Ang Magtataho
Simula nang mabalo si Nessa sa kanyang asawa, nawalan na siya nang ganang magtrabaho.
Ilang buwan na ang nakalilipas nang mailibing ang asawa ni Nessa na si Julio dahil sa malubhang karamdaman. Labis itong pinagdamdam ni Nessa, lalo’t wala naman siyang alam na may kahit na anong kondisyong pangkalusugan ang kanyang asawa. Sa katunayan, tuwing Martes, Huwebes, at Sabado ay lagi itong nakababad sa gym, pagkatapos ng trabaho nito.
Hindi naman sila biniyayaan ng anak ni Julio, sa loob ng limang taon nilang pagsasama. Magkagayon man, mahal na mahal pa rin nila ang isa’t isa. Hindi nila naisip na kakulangan ang kawalan ng anak. Hindi sumagi sa isip nila kailanman ang pag-aampon.
At ngayon, mag-isa na lamang si Nessa.
Minabuti niyang mag-resign sa pinapasukang opisina at humanap na lamang ng home-based online English teaching dahil nawalan na siya nang motibasyon upang mag-ayos sa kanyang sarili, humarap sa ibang tao, at makihalubilo.
Isang umaga, naisipang magkape ni Nessa sa balkonahe ng kanilang munting bahay. Sinariwa niya ang mga alaala kung saan magkasama nilang ginagawa iyon ni Julio, habang nagkukwentuhan ng mga naganap sa kani-kanilang mga opisina. Nakikita rin niya ang mga orkidyas na itinanim ni Julio. Nakahilera sa bandang bintana. Buhay na buhay. Sumasayaw sa pag-awit ng hangin. Samantalang ang lumikha sa kanila, nawala na.
Napawi ang pag-iisip ng babae nang makarinig siya ng sigaw. “Taho!” Taho!”
Napatingin sa baba si Nessa. Isang maskulado at matangkad na lalaking nakasando at nakamaong, ang magtataho. Napasulyap din ito sa kanya. Nakangiting inalok siya ng taho.
“Ma’am, taho po?”
Matipid na ngumiti ang babae. “Hindi ho ako kumakain ng taho.”
Ngumiti ang magtataho, at umalis na rin, habang patuloy na sumisigaw at nag-aalok ng kanyang paninda.
Halos araw-araw dumadaan ang magtataho sa harap ng bahay ni Nessa. Laging nagkakataon na nadadaanan niyang nagkakape ang babae, lagi rin niya itong aalukin, subalit palagi ring tinatanggihan.
Hanggang sa isang umaga, naisipan ni Nessa na gamitin ang kanilang water hose upang diligan ang mga orkidyas. Matagal-tagal na rin itong hindi nagagamit. Kinuha niya ang hose subalit walang tubig na lumabas mula rito. Tiningnan niya kung ano ang problema. Hindi pala ito nakakabit sa tubo.
Tinangka niyang ikabit ang hose sa tubo, subalit biglang tumilamsik ang tubig, at hindi niya alam ang gagawin. Napahiyaw si Nessa.
Tamang-tama namang papadating ang maskuladong magtataho. Narinig nito ang sigaw ni Nessa. Agad itong lumapit sa kanya at dinaluhan si Nessa.
“Ma’am, tulungan po kita.”
May pinihit sa tubo ang magtataho at huminto na rin ang pagtagas at pagtilamsik ng tubig. Basang-basa ang damit ni Nessa kaya bakat na bakat ang magandang hubog ng katawan nito.
“Salamat, ha?,” kiming pasasalamat ng babae sa magtataho.
“Ayos lang po ma’am. Buti na lang napadaan ako,” nakangiting sabi ng magtataho. Lumitaw ang mapuputi nitong ngipin.
“Pasensya na… hindi ko kasi alam ang mga ganyang gawain. Asawa ko lang ang gumagawa niyan, ” malungkot na turan ni Nessa.
“Nasaan po ba ang asawa nyo Ma’am? Sumakabilang-bahay?” Pabirong tanong ng magtataho.
Saglit na napahinto ang balong babae. “Hindi. Sumakabilang-buhay.”
Natigilan ang magtataho. “Naku, sorry po…”
“Okay lang iyon. Paano pala ako makababawi sa ginawa mong pagtulong?” Tanong ni Nessa sa magtataho.
“Naku ma’am, wala po iyon. Taos sa puso ko ang pagtulong. Pero kung gusto n’yo talaga, bili na lamang po kayo sa akin ng taho,” nakangiting sagot ng magtataho.
“Hindi ako kumakain ng taho… pero sige.” Nakangiting sagot ng babae.
Simula noon ay araw-araw nang bumibili ng taho si Nessa sa magtataho, na ang ngalan pala ay Albert. Kahit hindi siya kumakain ng taho, subalit simula nang natikman niya ang taho ni Albert, nagustuhan na rin niya ito. May kakaibang panghalina ang paninda ng maskuladong lalaki. Nagkukwentuhan din sila sa kanilang buhay-buhay. Noong una, dalawang minuto lamang, hanggang sa maging limang minuto, naging 15 minuto, at minsa’y kalahating oras.
Nakasanayan na ni Nessa ang paggising sa umaga, pagkakape, at pag-aabang sa taho ni Albert. Naiiba na ang kanyang ngiti. Natutuwa siya sa lalaki. Tila ba nakangiti rin ang mga orkidyas na itinanim ng kanyang asawa.
Kung noon ay hindi siya kumakain ng taho, ngayon, isa na ito sa mga paborito niyang pagkain sa umaga. Hinahanap-hanap niya ito. Biniro pa nga niya si Albert na kung pwede rin itong maglako ng taho sa gabi. Natawa lamang ito.
Sa bawat pagdaan ng mga araw at buwan na laging dumadaan si Albert at nakakakwentuhan niya, napansin niyang gwapo ito. Pilipinong-Pilipino ang dating. Lalaking-lalaki. May bahagi ng kanyang katawan ang tila kinikiliti kapag naririnig na ang tinig nito, lalo na kapag sumisigaw ng “Tahooo!!!”
Hindi na rin niya masyadong naiisip ang pagkawala ng kanyang asawa. Isang pagtatanto ang pumasok sa kanyang isipan: GUSTO NIYA SI ALBERT.
Isang umaga, isang hindi pamilyar na tinig na sumisigaw ng “taho” ang pumukaw sa paghihintay ni Nessa kay Albert. Ibang magtataho marahil, sa isip-isip ni Nessa. May kakumpetensya na si Albert. Bibiruin niya ito.
Subalit nangunot ang noo ni Nessa nang makita ang bitbit na lalagyan ng taho ng lalaki. Ito ang lalagyanan ng mga taho ni Albert. Isang binatilyo na nasa 16 taong gulang ang may bitbit nito.
“Hello po… kayo po ba si Aling Nessa?,” tanong ng binatilyo.
“Ako nga? Bakit?”
“Pinapasabi po ng tatay ko na dumaan dito para pagbilhan kayo ng taho,” sagot ng binatilyo.
“Sino ba ang tatay mo?”
“Si Albert na magtataho po. Anak po niya ako,” tugon ng binatilyo habang sumasalok ng taho at nilalagyan ito ng sago.
“Bakit hindi siya ang nagtinda ngayon?”
“May sakit po kasi si nanay. Inaalagaan po niya”, sagot ng binatilyo.
At biglang natulala ang babae. Inabot niya ang biniling taho.
“May asawa na pala si Albert….” mahinang bulong ng babae sa kanyang sarili
Matagal nang umalis ang binatilyong anak ni Albert, subalit hindi pa rin kinakain ni Nessa ang binili niyang taho rito. Tinitigan lamang niya ito. Punumpuno ng sago at matamis ang taho. Hindi naman talaga niya gusto ang taho dati.
Sinulyapan niya ang mga orkidyas na tanim ni Julio. Medyo nalalanta na, kaya kailangan na ulit diligan. Tumayo si Nessa, at ibinuhos ang taho sa lupang kinatatamnan ng orkidyas.
Napagtanto ni Nessa na hindi niya dapat ibaon sa limot ang alaala ng kanyang asawa. Hindi siya dapat padalos-dalos sa simbuyo ng damdamin upang hindi makasira ng pamilya. Hindi siya dapat magpagupo sa pangungulila.