Inday TrendingInday Trending
Pakialamera ang Lolang Ito sa Pagpapalaki ng Apo, Nakita Niya ang Perwisyo ng Pagiging Konsintidor Niya nang Magkaisip Ito

Pakialamera ang Lolang Ito sa Pagpapalaki ng Apo, Nakita Niya ang Perwisyo ng Pagiging Konsintidor Niya nang Magkaisip Ito

Nag-iisa lamang ang anak ni Aling Hilda at Mang Domeng, kaya naman nang mag-asawa ito ay di sila nagdalawang isip na doon na rin patirahin ang dalawa sa bahay nila. Ika nila, iilan na lamang sila sa pamilya ay maghihiwalay pa ba. Ang problema nga lang, masyadong nakikialam ang dalawang matanda sa desisyon ng bagong mag-asawa. Palaging may nakikita si Aling Hilda na mali sa ginagawa ng manugang niyang si Michelle.

“Art, pagsabihan mo nga iyang misis mo. Aba’y iniiwan sa crib ang bata! Noong maliit ka, talagang wala na akong nagawa sa bahay. Nakatitig na lamang ako sayo kasi ako yung tipo ng nanay na ingat na ingat,” sabi niya sa anak isang gabi.

“Ma, ingat na ingat rin naman si Michelle sa baby namin. Siguro ay na-tyempuhan mo lang na umihi sya noon, o may ginawa. Pero sure ako na di nya pinababayaan ang bata. Bigyan mo siya ng chance ma, first time mommy ang misis ko,” mapagpasensyang sabi ng kanyang anak. Sinagot naman iyon ni Aling Hilda ng isang irap.

Itong anak niyang si Art, nabilog na ng manugang niya ang ulo.

Apat na taon ang lumipas at papasok na sa eskwela ang apo ni Aling Hilda, si Chad. Nag-aayos ng gamit para sa eskwela ang mag inang Chad at Michelle nang marinig ni Aling Hilda na sinesermunan ng manugang ang kanyang apo.

“Ang gusto ko lang sana anak, when someone older talks to you, palagi kang gagamit ng ‘po’ at ‘opo’ dahil paggalang iyon,” malumanay na sabi nito.

“Michelle, baka naman pinupwersa mong mabuti iyang anak mo? Ano bang malay nyan sa mga ganoon eh bata pa iyan. Halika dito sa lola apo, inaapi ka ni Mommy.” sabi niya at inalo pa ang bata. Agad naman itong tumakbo sa kanya, nakakita kasi ng kakampi. Dahil likas namang pasensyosa si Michelle, at bukod sa mataas ang paggalang nito sa kanya ay sanay na rin sa ugali niya, di nalang ito kumibo. Napabuntong hininga na lamang.

Sinuwerte ang mag asawang Art at Michelle at pinadala sila ng pinapasukang kumpanya sa Amerika. Iyak ng iyak ang mag asawa dahil hindi pa nila maaaring isama si Chad doon, maiiwan ang bata kay Aling Hilda at Mang Domeng. Di naman nila matanggihan ang trabaho dahil para na rin ito sa magandang kinabukasan ng kanilang anak.

Tuwing uuwi sa Pilipinas ang mag asawa ay di rin nila masolo ang bata dahil palaging nakadikit ang lolo at lola nito, wala ring ibang ginawa ang dalawang matanda kung hindi kwestyunin ang pagiging magulang nila sa anak.

“Ma, naiintindihan ko naman pong mahal ninyo si Chad..at sobrang thankful po namin doon. Sana lang po kapag nandito kami bigyan nyo po kami ng pagkakataon na maging magulang sa anak namin..” magalang na pakiusap ni Michelle. Di na siya nakatiis, nagsisimula na kasi siyang makakita ng hindi magandang ugali sa bata, lumalaking spoiled ito.

“Hay Mich, maliit na bagay ay pinapalaki mo. Bata lang yan, at ano pa ba ang gusto mo ayan na nakakalapit ka na sa anak mo. Gusto lang naman namin makasiguro na safe ang bata, syempre ano ba ang alam mo sa pag aalaga,” sabi ni Aling Hilda.

“O! Ibigay mo na kay Hilda iyan at gabi na, matutulog na kami,” sabi naman ni Mang Domeng. Kung mag utos sila ay parang sila pa ang magulang ng bata.

Mabilis lumipas ang mga taon, hindi na bumabata si Aling Hilda at Mang Domeng. Tanging si Chad lamang ang kasama nila sa bahay, bagamat pinapadalhan naman sila ng mga magulang nito ng pera ay problemado pa rin ang dalawa. Paano kasi, lumaking walang modo at walang takot sa kanila si Chad.

Nariyang kupitan sila nito ng pera, at kung anu anong gawaing kalokohan sa eskwela. Lahat ng gusto nito dapat ay masunod, kung hindi ay magwawala ito. Hindi na kinaya ni Aling Hilda ang huling ginawa ng apo dahil ibinenta nito ang kanyang kwintas na mamahalin.

Nagpapanic siyang napatawag sa mag asawa sa Amerika kaya napauwi ang dalawa.

“Ma, pasensya kana po kay Chad. Patawarin nyo po kami..” sabi ni Michelle.

“Hindi, ako ang dapat na humingi ng tawad dahil kami ang may kasalanan bakit naging ganyan sya. Kung sana ay hinayaan kita sa sarili mong paraan, kung sana ay hindi kita pinangunahan, siguro ay lalaking maayos ang apo ko,” naluluhang sabi niya, napayakap pa sa manugang.

Natuklasan nilang may bisyo na rin pala ang binatilyo, gumagamit ito ng marijuana. Kinausap ito ng mag asawa at ipinasok sa rehab, hindi na nakialam ang lolo at lola sa desisyong ito. Naisip nila na dapat ay noon pa nila hinayaan ang totoong magulang ni Chad na magdesisyon para sa kanilang apo.

Ang sobra nilang pakikialam ang naging sanhi ng perwisyo nila ngayon.

Advertisement