Minahal ng Babae ang Isang Kuba, Nagulat Siya nang Malamang Ubod Pala Talaga Ito ng Gwapo at Nagpapanggap Lang
Wala pang isang taong naninirahan sa tiyuhin niya si Clara, hindi naman siya nagugutom sa puder nito ngunit nais niya nang umalis. Hindi na kasi kaya ng konsensya niya ang mga nakikita.
Nagtatrabaho sa palengke ang kanyang tiyo Delfin, may pwesto ito at ang misis nitong si Gina. Maayos naman sana ang kita ng dalawa kaya lang ay hindi sila marunong makuntento kaya pumasok na rin sila sa ilegal na pagbebenta ng mga bata. Natutunan nila ang ganitong gawain sa kumare nilang naninirahan na sa Amerika. Ito ang nagpayaman sa babae.
“Nag-message si Mr.Smith, naipadala na raw ang pera. Kailan mo ipapakita ang mga bata?” narinig ni Clara, kausap ng tiyo Delfin niya ang kanyang tiya Gina. Nagtutulog-tulugan lamang siya.
“Kanina may nauto ako. Iyong namamalimos sa overpass. Isinama ko rito satin pero maliligo lang raw sa kanila. Ang tangang bata, sabi ko bibigyan ko syang bente tuwang tuwa na.”
“Baka naman ikanta tayo nyan ha?” paniniguro ng kanyang tiyuhin.
“Hindi ah. Mangmang ang nanay, baldado ang tatay. Hindi na siya maaasikaso. Ewan ko nga kung saan maliligo ang batang iyon, eh wala naman silang bahay. Eto na pala eh! Very good!” sabi ng tiya niya nang matanaw ang pulubi.
Pumasok na ito sa kwarto, napapikit ng mariin si Clara dahil alam niyang paghuhubarin doon ang bata at magli-live show sa matatandang manyakis.
Kung may magagawa lang sana siya, hangga’t maaari ay winawarningan niya at hinaharang ang mga bata pero ang ilan ay nagagawa pa ring paniwalain ng tiyo at tiya niya. Lumabas nalang siya ng bahay, mamamatay lang kasi siya kaiisip.
“Anak ka ng tokwa! Ano ka ba naman Paeng, ganitong kinakabahan ako ay wag ka ngang susulpot sulpot diyan!” nakahawak na sabi niya sa binatang kaharap.
Di niya naman akalain na naroon ito sa tapat ng bahay nila sa ganitong oras ng gabi.
Napangiti ang binata. Gwapo si Paeng, mabait at masarap ka-kwentuhan. Kahit na kuba ito at may kaunting pilat sa mukha ay mababakas pa rin ang mala-anghel na ka-pogian nito.
“Ano ba kasi ang ginagawa mo dyan?” tanong ni Clara.
“Oorder sana ako ng pang-porkchop, ulam namin ni Father para bukas,” sabi nito. Oo nga pala, assistant rin ito ng kura paroko sa kanilang lugar.
Doon na ito natutulog sa simbahan. Ewan niya kung saan nanggaling, bigla nalang niyang nakitang naninilbihan sa simbahan mga isang buwan na ang nakalilipas. Sa totoo lang, sa sandaling panahon na kilala niya ito, ayaw niya mang aminin ay nahuhulog na ang loob niya.
“S-Sige mamaya sasabihin ko kay Tiyang,”
“Bakit, nasaan ba ang Tiyang mo?”
“Nandyan sa loob. Ano lang..may ginagawa lang.” sabi niya, hindi makatingin ng diretso rito.
“Ano ang ginagawa?” seryosong tanong ni Paeng.
“Ang dami mo ring tanong eh no? Basta may ginagawa.”
Tinitigan siya ng binata.”Clara, sa saglit na panahong nakilala kita ay alam kong mabuti kang tao. Alam kong naiipit ka lang sa sitwasyon. May magagawa ka Clara, basta magsalita ka lang.”
Ewan niya ba, sukat ng sabihin nito iyon ay napaiyak nalang siya bigla at napayakap rito. Takot na takot siya at galit sa kanyang sarili dahil tila kulang pa rin ang ginagawa niya para iligtas ang mga bata.
Inilahad niya kay Paeng lahat. Saglit na nagpaalam ang binata, iihi lang raw. Habang naglalakad ito palayo ay namasdan niya ang lalaki, ang bigat ng dinadala nito dahil malaki ang nakabukol sa likod pero bakit gwapo pa rin para sa kanya? Tila ba lumalagpas sa kapintasan nito ang kanyang nakikita.
Hinihintay niya si Paeng nang may dumating na mga pulis. Pinasok ng mga ito ang bahay nila at agad inilabas ang kanyang tiyahin. Sumunod ang bata na umiiyak at walang suot na pang-ibaba.
“Clara, tabi!” napalingon si Clara nang makita si Paeng na patakbo malapit sa kanya. Masyadong mabilis ang mga pangyayari dahil ang sumunod ay namalayan niya na lamang na nakadapa siya sa sahig at tinamaan ng bala sa likod si Paeng.
Sinalo nito ang putok ng baril na dapat ay sa kanya. Nang lingunin niya kung saan iyon nagmula ay nakita niya ang tiyuhin na inaaresto na rin ng mga pulis. Masama ang tingin nito sa kanya.
“Wala kang utang na loob Clara! Pinalamon ka namin!”
Hindi niya na inintindi ang lalaki, agad niyang nilapitan si Paeng na noon ay nakadapa.
“Diyos ko Paeng, bakit mo iyan ginawa? Wag mo akong iiwan..m-mahal kita!” palahaw niya ng iyak.
“Talaga?”
Nahimasmasan naman si Clara. “B-Buhay ka?” sabi niya, kinapa kapa pa ang kuba nito kung saan tumama ang bala.
“Mahal mo ako kahit na kuba ako?” pinipigilan nitong mangiti, parang wala namang iniinda!
Tumango ang dalaga, tatanggi pa ba siya? “Oo nga! Halika na, dadalhin na kita sa ospital!”
Pinigil siya nito.Dahan-dahang tumayo ang binata at kagulat-gulat na this time, hindi na ito nakayukod. Tinanggal rin nito ang pilat sa mukha na nakadikit lang pala.
Diyos ko, hihimatayin si Clara. Lalo pa nang may hinila ito mula sa likod at natanggal ang pagiging kuba!
Hindi makasalita ang dalaga kaya nagpaliwanag si Paeng.
“Ako si Rafael. Una sa lahat, hindi ako kuba. Pangalawa, asset ako ng pulis at misyon kong hulihin ang puno ng child trafficking dito sa lugar nyo..pangatlo, mahal rin kita. Pang-apat, at pinakamahalaga, pwede ka bang ligawan?” nakangiting sabi nito.
Yumakap si Clara sa binata dahil di niya alam ang sasabihin. Masugid siyang niligawan ni Rafael at di nagtagal ay sinagot niya na rin ito.