Inday TrendingInday Trending
Pinlanong Kainin ng Nobyo ang Babaeng Ito, Isang Di Inaasahang Bayani ang Sasagip sa Kanya

Pinlanong Kainin ng Nobyo ang Babaeng Ito, Isang Di Inaasahang Bayani ang Sasagip sa Kanya

Umiiyak na naglakad si Martha sa hallway ng ospital, umuwi lang siya sandali upang magbihis at naiwan ang kanyang mga byenan na nagbabantay sa mister niya sa ospital. Saktong kaliligo niya lang nang makatanggap ng tawag mula sa mga ito, ipinatatawag siyang muli sa ospital. At alam niya, hindi magandang balita ang naghihintay.

Dahan-dahan niyang ibinukas ang pinto at naabutang umiiyak ang byenan niyang babae, hawak hawak nito ang kamay ng anak na nanghihina na dahil sa sakit na cancer sa utak.

“M-ma?” nanghihinang sabi niya.

“Hinahanap ka niya, baka raw hindi na magtagal sabi ng doktor,” humihikbing bulong nito. Lumabas muna ito ng kwarto at iniwan siya. Hinarap niya si Ernest, kahit na may sakit na ito ay mababakas pa rin ang gwapong mukha. Tandang tanda niya pa, noong araw na ikinasal sila. Dalawang taon pa lamang ang nakakalipas, bumubuo pa lamang sila ng pamilya. Wala pa nga silang anak at marami pang plano nang matuklasan nilang may brain cancer ang mister.

Nilapitan niya ang asawa at hinawakan ang kamay nito, pinilit naman ng lalaki na ngumiti. “Hi ganda,”

Napangiti siya at pasimpleng tinapik ito sa braso,”Hi Lieautenant Ernest Camacho.” bati niya rito, isa kasi itong Philippine Army. Bagamat wala na ang katikasan ng katawan nito dahil payat na payat na at nagapi na ng cancer.

“Hindi na siguro ako magtatagal.Wag kang malulungkot ha? A-ayaw ko ng malungkot ka, m-mas maganda kung nakangiti ka,” hirap na hirap na sabi nito.

“Paano pa ako ngingiti kung wala ka? Diyos ko Ernest, hindi ako mabubuhay. Hindi ko alam kung saan ko sisimulan,” pag amin niya at napahagulgol na. Nitong mga nakaraan kasi ay pinipilit niyang magpakatatag. At kahit pa inaasahan na nilang mawawala ang lalaki ay napakasakit pa rin pala kapag nangyayari na.

“Hindi kita iiwan, n-nakabantay lang ako lagi sayo, mi amor..” sabi ng lalaki at nawalan na ng hininga.

Napapitlag si Martha at nagising mula sa pagkakatulala nang higpitan ng nobyong si Daryl ang hawak sa braso niya. “Hoy, tutula-tulala ka nanaman.”

“P-pasensya na, may naalala lang ako,” sabi niya. Anim na taon na ang nakalipas nang mawala si Ernest at aaminin ni Martha na hanggang ngayon, mahal na mahal niya pa rin ang mister. Siguro nga mahina siya dahil ayaw niyang naiiwang mag isa, kaya nga nang manligaw itong si Daryl ay sinagot niya agad sa pag aakalang makakatulong iyon para sumaya at makamove-on sa pagkawala ng asawa. Pero mali siya, maling mali dahil naikukumpara niya lamang si Daryl kay Ernest. Kabaligtaran kasi sa mister, mainitin ang ulo ng lalaki at hindi siya nirerespeto.

Napaka-seloso rin, ngayon nga ay may business meeting siya sa probinsya at nagpumilit itong sumama. Pag minamalas nga naman,naubusan sila ng ticket para sa pinakamaagang flight. Kaya napilitan silang mag-barko.

“Iniisip mo na naman ang asawa mo? Patay na yon!” sabi nito.

Bago pa makasagot si Martha ay nakarinig sila ng sigawan ng mga tao, kasunod noon ay ang malakas na pag-uga ng barko.

Dahan-dahang iminulat ni Martha ang mga mata, lumingon siya sa paligid pero wala siyang ibang nakikita kung hindi mga puno at buhangin. Sa tabi niya ay ang nakaupong si Daryl, nakatitig ang lalaki sa bangkang di-hangin na nasira rin kani-kanina lang. Nagkaroon ng problema ang barkong sinasakyan nila at bigla na lamang sumiklab ang makina nito, mabuti na lamang at nakatalon sila agad at nakasakay sa bangka.

“Malas kang babae ka, kung ako mamamatay dito sinayang ko lang ang buhay ko sayo. Gaga ka kasi! Pa-meeting meeting kapa! Baka lalaki lang ang pupuntahan mo sa probinsya eh, ano masaya kana ngayon?! Paano tayo aalis ditong letse ka?!” bulyaw nito nang makitang gising na siya.

Binalot naman ng takot si Martha, iba ang galit na nakikita niya kay Daryl ngayon. Hinablot pa ng lalaki ang braso niya.

“Kaysa mag away tayo, mag isip nalang tayo ng paraan kung paano tayo matutunton ng rescue,” sabi niya.

Nag ikot sila sa lugar pero walang tao, wala ring mga prutas at madalang ang isda kaya wala silang makain. Pareho nang nanghihina ang dalawa, sobrang sama ng lasa ng tubig kaya maging iyon ay hindi nila mainom. Para bang may halos langis, marahil ay sanhi ng barkong nasunog. Hindi nila alam kung nasaan ang ibang pasahero.

Magda-dalawang araw na ay tila wala pa ring pag asa. Nagulat na lamang si Martha nang makita niyang matalim na nakatingin sa kanya si Daryl.

“What?” tanong niya rito.

“Kung hindi ako kakain mamamatay ako.” sabi nito. Magsasalita pa sana siya pero bigla itong tumayo at sinakal siya.

“A-ano ba, D-Daryl!”

“Isa lang ang pwedeng makaligtas rito Martha, at sisiguruhin kong ako yon! Magsakripisyo kana, magsama na kayo ng asawa mo!” sigaw nito. Malapit nang panawan ng malay ang babae nang pareho silang mapalingon sa tunog ng isang helicopter. Lumapag ito sa hindi kalayuan at bumaba ang mga miyembro ng rescue team, nakawala si Martha kay Daryl at patakbong lumapit sa mga ito.

Akala ng babae ay hindi na siya makakaalis sa impyernong iyon, muntik pa siyang patayin ng walanghiyang nobyo. Nanginginig pa rin siya hanggang makasakay sa helicopter. Nang madala sa ospital ay doon lang tila nagising sa takot si Martha.

“S-salamat,” sabi niya sa isa sa mga lalaking nag-rescue sa kanila.

“Wala hong ano man, tiyak na nag aalala na ang mister ninyo.Paano nyo ho pala siya na-contact?” tanong nito sa kanya.

“H-ho?” lito namang tanong ni Martha. Una sa lahat, wala siyang cellphone.Pangalawa, sino ang sinasabi nitong mister na kinontact niya?

“Ah may tumawag ho kasi sa amin, sinabi ang location nyo.Ang sabi niya, bilisan namin at nasa peligro ang misis niya.” paliwanag nito.

“S-sino raw ho?” gulat na tanong niya.

Saglit na nag isip ang binata, tila ba inaalala ang pangalan, bago nagsalita.

“Lieutenant Ernest Camacho,” nakangiting sabi nito.

Hindi makapaniwala si Martha, imposible. Hindi pa man din siya nakakakibo nang muling magsalita ang binata sa harap niya.

“Sabi niya rin po pala, hindi ka raw niya iiwan.Nakabantay raw lagi siya sayo, mi amor. Naks, ang sweet nyo pong dalawa ma’am, swerte kayo sa mister nyo. Sige ho,” sabi nito at tumalikod na.

Napahawak naman sa dibdib niya si Martha, hanggang ngayon ay tinutupad ni Ernest ang pangako nitong babantayan siya. At naisip niyang kuntento na siya roon, hindi niya na kailangan pa ng ibang lalaki para punan ang pagkawala ng mister dahil alam niya namang nasa tabi niya lamang ito palagi.

Nagsampa siya ng kaso laban kay Daryl upang di na ito makalapit pa sa kanya. Mag isa na lamang sa buhay si Martha pero maligaya pa rin siya, ngayon niya napatunayang kahit kailan ay walang makakapantay kay Ernest.

Advertisement