Taong-grasa, Bagong Pag-asa
Hindi maipinta ang mukha ni Mang Lucas nang masilayan ang natutulog na taong grasa sa harap ng kanilang bahay. Ikatlong beses na niyang nadaratnan ang lalaking pulubi, madungis ang balat, sira-sira ang damit, mahaba ang balbas at bigote, at mahahaba ang kuko na natutulog sa harap mismo ng kanilang bahay. Ginawa nitong panapin sa likod ang isang wasak na sako.
“Hoy! Anong ginagawa mo rito? Tsupiii!!!! Alis!”
Subalit hindi natinag ang pulubi. Mahimbing itong natutulog. Hindi alintana ang nagngangalit na mga bagang ni Mang Lucas.
“Ayaw mong magising ah, teka…”
Pumasok sa loob si Mang Lucas. Kumuha ng tabo. Isinawak sa dram na punumpuno ng tubig. Muling lumabas at isinaboy ang tubig sa mukha ng pulubi.
Bumalikwas ang kaawa-awang pulubi.
“Akala ko hindi ka pa magigising eh… layas! Bawal ka rito. Malas ka,” angil na bulyaw ni Mang Lucas sa taong-grasa.
“Parang awa n’yo na po… makikitulog lang po ako…”
Sinansala agad ni Mang Lucas ang sasabihin ng taong-grasa.
“Ay hindi pwede! Doon ka sa iba. Hindi ka pwede rito. Bumalik ka na lang sa pamilya mo. Basta hindi ka pwedeng matulog dito. Alis!,” pagtataboy ni Mang Lucas sa taong-grasa.
Walang nagawa ang taong-grasa kundi kunin ang itim na lukbutan, na pinaitim dahil sa nagmamapang alikabok at dumi ng salaulang lungsod na matagal na niyang panahanan.
“Mga salot sa lipunan! Bakit hindi pa kayo mawala,” bulong ni Mang Lucas sa kanyang sarili habang pinapanood ang paglalakad ng pinaalis na taong-grasa.
Hindi maintindihan ni Mang Lucas kung bakit sa dinami-rami ng lugar, sa tapat pa talaga ng kanilang bahay naglalagi ang naturang taong-grasa. Isang umaga ng Sabado, bigla na lamang itong lumitaw. Walang nakakikilala sa kanya. Wala ring makapagsabi kung saan ito galing.
Tuwing umaga hanggang hapon ay namamasura ang naturang taong-grasa. Kalkal dito, kalkal doon. Pulot dito, pulot doon. Isinisilid ang anumang bagay na madampot na may pakinabang upang maibenta at malamanan ang sikmura.
At sa gabi, muli itong magpapagala-gala upang humanap ng matutuluyan. Tatlong gabi na nga itong natutulog sa harapan ng bahay ni Mang Lucas. Siguro ay dahil sa bagong tiles ang harapan nito, at kapag gabi, malamig na nakapagpapapawi ng init na dulot ng maghapong paglalagalag.
Dahil dito, naisipang bumili ng malaking aso ni Mang Lucas. Itinali niya ang aso sa tarangkahan upang matakot ang taong-grasa na lumapit at matulog dito. Kampante ang matanda na katatakutan ng sinuman ang aso, dahil sa taglay nitong laki at talim ng mga pangil. Wala ring mintis ang pagtahol nito kapag may dumaraang mga tao.
Subalit kinabukasan, laking gulat niya nang makita niya ang taong-grasa sa harap pa rin ng kanilang bahay, mahimbing na natutulog. At ang lalong ikinamangha niya, katabi nito ang kanilang aso, na natutulog din. Mukhang napaamo nito ang kanilang aso.
Sa tindi ng kanyang inis, sinipa niya ang natutulog na taong-grasa. Nagising din ang aso, subalit tumingin lamang ito kay Mang Lucas, at natulog ulit.
“Makulit ka rin ha? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ka pwede rito? Ipapapulis na kita!” galit na sigaw ng matandang lalaki.
“Huwag po sir… nakikitulog lang naman po ako. Hindi naman po ako manggugulo,” pagmamakaawa ng taong-grasa.
“Ay hindi! Sa susunod na matulog ka pa rito, mata mo lang ang walang latay! Tandaan mo iyan!” pabulyaw na sabi ni Mang Lucas.
Nagdaan ang isa pang gabi. Kinaumagahan, wala nang nakitang natutulog na taong-grasa si Mang Lucas. Labis ang kanyang kasiyahan. Sa wakas, wala na siyang sasawayin.
Lumipas ang tatlong araw at gabi na wala nang nanggugulong taong-grasa. Nanibago ang matanda. Sa kabila nito, natuwa na rin siya.
Isang araw, kinakailangang dumalo sa isang seminar sa Makati si Mang Lucas. Dalawang araw at dalawang gabi siyang mawawala. Dahil wala namang kasama sa buhay, ibinilin niya ang pagbabantay sa bahay sa kanilang kapitbahay.
Sa unang gabi sa seminar na dinaluhan, habang siya ay papahimbing na sa tinutuluyang hotel, tumawag sa kanya ang pinagbilinang kapitbahay. May nagtangka raw manloob sa kanyang bahay. Mga kasapi ng “Martilyo Gang”. Mabuti na lamang daw at nilabanan at napigilan ito ng isang lalaki.
Agad na umuwi si Mang Lucas. Nadatnan niya roon ang kanyang kapitbahay, ang mga pulis, at ang taong-grasa na lagi niyang sinasaway at itinataboy. Ito pala ang nagligtas sa kanyang bahay.
Kwento nito, naglalakad-lakad siya upang humanap ng matutulugan nang mapansin ang mga magnanakaw na nagtatangkang umakyat sa kanyang bahay. Kaya dinaluhong niya ang mga ito, nakipagsuntukan, at sa huli, napigilan sa tangkang pagnanakaw.
Nangilid ang luha ni Mang Lucas. Hindi niya akalaing ang taong pinagtatabuyan niya, ang siyang taong tutulong sa kanya sa oras ng pangangailangan.
Pinatuloy niya sa kanyang bahay ang taong-grasa, hinayaang maligo, binihisan at pinakain. Jojo pala ang pangalan nito na taga Mindoro. Lumuwas ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Dahil wala pang alam sa kalakaran ng siyudad, naloko ng ibang tao tangay ang lahat ng gamit. Kaya naging palaboy siya sa mga lansangan.
“Huwag kang mag-alala, Jojo. Akong bahala sa iyo. Bibigyan kita ng trabaho.”
Magmula noon, ang dating taong-grasa na nakikitulog lamang sa harap ng bahay ni Mang Lucas, ay nagkaroon ng sariling silid. Ginawa siyang katiwala ng matanda para sa mga gawaing-bahay upang magbantay.
Malaki ang naging realisasyon ni Mang Lucas. Kinakailangang pakitaan ng kabutihan ang kapwa anuman ang estado sa buhay, dahil maaaring ang pinakaayaw mong tao ngayon ang siyang tutulong sa iyo sa oras ng pangangailangan.