Inday TrendingInday Trending
Tubig Poso ang Pinapainom Niya sa Kaniyang mga Anak; Makasisiguro nga ba Siyang Malinis Ito Para Inumin? 

Tubig Poso ang Pinapainom Niya sa Kaniyang mga Anak; Makasisiguro nga ba Siyang Malinis Ito Para Inumin? 

Katulad ng nakasanayan ng ginang na si Liza, maaga na naman siyang nagising ngayong araw. Ginagawa niya ito hindi upang maghanda ng almusal o gisingin ang mga anak niyang papasok sa eskwela, kung hindi upang mag-igib ng tubig na kanilang iinumin.

Tuwing alas kwatro lang kasi ng umaga nababakante ang posong iniigiban ng kanilang buong barangay.

Kung ang iba niyang mga kabarangay ay pawang mga drum, galon at timba lamang ang siyang nilalagyan ng tubig, siya’y pati ang galon ng inumang tubig nila ay kaniyang pinupuno.

Ito na rin kasi ang tubig na pinapainom niya sa kaniyang mga anak. Nilalagyan niya lang ng tela ang gripo ng galon upang kapag kukuha ng tubig ang sino man sa kanila ay masasala ito at mababawasan ang duming mayroon ito.

Sa katunayan, simula nang tumira sila sa barangay na ito, limang taon na ang nakakaraan, ang tubig na ito na ang siyang pinapainom niya sa kaniyang mga anak at ni minsan, hindi nagkasakit ang isa sa kanila dahilan para ipagpatuloy niya itong gawin bilang inuming tubig.

Sakto lang din kasi ang kita niya sa pagmamasahe para matugunan ang kanilang pagkain, upa at baon ng kaniyang mga anak. Kaya katwiran niya tuwing may nananaway sa kaniyang maaaring magdulot ng sakit ang tubig na ito, palagi niyang sabi, “Bente singko pesos din ang isang galon ng mineral na tubig, ‘no! Makakabili na ako ng kalahating kilong bigas no’n, eh! Parehas din naman ‘yang tubig!”

Nang araw na ‘yon, habang siya’y nagbobomba ng poso, napansin niyang tila malabo ang tubig na lumalabas dito dahilan para itigil niya ang pag-iigib at bumalik ng bandang alas sais ng umaga.

Kaya lang, kaniyang pinagtaka na hanggang sa oras na iyon, wala pa ring nag-iigib sa posong iyon.

“May problema kaya ang posong ito o sadyang nakapagpuno lang lahat sila ng tubig kahapon?” pagtataka niya saka agad nang nag-igib ng tubig. Ngunit pagkatingin niya sa tubig, bahagya pa rin itong malabo at dahil nga said na ang tubig nilang mag-iina, pinuno niya pa rin ng tubig ang lahat ng kanilang lagayan.

Dahil nga bahagyang malabo ang tubig na naigib niya, dinoble niya na lang ang telang panala ng kanilang galon upang masala ito nang maigi.

Ngunit, pagsapit ng tanghali, kung kailan nakapasok na sa eskwela ang kaniyang mga anak, narinig niya mula sa isa sa kaniyang mga kapitbahay na may humalong gas daw sa tubig na nilalabas ng posong iyon dahil nagkaroon ng aberya sa gas station na malapit sa kanilang barangay na agad niyang ikinataranta!

“Teka, Liza, huwag mong sabihing iyon ang napainom mo sa mga anak mo?” sabi pa ng ginang na palaging nag-aalala sa ginagawa niya.

Sa sobrang taranta niya, hindi na niya nagawang sagutin pa ang ginang. Dali-dali na niyang pinuntahan ang mga anak sa eskwela at pagdating niya roon, nasa klinik na ang mga ito habang iniinda ang sakit ng tiyan at namumutla pa.

“Ma’am, may napakain po ba kayong kakaiba sa mga anak niyo?” tanong ng nars sa naturang klinik ng paaralan.

“Wala po, ma’am, pero ang nainom nilang tubig ay may halo raw pong gas,” tapat niyang tugon dito dahilan para agad itong humingi ng tulong sa ibang mga nars doon at dali-daling sinugod sa ospital ang mga ito.

Mabuti na lang, napag-alamanan ng mga doktor doon na hindi marami ang nainom ng kaniyang mga anak at agad itong nalunasan.

Tumagal ng halos tatlong araw ang kaniyang mga anak sa ospital upang mabantayan ang kalagayan ng mga ito na talagang umubos sa kaniyang mga ipon at nakapagbigay pa sa kaniya ng daan para magkaroon ng utang.

“Liza, maging aral na ito sa’yo, ha? Maglaan ka na ng bente singko pesos para pangbili ng inuming tubig kaysa malagay sa alanganin ang buhay ng mga anak mo at makapagbigay pa sa’yo ng malaking gastusin,” pangaral sa kaniya ng ginang na talagang dininig na niya ngayon.

Simula noon, habang binabayaran niya ang kaniyang mga pinagkakautangan, natutuhan niya na ring maglaan ng pera para sa pambili ng kanilang inuming tubig.

Sa ganoong paraan, nasiguro na niya ang kaligtasan ng kaniyang mga anak at napayapa na rin ang kaniyang kalooban dahil ngayo’y tiyak malinis na ang inumin nilang tubig kahit pa wala na siyang ilagay na patong-patong na tela sa gripo ng galon.

“Ilang galon man ang mabili ko sa isang linggo para lang makainom kayo nang malinis na tubig, ayos lang, basta’t huwag na muling malagay sa hukay ang inyong mga paa,” sabi niya sa kaniyang mga anak na labis na ikinatuwa ng mga ito.

Advertisement