Inday TrendingInday Trending
Makalipas ang Limang Taon ay Bumalik ang Nag-iisang Lalaki sa Buhay ng Babaeng Ito, Tanggapin Kaya Niyang Muli ang Pag-ibig?

Makalipas ang Limang Taon ay Bumalik ang Nag-iisang Lalaki sa Buhay ng Babaeng Ito, Tanggapin Kaya Niyang Muli ang Pag-ibig?

“Iiwan ko na nga lahat, Joel, ‘wag mo lang akong iwan. Bumalik ka na rito sa bahay, umuwi ka na at malakas pa ang ulan. Nasaan ka na ba?!” umiiyak na tanong ni Carla sa telepono.

“Nasa airport na ako, Carla, tapos na tayo,” maiksing sagot naman ni Joel, ang nobyo ng babae.

“Ikaw na nga ang pinipili ko, Joel, ‘wag naman ganito! Pupuntahan kita riyan, hintayin mo ako at mag-usap tayo,” balik kaagad ni Carla at dali-daling lumabas para humanap ng masasakyan. Kahit na malakas ang bagsak ng ulan ay hindi nagpaawat ang dalaga at kasabay nga nito ay bumagsak din ang relasyong iningatan niya ng halos sampung taon.

“Hoy! Bakit natutulala ka riyan, ‘wag mong sabihin sa akin na apektado ka pa sa pagdating ng walang kwenta mong ex-boypren?” sita sa kaniya ni Abby, ang binabaeng kaibigan ni Carla.

“Wala na, naka move-on na ako kaya ‘wag kang mag-alala. Pero naiisip ko lang naman bakit siya bumalik ulit pagkatapos ng limang taon? Dito na ba siya sa ‘Pinas mananatili? Mga ganoong bagay,” sagot ni Carla habang hawak pa rin ang mga papel na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya napag-aaralan.

“O, bakit ka naman interesadong malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa kaniya kung move-on ka na talaga? Isa pa ang dami-dami mo pa pong kailangan na pag-aral at may hearing ka pa ho bukas Atty. Carla,” mariing wika muli ng kaniyang kaibigan.

Hindi naman na sumagot pa si Carla at isinubsob na lamang ang kaniyang mukha sa bundok ng mga papel. Sa limang taong pagkawala ni Joel sa kaniyang buhay ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral ng abogasya at isang taon pa lamang ang nakakalipas simula nang maging ganap itong abogado. Maayos na ang buhay at panatag na nga raw ang puso ni Carla makalipas ang limang taong ngunit hindi niya maitanggi sa sarili na marami siyang tanong ngayon na bumalik at nasa bansa na nga ang kaisa-isang lalaki na naging bahagi ng kaniyang puso.

“Hello, Carla, long time no see,” bati ng isang lalaki na saktong kakatok sana sa pintuan ng kaniyang opisina.

“Wow! Anong ginagawa mo rito?” matigas na sagot ng babae kahit na nanginginig ang buo niyang katawan sa galit at gulat.

“Bigyan mo ako ng pagkataong magpaliwanag. Please, pakinggan mo naman ako,” sagot muli ni Joel sa kaniyang sabay luhod ng lalaki sa kaniyang harap at inabot ang mga bulaklak na hawak.

Saglit niyang tinitigan ang lalaki at sinuri ang buong mukha nito.

“Ang gwapo mo pa rin, Joel, miss na miss kita,” wari niya sa kaniyang isipan. Ngunit mabilis din niyang binura iyon at nagsalita, “Tumayo ka riyan at pumasok ka sa opisina ko. Baka isipin ng ibang tao ay may espesyal sa ating dalawa, ayokong mangyari iyon.”

Alam ni Carla na sa sandaling pinapasok niya si Joel sa kaniyang opisina ay kasabay na rin nito ang pagpapasok niya muling kay Joel sa kaniyang buhay. Ilang beses man niyang itanggi ngunit alam niyang hindi pa rin nawawala ang lalaki sa kaniyang puso. Isang matalas na tingin naman ang natanggap niya kay Abby nang makita ang lalaki na pumasok sa kaniyang opisina.

“Anong gusto mong pag-usapan natin makalipas ang limang taon na wala akong narinig sa’yo kahit hello?” mataray na wika ni Carla sa kaniya.

“Mataray ka pa rin at masaya ako para sa’yo. Sabi ko naman sa’yo mas magiging maayos ang buhay mo nung nawala ako. Kaya ngayon bumabalik na ako, Carla, alam kong napakalakas ng loob ko para gawin ‘to ngayon pero bakit pa ba ako magpapaligoy-ligoy pa. Gusto kong ibalik ang dating tayo, gusto kong ibalik ‘yung tayo at ituloy muli ang pangarap nating pamilya,” pahayag naman ni Joel sa kanya.

Hindi sumagot si Carla at tumawa lamang ito ng ubod nang lakas. Tumawa habang tinitingnan si Joel at tatawang muli hanggang sa tumagal ito ng ilang minuto pa.

“Anong akala mo sa akin? Hinintay kita ng limang taon? Aasa na babalik ka tapos itutuloy natin ang lahat na kapag bumalik ka, okay na? Na parang walang nangyari? Walang nasaktan? Walang naiwan nang walang paliwanag na bakit sa isang iglap ‘yung sampung taon nating relasyon ay nawala na parang bula? Bakit kahit ikaw ‘yung pinili ko ay umalis ka pa rin? Bakit kahit handa kong itapon ang lahat para sa’yo, sa’tin, nawala ka pa rin? Bakit sa tingin mo sa pagbabalik mo at sa pagsasabi mo sa akin ng mga ganiyang bagay ngayon ay mabubura ang limang taong pag-iwan mo sa akin? Mabubura lahat ng sakit at mapapalitan lahat ng “OO, JOEL, MAHAL PA RIN KITA” na parang wala lang?! Wow, Joel! Isa kang malaking HAHAHA,” mabilis at mariing sinabi iyon ni Carla sa pagmumukha ng lalaki.

“Ni hindi mo man lang sana unahin kung bakit pagkatapos ng lahat, lahat ng sakripisyo, lahat ng iniwan ko para sa’yo ay mas nagawa mo pa rin akong iwan, Joel? Bakit hindi iyon ang unahin mo?!” At bigla nang bumagsak ang mga luha ng babae ngunit pinanatili niya ang kaniyang pustura kahit na nanlalambot na ang kaniyang mga tuhod at nanghihina ang kaniyang katawan. Gusto niyang lapitan si Joel at saktan ito saka siya iiyak sa mga bisig ng lalaki at humagulgol.

“Hindi mo pa rin ba nakikita, Carla, ang dahilan kung bakit kita iniwan? Sa tingin mo ba kung hindi ako umalis ay magiging abogado ka ngayon? Sa tingin mo ay magiging ganito ang buhay mo sa akin? Patapon na ako noon, kaya hindi na kita isinama pa. Kaya kita iniwan dahil alam kong mas magiging maayos ka nang wala ako. Babalik ang lahat ng pangarap mo sa buhay mo na handa mo na noong itapon dahil lang sa akin. Iniwan kita para maging matagumpay ka, Carla! Ilang beses kong ipinaliwanag ‘yun sa’yo nung nasa ibang bansa ako pero hindi mo ako pinakinggan,” sagot ng lalaki sa kaniya.

“Kaya bumalik ka kasi matagumpay na ako? Kaya ba nandito ka na ulit kasi nakita mo na o nabalitaan mo nang sa wakas ‘yung babaeng iniwan mo noon ay naging matagumpay na ngayon? Ganoon ba, Joel? Ikaw ‘yung mundo ko noon pero winasak mo ‘yun!” giit ni Carla.

“Winasak ko para mabuo ‘yung ngayon mo!” baling ni Joel.

“At bumalik ka para ano? Para ano?! Para makisawsaw sa maayos kong mundo? Nandito ka na, kasi okay ka na? Kasi pwede mo na akong mahalin ulit kasi OKAY ka na? Hindi ako isang asong inalagaan mo na ayos lang kahit iwan mo at kapag bumalik ka ay magkukumahog na kumahol sa’yo! Sana sabay nating inayos ‘yung sinasabi mong nasisira nating mundo. Sana hindi mo ako iniwan, sana lumaban tayo nang sabay, nang magkasama. Baka sakaling ngayon, tayo pa rin hanggang dulo. Patawad, Joel, ngunit kahit gaano man kita kamahal hindi na natin maitutuloy ang dating tayo. Wala na, Joel, wala na. Mahal ko ang sarili ko, hindi ko na hahayaang saktan mo ulit ako. At isa pa, hindi na ikaw ang mundo ko…” pagtatapos ni Carla saka siya lumabas ng kaniyang opisina.

Hindi pa natapos doon ang kanilang usapan at panunuyo ni Joel. Paulit-ulit siyang sinuyong muli ng lalaki at niligawan ngunit buo na rin ang desisyon ng babae na hindi na ituloy pa ang kung ano man ang naputol nila. Hindi dahil sa galit ngunit dahil alam niya sa kaniyang sarili na noong iniwan siya ni Joel sa panahong lugmok na lugmok sila ay maaring iwan lamang siya ulit ng lalaki kapag nangyari ulit iyon sa kanila. Hindi na siya kukuha pa ng bato at muling ipupukpok sa ulo niya.

Advertisement