Napalo ng Ina ang Anak nang Makita Itong Madungis, Ang Hindi Niya Alam ay Nagtrabaho Ito Upang Mabilhan Siya ng Regalo sa Kanyang Kaarawan
Dalawang taon nang mag isang binubuhay ni Amelia ang kanyang tatlong anak, ang asawa niyang mangingisda ay sumama na sa ibang babae na nakilala nito sa palengke. Kahit mahirap ang buhay, pinipilit ni Amelia na kayanin alang-alang sa kanyang mga anak, minsan ay halos ayaw na niyang bumangon sa umaga dahil pagod pa ang katawan sa maghapong paglalako ng mais pero maisip niya pa lang na hindi makakapag aral ang mga anak at mauuwing tulad niya ay agad siyang bumabalikwas para simulang maghanap buhay. Bata pa ang kanyang mga anak, ang panganay ay si Jael, 12 taong gulang; sumunod si Jason na 7 taong gulang at bunso si Jelai na 5 taong gulang. Lahat ng mga ito ay elementary pa lamang, mabuti nga at maaasahan na niya si Jael na mag asikaso sa mga kapatid nito kaya hindi na masyadong nag aalala si Amelia. Matatalino at mababait ang mga bata, alam nila ang hirap ng kanilang ina. “Ma, birthday mo na sa Sabado, minarkahan ni kuya Jael ang kalendaryo.” sabi ni Jason. “Bertdey bertdey, lilipas rin yan ‘nak.” sabi niya sa anak. “Bakit naman ho, kakantahan ka pa rin namin ng happy birthday to you, ang handa mo adobong kangkong.” biro ng bata, ito talaga ang pinakamadaldal sa kanyang mga anak. “Loko ka talaga, wala naman tayong panghanda ano.” malungkot na sabi niya. “Lunes palang naman po ngayon nay, malay mo may magbayad ng ginto tapos ay yumaman ka bigla.” biro ulit nito sa kanya. Natawa na lang si Amelia sa kanyang anak, sa mata ng bata, tila napakagaan ng lahat. Kinabukasan ay hapung hapo na umuwi ang babae. Hindi niya naubos ang paninda, hirap na hirap siya sa pagsigaw ng ‘mais!’ dahil malakas ang ulan at nasa loob ng bahay ang mga tao. Tuluyan na ring nasira ang tsinelas niya na matagal nang naghihingalo, pero dahil walang pambili ay pilit niyang ginagawaan ng paraan na maayos pa iyon. Abala siya sa pagtatali ng tsinelas nang dumating ang kanyang mga anak. Napansin niyang marumi ang damit ni Jason, dahil mainit ang ulo ay sa bata niya iyon naibuhos. “Jason halika nga. Ayaw kang tumulad sa mga kapatid mo! Alam mo ikaw ang pinakamakulit talaga, tignan mo ang kuya Jael mo at si Jelai, matino, ikaw talaga!” sabi niya at piningot pa ito. “Nay aray ko nay! Nag-sideline po kasi ako- aray, nay!” sabi ng bata. “Pumasok ka na nga sa loob, bwisit na bata to!” sigaw nya rito, pa-sideline sideline pang nalalaman ito. Ni hindi nga siguro nito alam ang ibig sabihin ng ‘sideline’. Mabilis na lumipas ang mga araw at sumapit ang Sabado, maagang gumising si Amelia para simulan na ang paglalako ng mais. Nagulat siya nang pagmulat ng mata ay naroon sa tabi ng papag ang anak na si Jason, halatang bagong gising ito at may bitbit na isang supot. “Happy birthday nanay!” masiglang sabi nito. “Salamat anak,” matamlay naman na ngumiti siya. Inabot ng bata sa kanya ang supot at nagulat siya nang buksan iyon. Isang pares ng bagong tsinelas. Parang isinukat sa paa niya ang mga iyon, nagtatanong na napatingin siya sa bata. “Nanay pinag-ipunan iyan ni Jason, tumutulong siyang magbenta ng uling kay Mang Ramon para ho makaipon siya ng barya. Regalo niya raw sa iyo kasi sira na ang tsinelas mo at nagsusugat na ang paa mo.” sabi ni Jael na nakalapit na pala sa kanila. Nayakap ni Amelia ang mga anak. Makalipas ang maraming taon. Masayang binilang ni Amelia ang mga inihaw na mais kung sakto ba sa kanila, maaliwalas ang ngiti ng babae. Ang mga mais na ito ay hindi na niya ibinebenta tulad noon, hiniling lang ng kanyang mga anak na ito ang isa sa mga handa nila ngayon bilang paggunita sa mga hirap na kanilang pinagdaanan sa buhay. May sariling pamilya na si Jael at si Jason naman ay gumraduate na sa kolehiyo na siyang ipinagdiriwang nila ngayon. “Nanay, ako na ang magpapaaral kay Jelai, kahit saang eskwelahan pa yan!” sabi ng lalaki sabay akbay sa kanya. “Ay sus, akalain mo. Anak ikaw ang pinakamakulit, pero mahal na mahal kita.” sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.