Inday TrendingInday Trending
Makina ng Buhay ni Nanay

Makina ng Buhay ni Nanay

“Kuya Adel, hindi ka ba naaawa kay nanay? Hirap na hirap na siya,” malungkot na sabi ni Hazel habang nakatingin sa kanilang nanay na nakaratay sa higaan. “Ano bang sinasabi mo, Hazel? Ginagawa ko nga ang lahat para mabuhay ang nanay!” depensa naman ni Adel tsaka pinunasan ng bimpo ang mga braso ng ina.

“Kuya, isang buwan nang makina na lang ang bumubuhay kay nanay. Pagpahingahin na natin siya,” mangiyak-ngiyak na sagot ng dalaga dahilan para kumunot ang noo ng lalaki.

“Oo nga, kuya. Palaki na rin nang palaki ang bayarin natin dito sa ospital,” sabat naman ng kanilang bunsong kapatid na si Jonas dahilan para magpanting ang tenga ng lalaki.

“Wala akong pake kung hanggang isang taon siya dito o kung lumaki pa lalo ang bayarin natin. Basta buhay ang nanay at humihinga gagawin ko ang lahat. Hindi pa ito ang katapusan niya. Gagaling pa siya. Wala man lang kayong utang na loob. Hindi niyo man lang ipaglalaban ang nanay!” galit na wika nito tsaka itinigil ang pagpupunas sa ina.

“Kuya, magising ka na sa katotohanan! Wala na ang nanay, matagal na. Makina na lamang ‘yan! Hayaan na natin siyang magpahinga. Tama na ang pagpapahirap sa kaniya, kuya,” hindi papatalong sambit ni Hazel dahilan para lumabas ng silid ang kanilang kuya.

Panganay sa magkakapatid si Adel. Bata pa lamang sila ay siya na ang pinakamalapit sa kanilang ina kaya naman labis na lamang ang kaniyang pagpipigil sa kagustuhang pagpahingahin ng kaniyang mga kapatid ang kanilang ina. “Mama’s boy” nga kung siya’y tawagin. Kahit na nagka-edad na siya at nagkaroon ng sariling pamilya ay hindi niya pa rin nagagawang malayo sa piling ng kaniyang ina. Bago at pagkatapos ng kaniyang trabaho ay pupuntahan niya muna ito sa bahay ng kanilang bunsong kapatid para kamustahin.

Isang buwan nang nakaratay sa ospital ang kanilang ina dahil sa stroke. Pangalawang atake na ito ng kanilang ina kaya naman labis nang naaawa ang dalawang magkapatid sa hirap na dinaranas nito dahil sa mga aparatong nakakabit sa katawan nito.

Masama naman ang loob ni Adel sa kagustuhan ng kaniyang mga kapatid kaya nang umalis siya sa silid ng ina ay agad siyang nagtungo sa kanilang bahay tsaka umiyak sa kaniyang asawa.

“Nakakainis ‘yong mga kapatid ko. Parang mga walang utang na loob kay nanay. Kinukulit na naman akong ipatanggal na ang makina at pagpahingahin na raw ito.” hagulgol nito sa asawa na agad naman siyang niyakap.

“Adel, sa tingin mo hanggang kailan kaya ni nanay?” tanong ng asawa ng lalaki dahilan para mapakalas siya sa pagkakayakap nito.

“Bakit mo sinasabi ‘yan? Kaya ni nanay! Walang hindi kakayanin ‘yon. Nataguyod niya kaming tatlo nang mag-isa lang! Tsaka, mahal, alam mong hindi ko kayang mawala siya,” depensa ni Adel.

“Pero kasi, mahal, kapag ang Diyos na ang bumawi sa buhay niya wala na tayong magagawa. Wala tayong karapatang ipaglaban ang bagay na kinukuha na kahit pa si nanay ‘yon. Naiintindihan kita. Nasaksihan ko kung gaano mo siya kamahal. Naiintindihan ko rin ang mga kapatid mo sa kagustuhan nilang pagpahingahin na siya. Pero mas naiintindihan ko si nanay ngayon. Tignan mo nga ang itsura niya. Lupaypay na, buto’t balat, hindi makaimik o magalaw ang daliri. Hindi ka ba naaawa sa kaniya? Ikaw na lang ‘yong hinihintay niya para makapagpahinga na siya.” malumanay na pagpapaliwanag ng asawa ng lalaki. Ito ang unang beses na nagsalita ito tungkol sa kagustuhan niyang manatili sa osiptal ang kaniyang ina.

Tila napaisip naman si Adel sa mga sinabi ng asawa. Napagtanto niyang sa sobrang pagmamahal niya sa kaniyang ina ay hindi niya ito sadyang napapahirapan. Labis siyang nanghihina sa problemang kinakaharap kaya naman wala na siyang magawa kung ‘di ang umiyak at magdasal.

“Diyos ko, bigyan niyo po ng lakas itong puso ko. Patawarin niyo po ako sa pagpigil sa kagustuhan niyong makuha ang nanay ko. Mahirap man para sa’kin itong desisyong ito alam kong hindi niyo ako papabayaan.” iyak ni Adel sa kanilang silid. Bigla naman siyang nakaramdam ng yakap mula sa kaniyang asawa.

Kinagabihan ay nagtungo sa ospital ang mag-asawa. Agad silang sinalubong ng dalawang kapatid. Agad namang niyakap ni Adel ang dalawa.

“Napagtanto ko na nagiging makasarili na ako dahil sa kagustuhan kong gumaling ang nanay. Napapahirapan ko siya nang hindi sinasadya kaya kahit mahirap man sa aking kalooban ay pumapayag na akong ipatanggal na ‘yong makina.” ika ni Adel sa dalawang kapatid. Bigla namang nagsi-iyakan ang mga ito.

“Nay, sige na. Magpahinga na po kayo. Pasensya na po kayo, ha. Pinahirapan pa namin kayo. Hindi ka namin makakalimutan, nay. Mahal na mahal ka namin,” bulong naman ni Adel sa kaniyang ina na nakahiga sa kama dahilan para lalong humagulgol nang iyak ang kaniyang mga kapatid.

Masakit man para sa kanila ay agad na nilang pinatanggal ang makinang bumubuhay sa kanilang ina. Wala pang sampung minuto ay agad na itong binawian ng buhay. Walang magawa ang magkakapatid kung ‘di ang umiyak at magyapusan.

“Salamat, Diyos ko. Alam kong ito ang pinakatamang desisyong nagawa ko,” bulong ni Adel habang yakap-yakap ang kaniyang mga kapatid.

Madalas dahil sa mga kagustuhan natin ay natututo tayong dumipende sa sarili nating kakayahan at nakakalimutan nating dumipende sa Maykapal. Ngunit kahit anong gawin natin kapag binawi na Niya ay wala na tayong magagawa kung ‘di tanggapin at magtiwalang aayusin Niya ang lahat.

Advertisement