibenta at mairaos ang maghapon.

Isang batang palaboy si Otep. Simula kasi nang sila ay masunugan at kasamang natupok ang lolang nag-aruga sa kanya, wala nang nakaalala sa kanya. Hindi niya alam kung sino ang lalapitan upang kontakin ang kanyang nanay, na balita niya ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

Kalkal dito, kalkal doon. Galugad dito, galugad doon. Matiyagang iniisa-isa ni Otep ang mga basurahan upang makahanap ng maibebenta. Maswerte na lang kapag may nakikita siyang mga itinapong damit, sapatos, at iba pang mga bagay na kinukuha niya upang magamit sa araw-araw. Noong nabubuhay pa ang kanyang lola, kabilin-bilinan nitong huwag i-aasa sa iba ang kakainin sa araw-araw. Huwag ding gagawa nang masama. May sakit ang kanyang lola kaya minsan, si Otep ang nag-aalaga rito. Siya ang nagpapakain kapag may lagnat. Kaya naman, laking hinagpis ang naramdaman ni Otep sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal na lola.

Nang matupok ng apoy ang kanilang maliit na barong barong, na sabi sa mga bulung-bulungan ay sadya raw upang mapaalis ang mga katulad nilang squatter, palipat-lipat na ng tinutulugan si Otep. Kadalasan, pinalilipas niya ang magdamag sa isang tagong waiting shed, lalo na kapag umuulan. Kung ginagabi naman sa pangangalakal, kung saan na lamang siya maabutan. Minsan din kasi ay napapaaway si Otep sa iba pang batang palaboy na gaya niya. Kinukuha ang kanyang pera, o kaya nama’y inaagawan siya ng pagkain.

Sa kabila nito ay hindi pa rin naiisipang gumawa ng masama sa kanyang kapwa si Otep. Lagi niyang naririnig ang mga tagubilin sa kanya ni Lola Pacing.

“Otep, ang bilin ko sa’yo apo… Huwag na huwag kang magnanakaw. Kahit mahirap lamang tayo, mabubuhay tayong marangal.”

“Opo, Lola. Makakaasa po kayo,” ang laging sagot ni Otep.

Isang tanghali, sa kasagsagan ng kanyang pamamasura malapit sa isang karinderya, napansin niya ang isang lolong nahihirapang kumain. Parang kinakapa-kapa nito ang mga nakahaing ulam sa harapan nito. Sa postura ng lolo, parang hindi naman ito mahirap. Lumapit ang isang serbidora sa matanda at tinanong ito.

“Naku Lolo, wala ho ba kayong kasama? Paano po pala kayo nakarating dito? Paano po kayo makakakain niyan?” tanong ng serbidora sa lolo.

“Umalis yata ang kasama ko… Maaari mo ba akong subuan? Bulag ako, Ineng…” pakiusap ng matanda sa serbidora.

Nagpaalam saglit ang serbidora at pumasok sa loob ng karinderya. Makalipas ang limang minuto, at hindi na ito bumalik. Nakamata lamang si Otep sa kaawa-awang matanda. Natatapon na ang kanin nito dahil hindi sumasakto ang kutsara kapag sumasandok ito ng kanin. Kaya naman, lakas loob na lumapit dito si Otep.

“Lolo… Gusto n’yo ho bang tulungan ko kayong kumain?” nahihiyang alok ng tulong ni Otep sa matanda.

“Hijo… Dito ka ba nagtatrabaho sa karinderya? Oo, kailangan ko ng tulong para makakain. Parang iniwan kasi ako ng aking kasama,” pagmamakaawa ng matanda.

Kaya naman matiyagang sinubuan ni Otep ang lolo. Kahit natatakam na siya sa masasarap na pagkaing inorder nito, hindi siya kumuha kahit kapiranggot man ng karne ng baka. Bukod dito, pinainom din niya ito ng tubig. Nakamata lamang sa kanila ang serbidora. Naubos ng matanda ang kanyang pagkain sa tulong ni Otep.

“Maraming salamat, hijo… Ano nga palang pangalan mo?” tanong ng matanda sa kanya.

“Otep po…” sagot niya.

Kinapanayam siya ng matanda, at habang nangyayari ito, umorder ng pagkain ang lolo para kay Otep. Nalaman na nito ang lahat kay Otep, maging ang kwento sa nawawala nitong ina.

Maya-maya, dumating na rin ang kasama ng matanda. Tinawagan lamang ito ng lolo sa pamamagitan ng isang walkie talkie. Ito pala ang driver niya!

“Otep… Sumama ka sa akin. Kailangan mo ng matutuluyan.”

Sumama nga si Otep sa matanda. Napakayaman pala nito! Mag-isa lamang itong naninirahan sa isang malaking bahay. Ayon sa kwento nito, ang mga anak nito ay may sari-sarili nang pamilya at nakatira na sa abroad.

Kinupkop ng matanda si Otep at itinuring na tunay na apo. Sa kaarawan ni Otep, isang sorpresa ang dumating sa bahay ng matanda, na si Lolo Jose. Ipinahanap pala ni Lolo Jose ang kanyang ina, na nagtatrabaho pala sa Singapore bilang isang OFW. Matagal na rin pala nitong hinahanap si Otep.

“Isang mabuting bata ang anak mo, Tessa. Maganda ang pagpapalaki sa kanya ng iyong ina,” sabi ni Lolo Jose kay Tessa.

Mahigpit na nagyakap sina Tessa at Otep. Hindi na umalis ng bansa si Tessa. Kinuha siyang kasambahay ni Lolo Jose sa kanyang mansyon upang maalagaan nito si Otep. Dumaan pa ang mahabang panahon, at binawian ng buhay si Lolo Jose. Laking gulat nina Tessa at Otep nang ipamana sa kanila ng matanda ang malaking bahay, at isang milyong piso, bagay na sinang-ayunan naman ng mga anak nito. Sa tulong noon, namuhay nang masagana ang mag-inang Tessa at Otep.

Mabuti na lamang at tumatak sa puso ng bata ang mga mabubuting asal na turo ng kanyang lola, dahil iyon pala ang magdadala sa kanya sa ginhawa.

Advertisement