Mula nang mapilay ang kaliwang paa si Mang Kadyo dahil sa isang aksidente ay hindi na ito nakapaghanapbuhay. Gamit lang ang saklay kaya ito nakakalakad.
Tanging ang asawang si Aling Pacita ang kumakayod sa kanilang pamilya. Ang bunsong anak nilang si Abby ay may kakulangan sa pag-iisip at hindi nagsasalita, ang pangalawang anak na si Celia ay nag-aaral naman sa Maynila at ang panganay na si Royet ay tambay lang at walang trabaho.
Naturingan pa namang panganay ang lalaki ay napakatamad nito at walang ginawa kundi ang kumain at matulog. Sa tatlo niyang anak ito ang itinuturing nilang mag-asawa na pasang krus.
“Royet, bumangon ka na nga riyan at tanghali na! Tumulong ka naman sa tindahan!” sigaw ni Aling Pacita.
“Ano ba inay, kita mong natutulog ang tao, e!” padabog na wika ng lalaki.
Ganito kung sagut-sagutin ni Royet ang ina tuwing gigisingin siya nito sa pagkakatulog. Wala na lang magawa si Aling Pacita kundi ang pagpasensiyahan ang anak.
Kung pabalang nang sumagot ang lalaki kapag hindi ito nakainom, mas masahol pa ito kapag nasayaran na ng alak ang lalamunan dahil nagiging demonyo ito.
Isang gabi ay umuwi itong lasing na lasing. Nakita nito si Mang Kadyo na natutulog sa lapag. Dahil wala sa huwisyo ay binuksan nito ang zipper ng suot na maong short, inilabas ang pagkalalaki at inihian sa mukha ang ama.
Napabalikwas ng bangon ang matanda nang sumambulat sa mukha ang mabahong ihi ng anak.
“Royet naman! Alam mong natutulog ako, bakit mo ako inihian?” sabi ni Mang Kadyo.
“Wala akong pakialam kung natutulog ka, e. Gusto kitang ihian aangal ka ba? Hik!” anito sa lasing na boses.
Pinigilan ni Mang Kadyo ang sarili at itinuloy na lang ang pagtulog.
Kinaumagahan, habang abala si Aling Pacita sa pag-aasikaso ng tindahan ay pumasok si Royet sa kuwarto nito. Kinuha niya ang lahat ng pera na nasa loob ng alkansya ng ina. Ang mga perang iyon ay ang isang taong ipon ni Aling Pacita sa pagtitinda. Hindi sinasadyang makita ni Mang Kadyo ang pang-uumit niya.
“Bakit mo kinukuha ang pera ng nanay mo?”
Sa sobrang inis ay sinikmuraan ni Royet ang ama at tinakot.
“Hindi lang iyan ang matitikman mo sa akin kapag nangialam ka pa!” anito sa maangas na tono.
Halos hindi makatayo si Mang Kadyo sa ginawa ng anak. Hindi niya akalaing sasaktan siya nito.
Kinagabihan ay nahuli naman ni Mang Kadyo ang anak na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa kuwarto nito.
“Diyos ko, anak! Kailan ka pa gumagamit niyan?”
Imbes na magpaliwanag ay muling inundayan ng suntok ng lalaki ang ama sa sikmura. Ang kulang na lang ay mamilipit sa sakit si Mang Kadyo sa lakas ng suntok ng anak.
“Wala kang nakita, naiintindihan mo?” anito habang nakadiin sa tagiliran niya ang hawak nitong lanseta.
Dahil sa takot ni Mang Kadyo na madamay ang asawa at kapatid ay nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan ito sa pagbibisyo ng anak.
Sa tuwing gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot ay tahimik lang siya at walang imik.
Isang gabi, habang himbing na himbing na natutulog ang mag-asawa ay umuwi na namang lasing si Royet. Nakagamit din ito ng ipinagbabawal na gamot. Dahan-dahan itong pumasok sa kuwarto ng bunsong kapatid na si Abby. Dahil may problema sa pag-iisip ang dalagita ay madaling nagawan ng kababuyan ng lalaki ang sariling kapatid. Napagsamantalahan ang kaawa-awang si Abby nang walang nakakaalam.
Lumipas ang ilang araw at abala pa rin sa pagbabantay ng tindahan si Aling Pacita at tanging si Mang Kadyo, sina Abby at Royet lang ang magkakasama sa bahay.
Habang naghahanda ng pagkain si Mang Kadyo ay may narinig siyang umuungol sa kuwarto ng anak na si Abby. Dahil inakala na baka binabangungot ang dalagita ay agad niya itong sinilip sa kuwarto. Ang sumunod na eksena ay hindi niya inakalang makikita niya.
Nakita niya ang anak na si Royet, nakaibabaw sa dalagita niyang anak. Umuungol ito sa ginagawang kahayupan.
Nag-umapaw ang galit ni Mang Kadyo at sinugod sa loob ng kuwarto ang anak.
“Walanghiya ka! Sarili mong kapatid, pinagsasamantalahan mong hayop ka!” galit na sigaw ng matanda habang pinagsusuntok ang panganay na anak.
Sinasangga lang ni Royet ang bawat suntok ng ama hanggang sa nakakuha ito ng pagkakataong maitulak ng ubod lakas ang matanda at tumumba ito sa lapag. Dahil sa pilay ang kaliwang paa ay nahirapang makatayo si Mang Kadyo, kaya ito naman ang gumanti ng suntok at pinagbubugbog ang ama hanggang sa hindi na ito nakatayo pa.
“Huwag na huwag kang magsusumbong, kundi ay papaslangin ko ang abnoy na iyan!” pagbabanta ng lalaki.
Nang umuwi si Aling Celia ay naabutan nitong sugatan at puro pasa ang mukha asawa.
“Anong nangyari sa iyo, Kadyo?” tanong nito.
“W-wala, napagkatuwaan lang ako ng mga tambay sa labas.”
“Ang mga bwisit na tambay na iyan at walang magawa sa buhay nila! Halika’t gagamutin ko ang mga pasa at sugat mo,” sabi ng babae.
Nag-aalala si Mang Kadyo sa kaligtasan ng kanyang asawa at anak na si Abby kaya isang napakalaki at napakahirap na desisyon ang kailangan niyang gawin.
Muling sumapit ang dilim at mahimbing nang natutulog ang mag-anak ni Mang Kadyo maliban sa kanya.
Dahan-dahang lumapit ang lalaki sa sofa kung saan natutulog ang anak na si Royet. Ipinikit muna niya ang mga mata at sandaling nanalangin. Matapos magdasal ay iniangat niya ang hawak na itak at akmang itatarak iyon sa dibdib ng anak pero hindi niya kaya. Nangibabaw ang kanyang pagiging ama.
Sa kabila naman noon ay biglang bumalik sa isipan niya ang inosenteng imahe ni Abby, dahil doon ay kinuha niya ang telepono at tumawag ng mga pulis. Ipinagtapat niya ang lahat.
Noon ding gabing iyon ay dumating ang mga ito at inaresto ang binata. Napatunayang nagsasabi ng totoo si Mang Kadyo dahil nag-positive sa drug test ang lalaki. Bukod pa roon ay umamin ito sa nagawang kasalanan.
Masakit man para sa isang amang tulad ni Mang Kadyo, ito lang ang tangi niyang magagawa. Humingi siya ng tawad kay Abby, at taimtim na nanalangin na sana, balang araw ay maunawaan ni Royet ang bigat ng mga kasalanan nito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!