Dahil sa Kayabangan ay Muntik Pang Matapos ang Pagkakaibigan ng Mag-Kumare, Buti Nalang ay Natauhan Sila
Sa isang maliit na barangay nakatira ang magkumareng si Norma at Roda. Si Norma ay may asawang seaman at dalagang anak, habang si Roda naman ay may negosyanteng asawa at isang binatang anak.
“Mare bago nanaman itong sofa mo ah, napakaganda.” Wika ni Roda.
“Ay oo mare, regalo sa akin ng asawa ko noong anibersaryo namin.” Sagot ni Norma.
Bagaman magkumare ay halatang nag-iinggitan ang dalawa at nagpapataasan ng estado ng buhay. Kung ano ang bagong bili ng isa ay siya rin namang ipinapabili ng isa sa kaniyang asawa.
“Hon, bigyan mo naman ako ng pambili ng bagong sofa luma na itong gamit natin eh.” Wika ni Roda sa asawa.
“Bakit naman? Wala pa ngang sira yan o, maayos pa naman.”
Pati ang kanilang mga anak ay nadadamay nila sa kanilang pagtutunggali. Lingid sa kaalaman nila ay matagal nang nagliligawan ang dalawang ito.
“Kailan ba tayo pwedeng umamin kina mama? Nakakapagod na itong patagong pagkikita natin.” Wika ng anak ni Roda na si Kael.
“Hindi pa pwede, alam mo bang pinagbabawalan ako ng mama ko na makipagkaibigan sa iyo? Hindi ko nga alam kung bakit.” Sagot naman ng anak ni Norma na si Abi.
Nang sumunod nga na buwan ay nakabili na rin si Roda ng bagong sofa, ngunit di hamak na mas maliit ito kaysa sa nabili ng kaniyang kumare.
“Uy mare ikaw ha, bago na rin itong sofa mo, kaya lang ay bakit ang liit yata?” Nang-aasar na tanong ni Norma.
“Ay oo, sabi kasi ng mister ko ay bibili rin kami ng bagong upuan at lamesa para sa hapag kainan.”
Tila nagulat si Norma sa narinig, sa isip niya ay hindi siya maaring maungusan ng kaibigan, kailangan niyang maunahan ito sa pagbili ng ganoong mga gamit nang sa gayon ay hindi siya magmukhang kawawa. Sa sumunod na Linggo ay namili na nga siya at ipinagmayabang pa sa kaniyang kumare.
“Eto talagang si Norma hindi nagpapatalo, sinabi kong bibili ako ng bagong gamit aba, inunahan pa ako sa pamimili.” Galit na kwento ni Roda sa asawa.
“Ewan ko ba sa inyong magkaibigan, akala mo ba hindi ko napapansin? Pareho kayong may inggit sa isa’t-isa.” Sagot naman nito.
Isang gabi habang naglalakad si Norma pauwi sa kaniyang bahay ay naaninagan niya si Abi na kahawak kamay si Kael. Hindi siya nakapagtimpi at nilapitan ang dalawa at pinagsisigawan ang anak habang hinihila palayo.
“Ikaw bata ka, sabi ko sayo layuan mo ang Kael na iyan ha! Wala akong planong maging balae ang inggiterang nanay ng lalaking yan!”
“Ma ano ba, masakit bitiwan niyo muna ako, ano ba kasing problema niyo kay Ninang Roda?”
Nalaman ni Roda ang ginawa ng kaniyang kumare at ang pamamahiya nito sa kaniyang anak, agad niyang sinugod ang bahay ng babae at doon ay nagwala.
“Hoy Norma lumabas ka riyan! Ano tong sinasabi ng anak ko na pinahiya mo sila sa kalsada ha!”
“Wag kang mag-eskandalo dito sa bahay ko! Sabihan mo yang anak mo na layuan ang anak ko!”
“Ah talaga! At wag ka na ring makapunta-punta sa bahay kong impakta ka!”
“Wala rin naman akong planong bumalik sa lungga mo! Magsilayas kayo dito.”
Lumipas ang mga araw at linggo at tuluyan nang tinalikuran ng dalawa ang kanilang pagkakaibigan. Ngunit hindi maiwasang ma-miss din nila ang kanilang araw-araw na pag-uusap at pagtsi-tsismisan, kahit naman sila ay nagpapayabangan ay para na rin silang magkapatid sa dami ng kanilang pinagdaanan.
Hindi nakatiis si Roda at ipinagluto si Norma ng paborito nitong empanada at dinala sa kaniyang bahay.
“Norma, pasensya ka na ha, aaminin ko naiinggit ako sayo, kasi ikaw buo kayo palagi ng pamilya mo, sa gabi nakikita ko masaya kayong naghahapunan, samantalang ako minsan mag-isa pa pag ginagabi si Abi.” Wika niya.
“Ako nga tong naiinggit sayo eh, lahat ng kasi ng mamahaling bagay meron ka, isang hingi mo lang sa asawa mo binibigay niya agad, samantalang ako mumurahin na, sapilitan pa.” Sagot naman nito.
Nagyakap ang magkumare at sabay nilang kinain ang empanadang dala ni Roda, binasbasan rin nila ang pagliligawan ng dalawang anak sa kondisyon na hindi na sila magpapakalat-kalat sa kalsada lalo na sa gabi.
Naging masaya muli ang pamumuhay ng kanilang mga pamilya at ang relasyon ng dalawang magkaibigan. Simula noon ay madalas ng inaanyayahan ni Roda si Norma sa kanilang tahanan upang hindi ito nalulungkot na mag-isa at iniwasan din nila ang pag-iinggitan sa isa’t-isa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.