Inday TrendingInday Trending
Pinahiya ng Babae ang Ina sa Pag-aakalang Hihingan Nanaman Siya Nito ng Pera, Laking Pagsisisi Niya nang Malaman ang Tunay na Pakay Nito

Pinahiya ng Babae ang Ina sa Pag-aakalang Hihingan Nanaman Siya Nito ng Pera, Laking Pagsisisi Niya nang Malaman ang Tunay na Pakay Nito

Excited na si Aling Minda dahil uuwi na ang anak niyang si Desiree mula sa Australia, ni hindi na nga siya nag-almusal at dali-dali nang nagbihis para sunduin ito sa airport. Gustung-gusto niyang makasama ang anak kahit na sandali lang, makabawi man lang siya sa mga oras na hindi niya ito nakasama noon. Nang magdalaga kasi si Desiree ay hindi ito masyadong malapit sa ina dahil wala noon si Aling Minda, abala sa pagiging domestic helper sa Dubai para may maipangtustos sa anak. Nang makaipon naman ng sapat si Aling Minda ay tapos na rin ng kolehiyo si Desiree at mas piniling magtrabaho sa ibang bansa.

Doon na rin nakapag-asawa at nakapag -anak ang babae, sa ngayon ay dalawang taong gulang na ang baby niya sa napangasawang Pilipino rin. Umuwi lamang siya rito sa Pilipinas dahil may mga papeles siyang aasikasuhin, lingid sa kaalaman ng kanyang ina ay nais niyang sa Australia na tumira at wag nang bumalik pa rito. Malayo ang loob niya sa nanay, mali- galit siya rito. Naiinis siya sa lahat ng ginagawa nito, hindi niya naisip na para sa kanya ang lahat ng sakripisyo nito.

“Boy, paki-dalian mo ang drive ha at baka nasa airport na ang anak ko,” excited si Aling Minda. Sakay sila ngayon ng van na inarkila niya para salubungin ang anak, kasama niya ang mga tiya nito at pinsan. Lahat sila ay nais i-welcome si Desiree.

“Oho Ate Minds,” nakangiti namang sabi ng driver. Buti nalang at tila nasa panig nila ang swerte, mabilis silang nakarating sa airport. Kung sakaling inabutan sila ng traffic ay nalintikan na. Ilang minuto lamang na paghihintay ay natanaw niya na ang anak. Bagamat ibang iba na ang ayos nito, nagpa-blonde ito ng buhok at pinutulan iyon. Pero syempre, nanay siya kaya nakilala niya ito kaagad.

“Des! Desiree, narito kami!” excited na kaway niya, hinihingal pa ang matanda pero sobra lang talaga ang saya niya, tama ang dating ng kanyang anak, maipaaabot niya na ang regalo niya rito at sa apo.

Saglit na sinulyapan siya nito tapos ay dire-diretso nang naglakad papunta sa kanila, wala man lang excitement sa mukha nito. Umirap pa nga ito ng yakapin niya, malayung malayo sa reaksyon nito nang mga tiya at pinsan ang yumakap.

“Kain muna tayo, nagutom ako,” malamig na sabi nito kaya naman dumiretso sila sa isang malapit na fast food. Excited na tinabihan ni Aling Minda ang anak. Hindi naman ang panlilibre nito ang habol niya, masaya lang talaga siyang makasama ito.

“Anak, may sasabihin sana ako sa iyo,” bulong niya rito. Akmang dudukutin niya na ang regalo para rito nang bigla namang dumating ang kanilang order. Lahat ang mga tiya niya ay talaga namang sayang-saya sa natanggap na pagkain, nagsimula nang magkainan ang lahat pero wala pang dumadating kay Aling Minda.

“Tita, ano pong inorder mo?” tanong ng isa sa mga pamangkin ng matanda.

“H-ha? Ah..” di pa siya nakakasagot nang magsalita si Desiree.

“Ay, nakalimutan kita. Sorry ha, makihati ka nalang sa kanila kung gusto mo,” sabi nito, dire-diretso sa pagkain at di inintindi ang napahiyang ina.

Ngumiti lang naman si Aling Minda na para bang nahihiya, baka pagod lang ang anak niya kaya nagsusungit. Nag abroad rin siya at alam niya rin naman ang pakiramdam ng galing sa byahe.

“Anak, yun palang sasabihin ko. Iaano ko lang sana sa iyo ito, para na rin sa apo ko..” bulong niya pero tinignan sya ng masama ni Desiree. Padabog nitong inilapag ang kutsara at tinidor sa mesa kaya napatingin ang mga kamag anak sa kanilang dalawa, napatigil ngumuya ang lahat.

“Hindi ba kayo makapaghintay sa bahay bago ninyo ako utangan? Pabulong bulong pa kayo dyan bakit nahihiya kayo? Magkano ba ang kailangan nyo? O!” sabi nito bago inihagis sa mukha niya ang ilang lilibuhin. Maluha-luha si Aling Minda, hindi siya makapagsalita dahil hindi niya akalain na gagawin iyon sa kanya ng anak.

“Tara na nga, nawalan na ako ng gana,” sabi ni Desiree kaya nagsitayuan na ang mga kasama nila at sumakay na sila sa van.

Mabilis lumipas ang araw ng bakasyon ni Desiree at nakabalik na rin siya sa Ausrtralia. Di na nagkaroon pa ng pagkakataon na makapag-usap sila ng kanyang ina dahil palagi niya itong binabara, sus, uutang lang naman ito eh. Sigurado iyon, syempre wala na itong income ngayon kaya gagatasan na sya. Kahit nakabalik na siya sa ibang bansa ay hindi niya naisipang tawagan at kumustahin man lang ang nanay niya, hanggang isang araw ay nakatanggap sya ng phone call mula sa tiyahin niya.

“Des, wala na ang mama mo. Sumuko na siya sa komplikasyon ng diabetes.. salamat sa Diyos at mapayapa siyang kinuha. Ginigising namin kanina ay ayaw nang dumilat..” lumuluhang sabi ng kanyang tiya mula sa Pilipinas.

“Magpapadala nalang ako ng pera ‘ta. Hindi na naman ako kailangan dyan diba? Busy ako sa trabaho,” sabi niya.

“Desiree, wag mo naman itong gawin sa nanay mo. Wala siyang hinangad noon kundi ang mapabuti ka,” biglang tumigas ang boses ng kanyang tiya kaya wala na siyang nagawa, siguro ay sapat na ang dalawang araw. Hindi niya na hihintayin ang libing ng nanay niya.

Pagdating niya sa Pilipinas ay agad siyang sinalubong ng kanyang tiya, nagulat pa siya nang iabot nito sa kanya ang isang passbook sa bangko.

“Ano ito?” gulat na tanong niya.

“Iyan ang iaabot dapat sa iyo ng nanay mo. Ipon niya yan mula noong nakapag abroad siya, para sa iyo at sa apo niya raw.”

Binuklat ni Desiree ang passbook, buong buhay pala nito ay nag-iipon ito. Sa kagustuhan nitong maging maganda ang buhay niya ay puro pasakit pa ang isinukli niya.

Dahan dahan siyang lumapit sa ataul ng ina, pumatak ang luha niya sa salamin noon. Alam ni Desiree na kahit na anong pagsisisi man ang gawin niya ay huli na ang lahat. Namatay ang nanay niya na masama ang loob sa kanya.

Advertisement