Inday TrendingInday Trending
Nagkahiwalay ang Magkasintahang Ito Ngunit Pinangako Nilang Babalikan ang Isat-isa Kapag Pinagbigyan Sila ng Tadhana, Matupad Kaya Ito?

Nagkahiwalay ang Magkasintahang Ito Ngunit Pinangako Nilang Babalikan ang Isat-isa Kapag Pinagbigyan Sila ng Tadhana, Matupad Kaya Ito?

“Naalala mo pa ba kung paano kita sinagot ha?” tanong ng dalaga sa lalaki.

“Oo naman! Nagbike tayo noon papunta sa court sa may maraming Christmas lights tapos pumunta tayo doon sa gitna, tapos tinanong mo ako kung ano’ng petsa ng araw na ‘yon,” saad ng lalaki sa dalaga.

“Tapos ang bilis mong sumagot na NOVEMBER 6! TAYO NA BA!?” tumatawang baling ng dalaga.

“Tapos tumawa ka lang at tumango-tango at sumigaw naman ako kaya pinaalis tayo ng baranggay tanod!” saad ng lalaki at sabay na nagtawanan ang dalawa.

Sais ang pinakaimportanteng araw kina Patrick at Lenny dahil ito ang araw na naging magkasintahan ang dalawa. Mga unang pag-ibig nila ang isat-isa kahit pa nga pinipigilan sila ng kani-kanilang mga magulang noon dahil nasa hayskul pa lang at baka hindi makapagtapos.

“E yung unang regalo ko sa ‘yo? Naalala mo pa?” tanong ni Lenny sa lalaki.

“Oo! Yung florescent na bracelet kasi usong-uso yun noon!” malakas na tumatawang sagot ni Patrick.

“Tapos ako naman yung papel na bulaklak!” dagdag pang muli ng lalaki.

“Tapos sabay nating tinapon lahat!” magkasabay nilang saad sa isat-isa.

Ngunit kahit na ganoon ay pinatunayan ng dalawa na makakapagtapos sila at hindi matutulad sa ibang kabataan na maagang naging magulang. Mas bata si Patrick ng dalawang taon kay Lenny kaya naunang magkatrabaho ang dalaga habang siya ay nasa kolehiyo pa lamang.

“E yung first kiss natin tsaka first ano! Naaalala mo pa?” tanong ni Patrick sa babae.

“Napaka mo talaga! Syempre naman! Makakalimutan ko ba ang unang pagdurugo? Haha takot na takot ka pa noon kasi nilagnat ako at hindi makalakad ng maayos pero tawa lang ako ng tawa!” saad ng babae.

Katulad ng ibang relasyon, dumaan din sila sa maagang kaligayahan at dumaan sa maraming away. Ngunit naging matatag ang dalawa hangang sa nakapagtapos si Patrick ng kolehiyo.

“Pitong taon din tayo no? Tapos sinayang ko lang,” biglang seryosong himig ng lalaki.

“Hoy! Hindi mo naman sinayang a, kita mo ngayon may maganda kang anak! At isa pa maayos ang naging buhay nila. Nagkaroon din ako ng pamilya at ang pagiging matagumpay ng mga anak natin ang tunay nating kaligayahan,” baling ni Lenny sa lalaki.

“Ano kayang naging future natin kung tayo ang nagkatuluyan, ano?” tanong naman ni Patrick.

Noong makapagtapos ang lalaki ng kolehiyo ay doon din lumabas ang isang malaking pagkakasala niya sa nobya. Nagkaroon kasi ito ng one night stand sa isang kaklase at sa hindi inaasahang pagkakataon ay may nabuong nilalang sa sinapupunan ng babae kaya naman mas pinili ni Lenny ang makipaghiwalay kay Patrick para bigyang daan ang responsibilidad na kailangan niyang kaharapin.

Kahit sobrang sakit para sa kanilang dalawa ay mas pinili nilang maghiwalay ng maayos. Sabay nilang sinunog ang mga bagay na sumisimbolo sa kanilang nakaraan at gumawa ng bagong buhay na hindi kasama ang isat-isa.

“Siguro sobrang ganda ng lahi natin! Mas magaganda pa sa lahi ng DONGYAN!” nakangiting saad ni Lenny sa kaniya.

“Pero naalala mo ba yung pangako natin sa isat-isa?” tanong ng babae.

“Na kapag may pagkakataon at pinayagan ng tadhana, babalikan natin ang isat-isa!” saad ni Patrick sabay hawak sa kamay ng babae.

“Malay mo puwede na, kapag naiintindihan na ng mga bata,” dagdag pa ni Patrick.

Halos limang taon na ang lumipas nang bumagsak ang eroplanong sinasakayan ng kanilang mga asawa. Napakaliit ng mundo dahil hindi nila lubos akalain na iisang eroplano lang pala ang sinasakyan ng kanilang mga kabiyak.

Ngayon ay nasa 38 anyos na si Lenny at 36 anyos naman si Patrick. Limang taon pa lamang ang bunso ni Lenny at malaki naman na ang anak ni Patrick.

Noong nawala ang kanilang mga asawa ay hindi naman nila intensyon na magkabalikan kaagad ngunit noong makita nila ang isat-isa ay talagang nabuhay ang matamis nilang nakaraan. Ang naputol nilang pag-iibigan.

“Gusto mo bang subukan natin na ipaliwanag sa kanila? Mamaya dalhin mo si Kendra dito sa bahay, subukan nating muli Patrick.”

Kinagabihan, naghanda ng masarap na hapunan si Lenny at dumating ang anak ni Patrick na si Kendra, nasa 13 anyos na ito. Samantalang nakaupo naman na sa mesa ang panganay ni Lenny na si Mark, 10 taong gulang at si Mae na 5 taon.

Pagkatapos ng hapunan ay kinausap ni Lenny ng mag-isa si Kendra at ganun din si Patrick sa mga anak ng babae.

“Kendra, pwede bang alagaan din kita parang katulad ng mommy mo? Pangako ko anak hindi ko siya papalitan. Gusto ko lang kayong alagaan ng daddy mo,” saad ni Lenny sa bata. Kinakabahan siya dahil baka hindi pa nila maintindihan. Hindi ito nagsalita at tinignan ang mga anak ni Lenny na kausap ang kaniyang ama.

Sumenyas si Patrick ng ok sa dalawang babae at ibinalik ni Kendra ang tingin kay Lenny. Ngumiti ito at biglang niyakap ang babae, “Oo naman! Sobrang excited na akong maging momy ka!” saad ng bata na ikinaluha naman ni Lenny. Lumapit din ang mga anak niya at si Patrick.

“Hindi ka ba nasorpresa?!” tanong ng lalaki.

“Ready na kami, mama! Ikaw na lang ang hindi! Pwede ka nnga magka love life ulit!” sigaw ni Mae at natawa na lang si Lenny, dahil plano na pala talaga ito ni Patrick, niyakap siya ng lalaki at hinalikan naman niya ito sa noo at nagpalakpakan ang kanilang mga anak.

Wala nang mas sasaya pa sa kanilang nabuhay na pag-iibigan at ngayon ay lumalaking pamilya.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement