Inday TrendingInday Trending
Pinahiya at Pinagtawanan ng Dalagita ang Kaklaseng Maitim ang Kili-kili, May Matindi Pala Itong Pinagdaraanan

Pinahiya at Pinagtawanan ng Dalagita ang Kaklaseng Maitim ang Kili-kili, May Matindi Pala Itong Pinagdaraanan

Nasa ikatlong taon na sa high school si Dianne, matalino siya at maganda kaya naman kilalang kilala siya sa buong eskwelahan. Dahil doon ay napaka-maldita niya at mahilig siyang pagtawanan ang mga estudyanteng mas mahina, iyong mga walang laban at hindi makakapalag.

“Sigurado akong ako nanaman ang pinakamataas sa research, what’s new ? Minsan nga wala nang challenge eh,” sabi niya sa kaibigang si Sophie habang nagwa-warm up sila, kasalukuyan kasi silang nasa P.E class. Lahat ng estudyante ay naka-jogging pants at T-shirt.

Sasagot pa sana ito nang mapasulyap sa kaklaseng si Magda, nakataas rin ang kamay nito at nag-stretch.”My God girl tignan mo yung kili kili ni Magda!” natatawang sabi nito.

Sinundan naman ni Dianne ang tinitignan ng kaibigan at maging siya ay natawa rin, “Hala ang itim! Bakit gano’n? Ano ang deodorant niya, Kiwi?”

“Huy! Shhh, wag kang maingay baka marinig tayo!” ani Sophie pero humahagikgik rin naman.

“Eh ano? As if naman takot ako sa kanya, wait,” sabi niya, nakaisip ng ideya. Inilabas niya ang cellphone at binuksan ang camera, kinuhanan ng picture ang walang kaalam-alam na kaklase.

Buong araw na pinagtawanan ng magkaibigan ang litrato ni Magda, nakadagdag sa pagka-kengkoy ang pagiging mataba nito, tagaktak ang pawis at hirap na hirap. Tapos ang kili kili, talaga namang tinalo pa ang uling sa itim.

Hindi pa nakuntento si Dianne at tumayo pa sa unahan habang wala pang teacher, “Guys, may ipapakita ako sa inyo. Come on! Look at me everyone,” tawag niya sa atensyon ng lahat. Nagtinginan naman sa kanya ang mga estudyante.

Inilabas niya ang litrato sa cellphone at nagtawanan ang mga ito, si Magda naman ay nakatungo lang at tila nais nang umalis.

“Ano na Magda? Anyare sa kili-kili? Parang taniman ng gabi, hilod hilod rin pag may time!” sabi niya at sinundan pa ng halakhak. Dumating na ang guro kaya tumahimik ang lahat pero mula noong araw na iyon ay naging tampulan na ng tukso si Magda,sa pangunguna ni Dianne.

Kahit na sinong dumidikit dito ay dinadamay niya rin sa pamamahiya kaya wala nang lumalapit sa pobreng dalagita. Palagi itong mag isa at malungkot na hinaharap ang araw araw. Nariyang ipa-print pa ni Dianne ang litrato at i-display sa unahan, ipakita sa ibang estudyante o idikit sa likod ng T-shirt ni Magda habang naglalakad ito.

Araw ng Sabado, tanghali na nagising si Dianne at kung hindi pa siya tinapik ng Mommy niya ay wala pa siyang balak na bumangon. “Hija, samahan mo naman ako sa doktor, medyo nahihilo ako. Highblood yata,” sabi nito.

Dali dali siyang naligo at nagbihis, ilang sandali pa ay nasa lobby na sila ng ospital at naghihintay. Dahil hindi pa nag aalmusal sa bahay ay nakaramdam ng gutom ang dalagita, nagpaalam siya sa ina na maghahanap ng mabibilhan ng pagkain. Sakto naman na may nakita siyang Vendo machine pagkaliko, didiretso sana siya nang makarinig ng mga hagulgol.

“Ma, bakit hindi na ako pwedeng pumasok?” sabi ng boses ng isang babae. Napakunot ang noo ni Dianne, kilala niya ang tinig na iyon. Pasimple siyang sumilip, tama, si Magda nga! Napukaw ang atensyon niya kaya nakinig na siya nang palihim sa sinasabi nito. Ano kayang drama nitong itim leki-leki na ito?

“Hindi mo ba narinig ang sinabi ng doktor anak? Kailangang obserbahan ka muna sa bahay, hindi biro ang diabetes mo. Pag tumaas ng sobra ang sugar mo, mahihilo ka. Pag bumaba, manginginig ka. At kapag di kinaya, malaki ang chance na ma-comatose ka. Tignan mo nga ang sarili mo Magda, nangingitim na ang singit singit ng katawan mo at leeg, ibig sabihin ay may problema sa sugar mo anak. Nag aalala lang ako, ayokong mawala ka sa akin,” naiiyak na ring sabi ng nanay nito.

“Pero ma, gustong gusto kong mag aral. Kahit mahirap..p-pumasok sa school. Kinakaya ko araw-araw.” sabi nito.

Tulala naman si Dianne, pahiyang pahiya siya sa sarili. Ngayon lang sumampal sa kanya ang katotohanan na ang sama sama niya. Ang pangingitim pala ng kili kili ni Magda ay sanhi ng sakit nito, at pinipilit lang nitong mag aral pero ginawa niya pa itong sentro ng katatawanan.

Pagsapit ng Lunes ay malungkot na pumasok si Dianne, ang mga kaklase niya ay todo abang kung ano ang susunod niyang plano kay Magda pero takang taka ang lahat na wala, inisip nilang hindi kais pumasok si Magda kaya wala munang pakulo si Dianne. Bagkus ay pinagkukuha pa nga ng dalaga ang lahat ng kopya ng litrato ni Magda na ipina-print niya tapos ay isinama sa mga tuyong dahon na sinisigaan ng school janitor.

Ilang araw ang nakalipas ay pumasok na rin si Magda, naroon na ang teacher nang biglang tumayo si Dianne.

“Ma’am pwede po ba akong magsalita? May sasabihin lang po ako kay Magda,” seryosong sabi niya.

Ang mga kamag aral nila ay may nakakalokong ngiti sa mukha, naiisip nilang heto nanaman, magsisimula nanaman sa pang aalaska ang dalagita. Si Magda naman ay nakatungo lang sa upuan, handa nang mapahiya.

“Okay, go ahead.” pagbibigay permiso ng guro.

“Magda, sorry.” panimula niya, napatigil ang lahat at umugong ang bulungan. Si Magda naman ay napatingala, di inaasahang iyon ang maririnig mula sa kanya.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Dianne,”Sorry kung ginawa kitang comedy, kung nasaktan man kita sa paanong paraan sorry talaga. Sobrang papansin ko, at naging masama ako sa’yo. Hindi ko naisip na bawat tao ay may kanya kanyang pinagdaraanan sa buhay. Hindi natin alam, kung ano ang hirap na dinaranas ng bawat isa para lang makapasok sa eskwela. Walang sino man ang may karapatang mamintas at pagtawanan ang kapwa, sobrang sorry talaga.” naiiyak na sabi niya.

Akala niya ay magmamatigas si Magda pero nagulat siya nang tumayo ito at yakapin siya, napangiti naman ang guro at shock na shock ang lahat.

Mula noon ay mas naging masaya na ang pagpasok ni Magda sa eskwela dahil talagang bumawi si Dianne, palagi siyang tinatabihan nito at naging magkaibigan pa sila. Hanggang ngayon, malapit pa rin sila sa isa’t isa.

Pareho na silang may sariling pamilya at ninang pa sila ng baby ng bawat isa. Hinding hindi magsisisi si Dianne na humingi siya ng tawad noon dahil kung pinalagpas niya ang pagkakataon ay wala sana siyang matalik na kaibigan at kumare ngayon.

Advertisement