Matapos ang Matagal na Paghihintay ay Nabuntis rin ang Babae, Pero Isang Di Inaasahan ang Mangyayari
Nakangiting itinupi ni Rina ang babero, ipinatong niya iyon sa ibabaw ng mga maliliit na damit para sa sanggol. Hindi niya maiwasang maalala ang lahat ng hirap niya sa pagbubuntis, maging ang gastos at sakripisyo maipanganak lamang ng ligtas si Sophie, ang kanilang panganay.
Ang tagal ng hinintay nila bago siya nabuntis, pitong taon na rin silang kasal ng asawang si Ralph bago dumating ang baby. Akala nga niya, wala nang pag asa. Pero may iba pa palang plano ang Diyos. Ilang sandali pa ay nakarinig siya ng katok mula sa pinto, sumilip ang kanyang ina.
“Nak? Kain ka muna, ilang araw ka nang walang tulog at kain,” sabi nito sa kanya. Totoo iyon, ganito yata talaga kapag nanay na, makakalimutan na ang sarili at ang mundo ay iikot nalang sa anak.
“S-susunod na po ako,” nakangiting sabi niya. Paglabas niya ng kwarto ay nadatnan niyang kumpleto ang mga kamag anak at kaibigan niya, lahat ay nais na makita ang bagong baby. Inalalayan siya ng mister sa paglalakad dahil nanghihina pa siya, dalawang linggo pa lamang ang nakalipas mula nang isilang niya ang anak.
“Ano’ng gusto mo, kape o gatas?” masuyong tanong ng lalaki.
“G-gatas nalang, bawal akong mag-kape dahil dumedede sa akin si Sophie,” paliwanag niya.
Tumango lang naman ang lalaki at nagtimpla na. Habang kumakain siya ay sumisilip pa rin siya sa salas, ang kanyang ina ang nagbabantay sa baby.
“Ma, kakain lang ako. Makitingnan-tingnan si Sophie ha,” masuyong sabi niya. Tumango lang naman ang ginang, naiiyak. Palibhasa ay sabik sa apo.
Hinaplos ng mister ang kanyang kamay at tinitigan siya nito, “Gusto ko lang malaman mo na pinasaya mo ako dahil isinilang mo ang baby natin.Ikaw ang pinaka-strong na babaeng nakilala ko. Kahit ano pa ang harapin natin ay kakayanin natin tama? Kaya mo, tama?” sabi nito.
“Hindi ko alam, nanghihina pa ako eh,” biro nya. Totoo naman, masakit pa nga ang tahi sa pagkababae niyang napunit nang lumabas ang bata.
Makalipas ang ilang minuto ay nagbihis na siya, maging ang mister niya ay gwapong gwapo sa polo nitong puti. Nanghihina pa siya talaga kaya ibang tao na muna ang bumuhat kay baby Sophie, ito ang unang beses na makakalabas ang baby sa bahay nila.
Inalalayan siya ni Ralph na makababa sa sasakyan, ang higpit ng yakap nito.
“Ano ka ba, okay lang ako,” natatawang sabi niya. Bakit ba nag iiyakan ang lahat ng tao, por que mamamasyal silang pamilya, naiiyak na?
“Hon, nandito lang ako lagi,” sabi nito. Napalingon naman sila pareho nang magsalita ang pari.
“Pwede na po kayong mamaalam sa anghel.”
Doon natauhan si Rina, tinitigan niya ang sanggol na nasa kabaong.
Narito sila ngayon sa sementeryo dahil libing na ni Sophie, isang linggo lang nabuhay ang bata dahil may sakit ito at maraming komplikasyon. Gustong magtanong ni Rina kung bakit, ang tagal nilang hinintay mag asawa, tapos ay kukunin rin pala. Gusto niyang magalit sa Diyos pero pilit niyang pinaniniwala ang sarili na may plano ito.
Hinimas niya ang salamin ng ataul na napuno na ng luha niya, “P-paalam anak. Mahal na mahal ka ng Mommy,” masuyong sabi niya.
Gustong gusto niya itong yakapin, ihele at alagaan, pero pinahiram lang talaga sa kanya ang baby. Nahimatay si Rina matapos ang libing at kung hindi dahil kay Ralph na hindi siya iniwan ay baka nabaliw na siya.
Unti unti ay nakabangon ang babae. Sa tulong ng dasal at ng kanyang pamilya.
Makalipas ang isang taon ay nakaramdam siya ng pamilyar na pagkahilo pero di niya na inintindi iyon. Baka kasi umasa lang siya tapos ay negative nanaman ang pregnancy test, pinabayaan niya na lamang. Pero hindi niya naman inaasahan na bigla na lamang siyang matutumba.
Pagmulat niya ay ang nakangiting mister ang kanyang nabungaran, “Mahal tayo ng Diyos Rina, mahal na mahal niya tayo,” paulit ulit na sabi nito habang hinahalikan siya sa noo, sa tungki ng ilong at sa labi.
2 months na pala siyang buntis, at talagang swerte dahil nang magpa-ultrasound ay kambal pa ang kanilang anak! Naging mahirap ang pagbubuntis niya pero napawi lahat ng iyon dahil isinilang niya ang kambal na sobrang healthy.
Ngayon ay masaya na si Rina, alam niya rin na masaya na sa piling ng Diyos ang anghel niyang si Sophie. Hindi siya nagsisi sa hindi niya pagkwestyon sa Panginoon dahil pinatunayan lamang nito na may mas maganda itong plano para sa kanya.