Inday TrendingInday Trending
Ang Nag-iisang Babae na Nagmamahal Sa’kin ng Wagas

Ang Nag-iisang Babae na Nagmamahal Sa’kin ng Wagas

Bata pa lamang si Ross lagi na siyang kasa-kasama ng kaniyang lola kahit saan man ito magpunta. Mapa-palengke man o mall lagi siyang buntot nito.

Kahit ano mang ipabili niya ay bibilhin nito kaya naman wiling-wili siyang sumama dito. Aligaga rin kasi sa trabaho ang kaniyang mga magulang. Ni hindi na nga nila ito nagagawang kalaruin o kausapin man lang.

Ang lola rin ang tinuturing na tagapagligtas ni Ross dahil kapag umiiyak siya ay agad siya nitong napapasaya. Pakiramdam niya ay ligtas siya kapag kapiling niya ang kaniyang lola. Tinatawag niya pa nga itong “super lola.” Kaya naman labis ang kalungkutan ni Ross nang mapagdesisyunan ng kaniyang mga magulang na sa Maynila na sila manirahan.

“Super lola, pigilan niyo po si mommy na lumipat kami doon. Ayoko pong mahiwalay sa inyo,” nguso ni Ross sa kaniyang lola, tila nagpapaawa ito.

“Hindi pwede, apo. Kailangan niyong lumipat para mas malapit sa trabaho ng mommy mo. Pinangako niya namang dadalaw kayo dito kaya huwag ka nang malungkot at magpakabait doon, ha,” pagpapaliwanag naman ng matanda sa bata dahilan para bahagya naman itong napangiti nang malamang dadalaw sila minsan.

“Opo, super lola. Mamimiss ko po kayo,” malambing na wika ni Ross tsaka niyakap ng mahigpit ang kaniyang lola.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay ginising na sila ng matanda upang makapaghanda sa pag-alis. Pinaghanda pa sila nito ng almusal at pinaliguan ang kaniyang paboritong apo.

“Lola, kapag nasa Maynila na kami sino na magpapaligo sa’kin?” usisa ni Ross. “Eh, ‘di si mama mo o kaya maliligo ka nang mag-isa. Malaki ka na. Dapat alam mo na kung paano maligo nang mag-isa,” sagot naman ng matanda tsaka binuhusan ng tubig ang bata.

Mayamaya pa ay handa na ang lahat ng kanilang gamit. Oras na para umalis ang pamilya nila Ross. Labis ang iyak ng bata nang makitang maluha-luhang kumakaway ang kaniyang lola dahilan para magpumilit ito na magpaiwan na lamang. Agad naman itong binuhat ng kaniyang tatay para matigil na sa pagpupumilit at isinakay sa kotse.

Lumipas ang mga taon at hindi na nakabisita pa ang pamilya ni Ross sa matanda. Nawalan rin sila ng koneksyon dito dahil sa pagkaaligaga ng mga magulang ng lalaki. Humanap na lamang ang mga ito ng katulong upang may mag-alaga sa kanilang anak.

Ngunit ayaw ni Ross sa nag-aalaga sa kaniya. Pinagbubuhatan kasi siya nito ng kamay at kapag sinusumbong niya ito sa kaniyang mga magulang ay hindi siya pinaniniwalaan ng mga ito kaya naman mas lalong lumayo ang ang loob ng bata sa kanila.

Nag-iba ang ugali ni Ross lalo na nang magsimula siyang mag-aral sa kolehiyo. Hindi na niya pinahalagahan ang kaniyang pag-aaral at mas inuna niyang maghanap ng nobya para kahit papaano ay mapunan ang pagmamahal at atensyon na ninanais niya.

Hanggang sa nakilala ni Ross si Daniella na hindi kalaunan ay kaniyang naging nobya. Masaya siya sa piling nito at kitang-kita niya ang ligaya sa mga mata ng babae sa tuwing magkasama sila. Akala niya ay ito na ang makakapagbigay sa kaniya ng tunay na pagmamahal ngunit anim na buwan pa lamang ang nakakalipas simula nang magdesisyon siyang ibahay ang babae ay tsaka niya lang nalaman na hindi lang pala siya ang nobyo nito. Nahuli niya itong may kahalikan sa apartment na nirerentahan nila malapit sa kanilang paaralan dahilan para maguho ng tuluyan ang mundo ng binata.

Labis na nasaktan ang binata sa ginawa ng babaeng minahal niya ng todo. “Lahat na lang ata ng babae ay sasaktan ako. Una ang nanay ko, pangalawa ‘yong yaya ko at pangatlo ‘yang Daniella na ‘yan!” galit na wika ni Ross ngunit may bigla siyang naalala. “Pero teka. Nakalimutan kong may isang babaeng hindi ako sinaktan kahit pa minsan.”

Nang maalala ng lalaki na may isang tao pa palang nagmamahal sa kaniya nang lubusan ay agad siyang nagdesisyong puntahin ito. Gamit ang Waze at internet ay sinubukan niyang puntahan ang dati nilang bahay kung saan nakatira ang kaniyang minamahal na lola.

Pagdating niya doon ay agad niyang nakitang nakaupo sa harap ng bahay ang kaniyang lola. Dahan-dahan itong tumayo nang makilala siya.

“Apo ko! Kay tagal kitang hinintay! Alam mo bang simula nang umalis kayo ay araw-araw akong naghihintay dito sa labas? Sabi kasi ng mommy mo ay dadalaw kayo.” iyak ng matanda sabay yakap sa binata.

“Sorry po, super lola. Hayaan niyo po. Tutal nasa tamang edad na ako sasamahan ko na po kayo dito. Sobrang naligaw ako ng landas simula nang mawala kayo sa tabi ko.” Maluha-luha naman si Ross at hinigpitan ang yakap sa matanda. Doon rin ay ikinuwento ng binata sa matanda ang mga hirap na pinagdaan niya kasama na ang mga sakit na naranasan niya.

Kinumbinsi nga ng binata ang kaniyang mga magulang na doon na lang siya mamamalagi at mag-aaral sa probinsya. Agad namang pumayag ang mga ito lalo na’t may mag-aalaga na sa matanda.

“Super lola, simula ngayon ay ako na ang mag-aalaga sa inyo. Tutumbasan ko ‘yong pagmamahal na ipinaranas niyo sa’kin noong bata pa ako,” sambit ni Ross tsaka binuhat ang mga pinamili nila sa palengke ng kaniyang lola.

Simula noon pinagtuunan na ng pansin ni Ross ang kaniyang pag-aaral katulad ng pangaral sa kaniya ng kaniyang lola. Inalagaan niya rin ng mabuti ang kaniyang lola lalo na’t unti unti na itong nanghihina. Laking sisi niya sa mga panahong sinayang niya sa paghahanap ng pagmamahal sa iba gayong matatagpuan niya naman ito sa nag-iisang babae na naghihintay sa kaniyang pagbabalik.

Minsan talaga sa kagustuhan nating mapunan ang kakulangan sa ating puso ay mas lalo tayong naliligaw. Marapat lamang na huwag tayong panghinaan ng loob dahil may isang taong binigay ang Maykapal para magparamdam sa atin kung gaano tayo kaespesyal.

Advertisement