Ipinahiya ng Lalaki ang Kaibigan na Grabe Lumamon sa Buffet, Hindi Niya Inaasahan ang Malalim na Dahilan Nito
“Pare dahan-dahan naman sa pagkain, eat all you can naman tayo!” natatawa na lamang si Caleb sa kaibigan niyang si Kyle.
Hindi niya kasi malaman kung bakit kanina pa nito kinakain ang halos lahat ng uri ng pagkaing makikita sa restaurant. At kahit halatang busog na busog na ito ay panay pa rin ito sa pagkain.
Napapailing na lamang siya habang pinagmamasdan ang kaibigan. Lalo siyang natawa nang dumighay ito, patunay na talagang busog na nga ito.
“Ano ka ba naman, pare?! Busog na busog ka na, ayaw mo pa ring paawat sa pagkain?” tawang-tawa niyang sabi dito.
Hindi niya naman sinasadyang lakasan ang boses. Dahil tuloy doon ay pinagtinginan sila ng mga tao sa restaurant. Ang iba’y natawa rin nang makita ang itsura ni Kyle. Nalungkot tuloy bigla ang kaibigan.
“Sorry pare, hindi ko naman sinasadya.”
Malungkot na ngumiti ito, “Okay lang pare, naiintindihan ko.”
Kakakilala lang nila sa isa’t isa. At malapit na agad ang loob ni Caleb sa kaibigan. Kahit wala pa siyang masyadong alam sa buhay nito ay magaan ang loob niya sa kaibigan dahil bukod sa napakabait nito ay palagi pa siyang napapatawa sa mga jokes nito.
Kaya naman nakonsensya talaga siya nang hindi niya sinasadyang mapahiya ang kaibigan, “Sorry pare, babawi ako.”
Umiling ito, “Hindi pare, pasensya ka na din sa akin. Siguro dahil isang buwan palang tayong magkakilala kaya hindi mo pa talaga ako kilala.”
Napatahimik siya. Totoo ang sinabi nito. Kahit kasi napaka-masayahing tao nito ay malihim naman ito pagdating sa personal nitong buhay.
“At siguro nagtataka kung bakit kahit busog na busog na ako ay pilit ko pa ring kinakain ang ibang pagkain dito sa resto?”
Napatango siya sa katanungan nito. Kaya naman nagpatuloy sa pagsasalita ang kaibigan, “Kasi pare nanghihinayang ako.”
Nangunot-noo siya sa sinabi nito.
“Nanghihinayang ako sa 329 pesos na halaga ng pera para sa eat all you can na pagkain. Kaya hangga’t maaari ay sinusulit ko ang binayad ko.”
Hindi niya maintindihan ang punto nito. Nahalata iyon ng kaibigan, “Hindi mo nga pala ako magegets pare, kasi hindi ka naman lumaki sa bahay na sa sobrang hirap ay halos isang beses lang kumakain sa isang araw.”
Natahimik siya sa rebelasyon ng kaibigan. Ngunit nagulat siya nang bigla itong ngumiti, “Pero dati pa yun pare, ngayon ay medyo nakakaluwag-luwag na ang pamilya namin. Salamat sa work ko ngayon!”
Napangiti siya dahil kahit na malungkot ang kinukwento nito ay nagagawa pa rin nitong magbiro.
“Sanay lang talaga akong madalas na manghinayang sa pagkain. Kung minsan ay kanin nalang sa fastfood ay pinanghihinayangan ko pa. Siguro ganoon talaga, kapag naranasan mo nang walang-wala ka. Hindi mo aaksayahin kahit isang butil ng bigas.”
Doon niya naintindihan ang sinasabi ng kaibigan. Dahil doon ay naliwanagan rin siya sa kanyang buhay. Simula noon ay hindi na rin siya nag-aksaya ng pera, lalo na ng pagkain.