Ibinayad ng Lalaki ang Pekeng Pera sa Dalawang Matandang Nagtitinda ng Prutas, Matindi ang Naging Balik ng Karma sa Kaniya
Mula sa bundok ay lumuwas si Aljon dito sa Maynila sa paniniwalang mas maayos ang magiging buhay dito ngunit nagulat siyang ibang-iba ang nadatnan dahil taliwas sa kwento ng marami ay nagkalat rin ang mahihirap na taong katulad niya.
Napatira siya sa squatters area kung saan siya mismo ang naghanap ng pwedeng mapagtatayuan ng bahay gawa sa mga pinagtagpi-tagping yero at sako. Hindi ito ang buhay na inaasahan niya sa Maynila.
“Aljon, saan mo nakuha itong pambili ng pansit?” tanong ni Bambi, ang kinakasama ni Aljon.
“Madami akong nalinisan na bote ngayon kaya nakabili tayo ng pansit, huwag kang mag-alala galing iyan sa malinis,” baling ng lalaki.
“Kahit ganito tayo kahirap ay huwag ka sanang gagaya sa mga kapitbahay nating magnanakaw at mga nagbebenta ng droga. Mas gugustuhin ko pang maglabada o di kaya’y maglinis ng kuko basta’t maayos ang buhay natin,” saad muli ng babae.
Tumango lamang si Aljon sa babae at ngumiti. Lingid sa kaalaman nito na nandukot na naman ng pitaka si Aljon upang may makain lang sila. Hindi kasi sapat amg kita sa pakyawang paglilinis niya ng mga bote lalo na ngayong nagdadalang tao pa si Bambi sa una nilang supling.
“Mommy aalis muna ako ha, eextra muna ako sa palengke para may pera tayo,” saad ng lalaki kay Bambi at saka umalis.
“Tol, sigurado ka bang hindi ako mahahalata diyan? Baka naman sumabit ako sa style mo,” wika ni Aljon sa kaibigan.
“Matagal ko nang ginagawa ito, master ko na ito. Basta bibili ka lang ng medyo malaking halaga, hindi ka naman na lugi dahil mura lang ang puhunan mo tapos doble ang balik sa’yo,” saad naman ni Rico.
“Sige, bigyan mo ako ng dalawang isang libong buo,” baling naman ni Aljon.
“Basta ibibili mo iyan sa maraming tao ha, para hindi matandaan yang mukha mo!” wika pang muli ni Rico saka binigay ang perang dalawang libong piso.
Nagbebenta ang kaibigan niyang si Rico ng mga pekeng pera at nabili nga niya ang dalawang libong piso sa halagang isang daan.
Agad na pumunta ang lalaki sa palengke at bumili sa mga isdaan kung saan maraming tao, bumili siya ng isang kilong bangus, tilapia at pati na rin hipon. Ibinayad niya ang pera sa babaeng di magkandaugaga sa paglilinis ng isda habang nakikipag-usap sa mga customer. 540 ang halaga ng kaniyang mga nabili at nasuklian pa siya ng 460 pesos ng walang kahirap-hirap.
“Tama nga si Rico, ayos itong raket niya. May ulam na ako may pera pa ako!” masayang wika nito sa sarili.
“Mommy, may dala akong mga lulutuin pang ulam, nakapulot kasi ako ng pera. Swerte ka talaga sa buhay ko!” pahayag ni Aljon kay Bambi sabay halik sa tiyan nito. Ngumiti na lang ang babae sa kaniyang asawa.
Kinaumagahan ay naisipan naman ni Aljon na bumili ng prutas para sa asawa at agad niyang nakita ang dalawang matanda na nakapwesto sa bangketa na nagtitinda ng saging at ilang prutas.
“Kahit wala akong kasabay na bumili doon ay hindi ako mahuhuli dahil matatanda na iyon at paniguradong hindi marunong tumingin ng pekeng pera,” saad niya sa sarili. Maganda kasi ang pagkakagawa ng mga pekeng pera ng kaniyang kaibigang si Rico kaya nga kung hindi talaga bihasa ang titingin ay agad na mapepeke ang mga ito.
“Lo, pabili nga ho ng isang piling na saging at anim na mansanas,” saad ni Aljon sa matanda.
“Naku, salamat naman apo at ikaw ang aming buena mano. Wala kaming panukli sa malaking pera ha,” baling ng matandang babae sa kaniya.
“Ay ganun ho ba, siya huwag na lang ho kasi isang libo ang pera ko dito e. Nagmamadali rin kasi ako,” pahayag naman ng lalaki at ipinakita ang perang nakatupi.
“Ay sige akin na. Ako na ang magpapabarya,” baling naman ng matandang lalaki at agad na naglakad ito ng dahan-dahan habang binabalot ng matandang babae ang kaniyang binili.
Kinabahan ang lalaki dahil baka mahuli ang matanda sa peke niyang pera kaya lumayo muna ito at kunwaring nagtitingin sa ibang paninda.
Nakita niyang sa tindera ng bigas ito nagpapalit at binigyan naman ng binatilyo si lolo kaya napangiti si Aljon habang nakatingin sa malayo.
“Apo, ito na ang sukli mo. Salamat ha, bili ka ulit sa susunod,” saad sa kaniya ng lola.
Masayang-masayang umuwi si Aljon sa kanilang bahay ngunit wala doon ang kaniyang asawa. Isip-isip niya’y baka naglilinis ng kuko, manikurista kasi ito sa kanilang lugar.
Kaya pumasok muna siya sa trabaho, nagulat na lang si Aljon nang bigla siyang hinila ni Rico.
“Sabi ko naman sayo ibibili mo iyon sa mga maraming tao, tignan mo ngayon sikat ka na! Nasa facebook ka,” pahayag ni Rico.
Nakita niyang nakapost ang kaniyang mukha sa social media at ang matandang nagbebenta ng prutas, pinanuod pa niya ang video na naka-upload.
“Siya lang naman ang bumili sa amin at wala pa kaming bentang iba. Apo, kung nasaan ka man baka pwedeng balikan mo yung isang libong peke na binayad mo dahil binalik sa akin nung pinagpalitan ko. May utang pa tuloy ako,” mensahe ng matandang lalaki.
Doon niya napagtantong nahulog pala niya ang pitaka kung saan andoon ang kaniyang litrato kaya siya nakilala ng dalawang matanda. Wala pang isang oras ay kinuyog siya ng ilang kapitbahay.
“Hoy Aljon, mahiya ka naman. Pati matanda ay dinugas mo pa! Itigil mo na ‘yang ginagawa mo, kakarmahin ka lalo na yung buntis mong asawa,” sigaw ni Aling Baby, kapitbahay ng lalaki.
“Sinabi ko na sayo na huwag kang mangloloko ng kapwa dahil doble-dobleng karma ang balik sa atin niyan!” galit na pahayag ni Bambi sa kaniya at pinaghahampas ito ng damit.
Binalikan ni Aljon ang dalawang matanda at humingi ng pasensya, sinabi na lang niyang hindi niya alam na peke ang pera saka siya nagbayad sa kaniyang nakuhang pera.
Ngayon ay hindi na inulit pa ni Aljon ang pangdurugas dahil kilala na ang kaniyang mukha hindi lamang sa kanilang lugar kundi pati na rin sa Facebook.
Doon niya napagtanto na hindi siya aasenso sa pandurugas sa ibang tao.