Inday TrendingInday Trending
Umuwing Luhaan sa Pinas ang OFW dahil Naloko ng Agency, May Mas Maganda Pa Palang Oportunidad na Naghihintay sa Kanya

Umuwing Luhaan sa Pinas ang OFW dahil Naloko ng Agency, May Mas Maganda Pa Palang Oportunidad na Naghihintay sa Kanya

“Aba, Berna at bakit hindi ka man lang nagpasabing uuwi ka? Ano ba ang nangyari sa iyo at maluha-luha ka na riyan?” Tanong ng kapatid na si Sally.

“Niloko kami ng agency.Nang dumating ako roon kasama ang iba pa ay wala palang naghihintay na trabaho sa amin! Lahat naman ginawa namin para makahanap doon ng trabaho pero pilit kaming pinauwi ng agency, kung hindi raw ay ire-report kami at ipapakulong. Kaya heto,” tuluyan nang napahagulgol si Berna.

Tinulungan siya ng kapatid ng kanyang ina na si Tita Marga at sinagot nito ang placement fee para makaalis siya patungong Singapore.

Kahit labag sa kalooban ay umalis si Berna palabas ng bansa. Hirap ng buhay ang nagtulak sa kanya para gawin iyon.

Kahit malungkot ang pamilya ni Berna ay nauunawaan naman ng mga ito ang kanyang pag-alis dahil ito ang maaring makapagbigay sa kanila ng magandang buhay.

Lumipas ang ilang buwan ay hindi na siya nakapagpadala ng pera. Alalang-alala ang kanyang mga magulang na sina Mang Roman at Aling Nelia.

At ito nga, bigla na lamang siyang umuwi na hindi inaasahan.

“Hayaan mo na, anak. Ang mahalaga ay nasa mabuti kang kalagayan,” sabi ni Aling Nelia sa anak at mahigpit itong niyakap.

“Ang mahalaga ay ligtas kang nakauwi rito, anak,” wika naman ni Mang Roman.

Akala nila ay iyon lang ang problema. Nalaman nilang ang ibinigay ng kanyang Tita Marga na placement fee ay hindi pala tulong, ito pala ay utang na mayroong napakalaking interes. Hindi nila malaman kung ano ang gagawin dahil wala silang ibang pagkukunan ng pambayad.

“Inay, ganoon ba kawalang puso si Tita Marga at nagawa pa niyang kunin ang ating lupa?” malungkot na tanong ni Sally sa ina.

“Kayo na magpasensya sa Tita ninyo. Kahit noong mga bata pa kami ay ganyan na ang ugali niya. Ayaw na ayaw niya na nalalamangan siya sa lahat ng bagay. Di bale at darating din ang araw na matatauhan din iyang kapatid ko,” ani Aling Nelia.

Nang wala silang maipambayad ay kinuha ng kanyang Tita ang kanilang lupa. May awa pa rin ang tiyahin at itinira ang kanilang bahay na malapit sa palayan.

Dahil walang trabaho si Berna ay pinagtiyagaan nila ang kinikita ng kanyang mga magulang sa pagtitinda sa palengke. Malaking tulong iyon para makaraos sila sa araw-araw.

Pinagkakasya nina Mang Roman at Aling Nelia ang maliit nilang kita habang hindi pa nakakahanap ng trabaho sina Berna at Sally.

Hindi nagtagal ay isang magandang oportunidad ang dumating kay Berna. Sinabihan siya ng kanyang matalik na kaibigan na si Carol na nangangailangan ng domestic helper sa Pakistan kung saan naroon ang tiyahin nito.

Malapit din siya sa tiyahin ni Carol kaya nang malaman nito ang nangyari sa kanya ay gumawa ito ng paraan para tulungan siya.

Nakapunta siya sa Pakistan dahil sa tulong ng tiyahin ni Carol. Hinanapan siya nito ng trabaho roon at ito rin ang gumastos para makaalis siya.

Matagal na itong OFW sa Taiwan at marami na itong kakilala at kaibigan na hiningan nito ng tulong para mahanapan siya ng trabaho.

Naranasan niya ang hirap ng paninilbihan sa mga Pakistani. Tinitipid siya ng mga ito sa pagkain kaya hindi siya nakakakain ng maayos. Napakababa rin ng tingin ng mga ito sa kanya bilang Domestic helper.

Mababa rin ang kanyang sahod sa kabila ng maghapong paggawa at paglilinis. Pero kahit ganoon ang pakikitungo ng mga amo sa kanya ay maayos pa rin niyang ginagampanan ang kanyang mga responsibilidad.

Kaya niyang tiisin lahat ng hirap sa trabaho ngunit minsan ay nakakaramdam din siya ng takot.

Kapag naglilinis siya ng kuwarto ng kanyang mga amo ay naglalakad ang amo niyang lalaki na nakahubo’t hubad sa kanyang harapan. Para bang ibinabalandra pa ang pagkalalaki nito. Hindi maiwasang mag-isip siya ng hindi maganda kaya sinabi niya iyon sa tiyahin ng kanyang kaibigan. Naunawaan naman siya nito kaya tinulungan siya nitong makahanap ng ibang trabaho.

Ipinasok siya nito sa isang restaurant bilang receptionist. Kumpara sa dati niyang mga amo ay mabait ang kanyang bagong employer. May mga nakasama rin siya roong mga kapwa Pinoy na naging mababait din sa kanya.

Sa una ay mayroon pa siyang mga hindi maintindhan sa mga gawain niya bilang receptionist ngunit matiyaga niya iyong pinag-aralan. Pinilit niyang matutunan lahat ng puwedeng matutunan sa kanyang trabaho. Tinutulungan din siya ng mga kasama niya para mas mapabilis an kanyang pagkatuto.

Napansin ng kanyang employer na napakabilis niyang matuto. Hindi nagtagal ay na-promote siya bilang Assistant manager sa restaurant.

“Congratulations, iha! Sabi ko na nga ba at magtatagumpay ka, e!” sabi ng tiyahin ni Carol na si Tita Linda.

“Salamat po. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi ko mararating ito,” aniya sa mapagkumbabang tinig.

Dahil sa kanyang pag-asenso ay unti-unting gumanda ang kanilang buhay. May magandang trabaho na rin ang kapatid ni Berna na si Sally sa isang hotel sa Makati. Pinatigil na niya ang mga magulang sa pagtitinda sa palengke. Malapit na rin nilang mabawi ang kaniang lupa na inangkin ng kanyang Tita Magda.

Napagtanto ni Berna na napakabait ng Diyos. Kailangan lamang na manalig at magtiyaga para makamtam ang magandang hinaharap.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement