Inday TrendingInday Trending
Trinatong Parang Basura ng Binata ang Isang Kaklase; Anak Niya ang Nagbayad sa Kasalanang Nagawa Makalipas ang Maraming Taon

Trinatong Parang Basura ng Binata ang Isang Kaklase; Anak Niya ang Nagbayad sa Kasalanang Nagawa Makalipas ang Maraming Taon

Nasa huling taon na sa kolehiyo si Gerald, halos lahat ng nag-aaral sa unibersidad na iyon ay kilala siya. Active ang binata sa lahat ng gawain sa eskwela, gwapo siya, matalino at sikat. Lahat ay gugustuhing maging kaibigan niya, na-sampolan niya na kasi ang mga ito kung ano ang mangyayari kapag sumalungat sa kanya. Masarap siyang tropa, nakakatakot siyang kaaway.

Nagtayo si Gerald ng isang fraternity, isang samahan- kapatiran kung tawagin niya at marami ang gustong sumali roon, syempre, magiging sikat na rin sila kung kasama nila sa isang samahan si Gerald. Pero piling-pili lamang ang pinapayagan nilang makasali roon, iyong mga nakakalagpas lamang sa kanilang initiation. Ang initiation na iyon ay binubuo ng interview kung saan personal na tatanungin ni Gerald kasama ng dalawa pang lider ng grupo ang isang tao kung bakit nito gustong sumali, susunod ang dare kung saan uutusan nila itong gumawa ng kahit na ano para mapatunayan ang pagnanais nitong sumali.

Napangisi si Gerald at siniko ang mga kaibigan niya nang makitang dumadaan si Allan, isa sa mga pinaka-paborito nilang bully-hin.

“Ano na naman?” natatawang wika ng kaibigan niya.

“Pasalihin natin siya?” sabi niya rito, ngiti pa lang ay halatang may maitim nang pinaplano.

“Seryoso ka? Gusto mo maging brod natin yan?” hindi makapaniwala ito.

“Syempre hindi! Tanga ka rin no? Dadagdagan natin yung initiation,” bulong niya rito.

“Huy pre! Hazing? Bawal yan! Baka mapatalsik tayo sa school nyan, ikaw rin sayang ang record mo.”

“Hindi naman, tatakutin lang natin sya, manood ka na lang.” hindi na nakasagot pa ang kaibigan niya dahil umalis na si Gerald at naglakad palapit kay Allan. Nang matanaw naman siya ng huli ay agad na nanlaki ang mga mata nito.

“Hi Allan! Chill bro, gusto ko lang humingi ng sorry sa lahat ng nagawa ko before. New year na kasi, isa sa new year’s resolution ko ay, maging mabuting tao. Friends?” nakangiting sabi niya, inilahad pa ang kanang kamay upang makipag shake hands rito.

Nagtataka man si Allan sa biglaang pagbabago ng ihip ng hangin ay tinanggap na rin nito ang kamay ni Gerald.

“So I was thinking..may binuo kasi kaming Frat bro. Baka gusto mong sumali? Madali lang ang initiation mo bilang pagbawi ko na rin sa’yo. Hindi ka na mag-i-interview, diretso ka na sa dare. May ipapagawa lang sayo yung mga brothers natin tapos pag nagawa mo pasok ka na!” pang eengganyo niya.

“H-ha? Hindi ako sigurado eh, baka hindi ko kaya yan,” sabi ni Allan.

“Kaya mo yan bro. Syempre gustung gusto kitang makasama sa frat, parang proteksyon na rin yun. Brothers na tayo,” sabi niya at inakbayan pa ito.

“Talaga ba?” sabi nito at parang nagliwanag ang mukha. Di makapaniwalang ang isang ordinaryo at paltuking estudyanteng gaya nya ay magiging kaibigan ni Gerald. Di nagtagal ay pumayag na rin ito at nagsimula na ang pag-uutos nila. Nariyang gawin nilang katatawanan ang binata, utusang magnakaw, buhusan ng malamig na tubig, may isang pangyayari pa nga na ikinulong nila ito sa CR hanggang uwian na. Hindi na nila alam ang nangyari kay Allan kinabukasan dahil di na nila ito nakita pa sa eskwela.

“Dad? D-dito po ang CR,” sabi ni Andrew, ang anak ni Gerald. Kolehiyo na ito ngayon at pumunta si Gerald sa eskwela upang magbayad ng tuition fee nito. Habang nakapila siya sa school registrar ay bigla namang nakaramdam siya ng pagkaihi, mahaba pa naman ang pila dahil maraming magulang ang naroon kaya nagpasama na muna sya sa anak na pumunta sa banyo.

“Sige, ikaw hindi ka ba iihi?” tanong niya sa binata dahil parang ayaw nitong pumasok sa loob.

“Okay na po ako dito, mainit po dyan eh.” sabi nito. Tumango si Gerald at pumasok na sa isa sa mga cubicle. Hindi kasi katulad ng ibang CR ang ihian ng mga lalaki rito, may harang talaga na parang sa mga babae. Nasa loob pa siya ng CR nang makarinig siya ng mga binatilyong nagtatawanan.

“Tang *na nakita mo pano tumakbo si Andrew? Kup*l talaga ang p*ta, walang bay*g eh! Takot na sa CR palibhasa ilang beses ko nang ikinulong dito!” sabi ng isang boses. Anak niya ba ang pinag-uusapan ng mga ito? Di maiwasang makinig ni Gerald habang nasa loob.

“Sasali ko yan sa Frat natin bro, i-hazing natin. Tadyakan nyo, madali namang utuin yan.” sabi nito. Unti-unting nangilabot si Gerald lalo na nang marinig ang apelyido ng pinag-uusapan ng mga ito, anak niya nga! Lalo pa siyang kinabahan dahil tila ba nangyari na ang eksenang ito, ang pagkakaiba nga lang ay nabaligtad ang mundo, anak niya ang nabu-bully ngayon.

Hindi niya na kinaya pa ang mga pinag-uusapan ng mga ito, nagpa-plano ito kung paano uutuin ang anak niya at sasaktan. Lumabas siya sa cubicle at ganoon na lamang ang panlalaki ng mata ng mga binatilyo nang magpakilala siya. Binitbit niya ang mga ito sa opisina ng punong guro, hindi niya mahanap ang anak sa labas ng CR, mamaya niya na siguro ito kakausapin. Ang mahalaga ay mapigilan ang pinaplano ng mga binatilyo laban kay Andrew.

Habang naglalakad siya ay doon niya naisip lahat ng kalokohan niya, lahat ng kasalanan niya kay Allan na ang nais lamang ay maging kaibigan niya. Ang pinakamasakit sa lahat ay anak niya pa ang nagbabayad ngayon. Kung nasaan man si Allan, sana mapatawad siya nito. Sana hindi nasira ang buhay nito dahil sa mga ginawa niya, sana hindi ito nawalan ng kumpyansa sa sarili.

Kumatok siya ng tatlong beses sa opisina ng punong guro, pagpasok niya roon ay dire-diretso siyang nagpaliwanag.

“Sir, gusto ko lang hong i-reklamo ang mga ito na binubully ang anak ko. Tatay ho ako ni Andrew, narinig ko silang nag uusap sa CR tungkol sa frat at hazing, diba ho ay bawal iyon?” sabi niya, pero natulala siya nang makilala ang punong guro.

Si Allan.

Nakatitig lamang ito sa kanya, para bang may sasabihin ito pero pinigil na nito ang sarili at itinuloy ang panenermon sa mga binatilyo. Binigyan din nito ng warning ang mga estudyante na hindi tino-tolerate ng eskwelahan ang fraternity lalo na ang hazing o ang kahit na anong pananakit sa kapwa. Tulala lang naman si Gerald habang nagsasalita ito, para kasing tinatamaan rin siya.

Nang makalabas ang estudyante ay naiwan doon si Gerald, hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa kaharap.

“Gusto kong magalit sa iyo pero tapos na iyon, muntik nang masira ang buhay ko dahil sa ginawa nyo noon. Pero pinagpasa-Diyos ko na lang ang lahat, alam kong may parusang darating sa mga ginawa ninyo- pero di ko naman hinangad na anak mo ang makaranas noon.” panimula ni Allan.

“Sorry. Patawarin mo ako, ngayon ko lang nakita ang bigat ng mga ginawa ko. Biro biro lang yon at di namin inisip na tao ka rin. Sana mapatawad mo ako Allan..”

Hindi pa man din siya tapos na magsalita nang humahangos na pumasok si Andrew sa opisina ng punong guro, humihingal pa ito. “Dad! Ano’ng nangyari? Sabi ng mga nakakita binitbit mo raw sina AJ dito?”

Ang punong guro ang sumagot,”Wala hijo, pinagalitan ko lang ang mga bully. At pinatawad ang mga nagkasala,” makahulugang sabi nito. Napangiti na naman si Gerald, inakay niya ang anak palabas sa opisina.

Napakaluwag ng kanyang pakiramdam dahil alam niyang sa wakas, nakuha niya na rin ang kapatawaran ni Allan.

Advertisement