Inday TrendingInday Trending
Bigla na Lamang Nawala ang Anak ng Lalaki Habang Namamasyal Sila, Sa Ibang Bansa Niya na Pala Ito Makikita

Bigla na Lamang Nawala ang Anak ng Lalaki Habang Namamasyal Sila, Sa Ibang Bansa Niya na Pala Ito Makikita

Bagong salta ang mag-amang Gerry at Tristan sa Maynila. Nabalitaan niya kasi sa kanyang pinsan na maraming oportunidad sa lungsod kaysa sa probinsiya kaya hindi nagdalawang isip ang lalaki na subukan ang suwerte niya kasama si Tristan.

Tatlong taon nang biyudo si Gerry, mula nang mawala ang asawa ay itinuon na niya ang kanyang atensyon sa pinakamamahal na anak.

“Itay, ang ganda pala dito sa Maynila, ang daming matataas na building at malalaking bahay!” manghang sabi ng bata.

“Oo nga, anak! Hindi tulad sa atin na puro kubo lang!” aniya.

“Itay, saan kaya tayo puwedeng mamasyal dito?”

“Hindi ko rin alam, anak. Ngayon lang din kasi ako nakapunta dito, e. Kapag nakarating na tayo kay Tito Enteng mo papasama tayo sa kanya!”

Makalipas ang pitong oras ay nakababa na rin sila ng bus at sumakay naman sa jeep. Sinabi naman ni Gerry sa drayber kung saan sila nito ibaba. Nang marating ang lugar ay agad niyang hinanap ang bahay ng pinsang si Enteng. Nakita naman ng mag-ama ang hanap.

“Oy, insan, long time no see!” masayang bati ng lalaki.

“Naku, pinsan gumuguwapo ka, a!” aniya.

“Siyempre naman, malakas maka-guwapo ang Maynila. Halika tuloy kayo!”

Pinaupo sila ng lalaki sa maliit na sofa. Inilinga ni Gerry ang mga mata sa kabuuan ng bahay. Maliit ito at tanging tatlong tao lang ang maaaring magkasya.

“Ito na ba si Tristan, kay guwapong bata manang-mana sa akin!” biro pa ng lalaki.

“Oo, at excited na iyan na makapamasyal dito.”

“Ganoon ba, puwes ipapasyal ko kayo dito. Maraming magagandang pasyalan dito sa Maynila.”

“Pero, insan maiba ako. Maihahanap mo ba talaga ako ng trabaho dito?”

Inakbayan siya ng lalaki at binulungan.

“Siyempre naman, insan ako pa ba! Maraming trabaho dito, basta hindi ka lang mapili,” anito.

Matapos mananghalian ay sinamahan ni Enteng ang mag-ama na maglibot-libot sa lungsod. Pinuntahan nila ang Luneta Park, Intramuros at Fort Santiago. Tuwang-tuwa naman si Tristan nang marating ang mga nasabing lugar.

“Wow, ngayon lang ako nakarating sa ganito!”

“Ayos ba, anak? Mag-enjoy ka lang at marami pa tayong pupuntahan.”

Maya-maya ay nakaramdam ng tawag ng kalikasan si Gerry at pumunta muna sa pampublikong palikuran. Inihabilin niya muna ang anak sa kanyang pinsan.

Nakakita naman si Enteng ng mamang nagtitinda ng ice cream.

“O, Tristan huwag kang aalis ha? Ibibili lang kita ng ice cream,” wika ng lalaki.

“Sige po Tito, gusto ko ng ice cream!”

Nang lumabas si Gerry sa palikuran ay agad na hinanap ang anak.

“Tristan? Anak, nasaan ka na?!” sigaw niya.

Bumalik si Enteng na may dalang ice cream.

“Insan, nasaan na si Tristan? Bumili ako ng ice cream niya!”

“Ano, hindi mo kasama ang anak ko? E, saan nagpunta iyon?” nag-aalala niyang tanong.

“Sabi ko sa kanya huwag aalis, e! Saan kaya nagsuot ang batang iyon?”

Maghapong hinanap ng dalawa ang bata sa buong parke. Nagtanung-tanong na rin sila sa mga taong narooon pero walang nakakita sa kanyang anak. Hindi na malaman ni Gerry ang gagawin, sobra na siyang nag-aalala na baka may nangyaring masama kay Tristan. Sari-saring imahe na ang pumapasok sa kanyang utak. Mga imahe ng karahasan na hinding-hindi niya matatanggap kapag nangyari kay Tristan.

Kinaumagahan ay inireport na nila sa pulisya ang pagkawala ng bata.

“Sir, tulungan niyo po akong mahanap ang anak ko!” pakiusap niya sa pulis.

“Huminahon po kayo, gagawin namin ang makakaya namin para mahanap ang anak mo,” anito.

Lumipas ang mga araw na wala pa ring balita sa pagkawala ni Tristan kaya imbes na umasa sa mga pulis ay nagkusa na siyang hanapin ang anak. Nagpatulong siya kay Enteng na magpa-print ng mga litrato ng anak at ipinaskil sa mga poste at pader. Nagbabakasakali siya na may nakakita o kumukop sa kanyang anak. Buong araw din siyang nagbigay ng mga flyers sa mga taong dumadaan sa kalye ngunit wala pa ring nakakakita rito.

“Diyos ko, nasaan ka na ba, anak!” bulong niya sa sarili.

Latag na ang dilim nang makabalik siya sa bahay ni Enteng.

“O, insan, anong nangyari sa paghahanap mo? Lumapit nga pala ako kanina sa opisina ni Mayor, baka may maitulong siya sa paghahanap kay Tristan.”

“Wala pa rin. Maghapon na akong nagtanong sa mga taong nakakasalubong ko pero ni isa ay walang nakakita sa anak ko. Salamat nga pala, pinsan sa lahat ng tulong mo,” aniya.

“Balewala sa akin iyon, pinsan. Huwag kang mag-alala mahahanap din natin si Tristan.”

Ang paghahanap ni Gerry ay umabot ng buwan at mga taon. Nagawa na niya ang lahat, nilapitan na niya ang mga dapat lapitan pero hindi pa rin niya nakita ang anak. Dumating na sa puntong gusto na niyang sumuko pero hangga’t nabubuhay siya ay umaasa pa rin siyang magtatagpo pa rin ang landas nilang mag-ama.

Nabigyan ng pagkakataon si Gerry na makapagtrabaho sa ibang bansa. Napag-isipan niya na gugulin muna ang sarili sa pagtatrabaho para makalimutan ang pagkawala ng anak. Hindi pa rin naman niya itinitigil ang paghahanap rito, sa katunayan ay ipinagkatiwala niya iyon sa pinsang si Enteng.

Natuloy siyang makapunta sa Hong Kong. Isang Linggo na siyang naroon nang mapadaan siya sa isang maliit na eskinita nang may marinig siyang kumakanta. Hindi siya maaaring magkamali, pamilyar sa kanya ang awit na iyon.

Hinanap niya kung saan nagmumula ang boses hanggang makita niya ang isang binatilyo na nakaupo sa gilid ng kalsada. Sira-sira ang suot nitong damit at tadtad ng dumi ang buong katawan. Nakatungo ito habang kinakanta ang pamilyar na awitin. Agad niya itong kinausap.

“Boy, bakit mo alam ang kantang iyan? Sarili kong komposiyon iyan para sa anak ko,” tanong niya rito.

Nang iangat ng binatilyo ang ulo nito ay laking gulat niya nang makilala kung sino nagmamay-ari ng boses.

“T-Tristan? I-ikaw ba iyan, anak?” mangiyak-ngiyak niyang sabi.

Sa una ay hindi ito sumagot ngunit nang makilala ang mukha ng ama ay nagsimula na itong humagulgol.

“I-tay, itay!” paulit-ulit na sabi ni Tristan habang patuloy na umiiyak.

Niyakap niya nang mahigpit ang anak. Hindi niya inakala na sa ibang bansa pa sila nito magkikita.

Napag-alaman niya na dinukot ito ng mga sindikato at ipinagbili sa banyaga. Dinala ito sa Hong Kong, inalipin at sapilitang pinagtrabaho nang walang bayad. Inamin din nito na sa sobrang hirap na dinanas ay mas pinili na lamang nitong magpalaboy-laboy sa kalye.

Halos madurog ang puso ni Gerry nang malaman ang lahat ng pinagdaanan ng anak ngunit laking pasasalamat niya na muli silang nagkitang mag-ama.

“Narito na si Tatay, sumama ka na sa akin, anak. Hinding-hindi na tayo magkakahiwalay pa!” wika nito sa anak.

Iniuwi ni Gerry ang anak sa inuupahan nitong apartment at doon sila tumirang mag-ama habang nagtatrabaho siya sa Hong Kong. Nang matapos ang kanyang kontrata ay bumalik sila sa Pilipinas at doon muling sinimulan ang panibagong buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement