Sinikap ng Babae na Magtapos sa Kursong Abogasya Upang Matulungan ang Kapatid na Maling Naakusahan ng Bagay na Hindi Naman nito Ginawa
Hayskul pa lamang si Lou nang makulong ang kaniyang kuyang si Lemuel. Inakusahan ito ng mayamang mag-asawa ng pagnanakaw sa kanilang bahay at pagpaslang sa kanilang kasambahay. Naniniwala si Lou na hindi ito magagawa ng kaniyang kuya dahil kasama niya ito nang gabing pasukin ang bahay ng mag-asawa.
“Kuya konti na lang, pag nakapasa na ako sa bar exam ay muli kong ipapabukas ang kaso mo, papatunayan nating wala kang kasalanan.”
“Salamat Lou, ikaw na lang ang pag-asa ko, wala akong kalaban-laban sa mayayamang iyon.”
“Hindi ko nga maintindihan kung bakit hindi sila naniwalang magkasama lang tayo sa bahay ng araw na iyon, parang naghanap na lang sila ng maituturo.”
Puspusang pinagaralan ni Lou ang abogasya para sa kaniyang kapatid. Isa siya sa pinakamagagaling sa kaniyang klase kaya naman kampante siyang maipapasa ang nalalapit na bar exam. Itinaga niya sa bato na palalayain ang kanyang kuya oras na makuha ang kaniyang linsesya bilang abogado.
“Kuya!! May maganda akong balita sa ‘yo, abogada na ako.” Wika niya sa muli niyang pagdalaw sa kapatid.
“Talaga? Ang galing galing mo talaga, congrats utol, masaya ako para sa iyo.”
Mahigpit niyang niyakap ang kapatid at ipinangakong aasikasuhin ang muling pagbubukas ng kaniyang kaso upang mapawalang sala ito. Araw-gabi niyang pinag-aralan ang gagawing pagdepensa at nangalap ng mga importanteng impormasyon para rito, kinausap niya rin ang ilan sa malalapit nilang kapitbahay upang tumestigo para sa kapatid.
“Isang pabor sana ang hihingin ko sayo, naalala mo ‘yong gabi bago damputin ng awtoridad si kuya?” Wika niya.
“Oo, dumaan siya sa tindahan ko noon eh, nagkakwentuhan pa nga kami.”
“Kailangan kasi namin ang tulong mo, baka pwede ka namang humarap sa husgado at isalaysay ang gabing iyon?”
Dahil na rin sa malapit ang loob nila sa kapitbahay ay agad itong pumayag sa hinihinging pabor ni Lou. Hindi ito nagdalawang isip na tulungan ang inosenteng si Lemuel. Kaya naman malakas ang loob niyang ipangako sa kapatid ang kalayaan.
“Pangako kuya, pagkatapos ng kasong ito ay malaya ka na. Maghanda ka na, sa susunod na linggo ay uumpisahan na muli ang paglilitis.”
“Hind ko alam kung paano ka pasasalamatan Lou, napakaswerte ko sa iyo bilang kapatid.” Sagot nito.
Dalawang beses sa isang buwan ang naging paglilitis kay Lemuel, sa bawat pagtatapos nito ay nabubuhayan sila ng loob dahil nakikita nilang pumapanig sa kanila ang tadhana. Mayroon ding isang taong nakapagpatunay na nasa tahanan lamang si Lemuel sa araw ng krimen, ang tindera sa kaharap na tindahan ng kanilang bahay.
“Pumunta po si Lemuel sa aking tindahan para bumili ng corned beef at noodles, ilang minuto pa nga kaming nagkwentuhan bago siya umuwi.” wika ng isa sa kanilang mga testigo.
“Nakita ba ng dalawang mata mo ang pagpasok niya sa pintuan ng kanilang bahay?” Tanong ng abogado ng kabilag partido.
“Oo nakita ko. Magkaharap lang ang bahay namin kaya di ko maiwasan na sundan siya ng tingin sa paglalakad, naging malapit na ang loob ko sa magkapatid na iyan dahil halos sabay kaming lumaki.”
Makalipas pa ang ilang buwang paglilitis ay napawalang sala na nga si Lemuel. Nagpalakpakan ang kanilang mga malapit na kaibigan at pamilya sa paglaya nito. Muli na siyang makakauwi sa tahanan at makakapagsimula ng bagong buhay.
“Salamat! Salamat sa inyong lahat na tumestigo at tumulong sa akin, lalo na sa iyo Lou, utang na loob ko ang lahat ng ito sa iyo.” Wika niya.
Mahigpit na niyakap ni Lou ang kaniyang kuya, sa sobrang saya nila ay pareho na silang lumuha. Kinuha na nila ang mga gamit nito at umuwi sa kanilang tahanan kung saan naghihintay ang malaking sorpresa para kay Lemuel. Naghanda sila ng salo-salo at naroon ang mga taong masayang naghihintay sa pag-uwi nito.
“Welcome Home, Lemuel!!”
Sigaw nila sa pagpasok niya. Isa-isa silang nilapitan ni Lemuel upang personal na magpasalamat. Wala namang mapagsidlan si Lou ng kagalakan dahil natupad niya ang pangako sa kapatid.
Ngayon ay taas noong hinarap ng magkapatid ang mga hamon ng buhay. Laking pasasalamat ni Lemuel sa pagkakataong ibinigay sa kaniya para maipagpatuloy ang buhay sa labas ng bilangguan.